Inday TrendingInday Trending
Wala mang Kakayahan ang Simpleng Mag-asawa na Bilhin ang Magarang Bahay ay Inasikaso pa rin Sila ng Ahente; Magandang Pabuya pala ang Naghihintay sa Kaniya

Wala mang Kakayahan ang Simpleng Mag-asawa na Bilhin ang Magarang Bahay ay Inasikaso pa rin Sila ng Ahente; Magandang Pabuya pala ang Naghihintay sa Kaniya

Sinalubong ng malakas na palakpak ang pagpasok sa opisina ng ahenteng si Joyce. Noong isang araw kasi ay nakabenta na naman ng bahay at lupa ang dalaga at sa kanilang grupo at bukod tangi siyang nakabenta ng magkasunod na linggo. 

“Ang galing mo talaga, Joyce! Binabati kita,” saad ni Theresa, kasamahan ng dalaga.

Iniabot ni Theresa ang kaniyang mga palad para makipagkamay kay Joyce ngunit hindi ito pinaunlakan ng dalaga.

“Maraming salamat, Theresa, pero parang hindi naman totoo ang pagbati mo kaya hindi na ako makikipagkamay sa’yo. Saka may paniniwala kasi akong ang dapat na kinakamayan ko lang ang mga mayayamang taong nais na bumili ng bahay at lupa. Pasensya ka na,” pagmamataas ni Joyce.

Hinayaan na lamang ito ni Theresa sa pag-aakalang nagbibiro lamang ang dalaga.

“Joyce, baka naman p’wede mo akong bigyan ng mga tips para makabenta rin ako tulad mo. Nakakabenta naman ako pero kailangan ko pa sana ng mas maraming benta para–,” hindi pa man tapos si Theresa sa pagsasalita ay agad na siyang binara ni Joyce. 

“Para maungusan ako? Hindi ako nahihibang, Theresa! Ikaw mismo ang umalam kung ano ang sikreto ko sa paghahanap ng mga kliyente,” pagyayabang muli ni Joyce. 

“Hindi naman sa gano’n, Joyce. Kailangan ko lang talagang kumita ng mas malaki dahil pangarap ko ring maitira sa magandang bahay ang nanay ko bago pa mahuli ang lahat. May sakit kasi siya at ang tanging pangarap lang niya ay magkaroon kami ng maayos na tirahan. Kahit hindi kasing laki ng mga ibinebenta natin, basta maayos at matatawag niyang kaniya,” dagdag pa ni Theresa. 

“Tigilan mo na ako sa drama mo, Theresa, at sinisira mo ang moment ko. Kung gusto mong magdrama ay huwag dito, huwag sa’kin! Nagdiriwang ako ng kagalingan ko, sinisira mo!” inis na sambit pa ni Joyce. 

Humingi ng tawad si Theresa pero tinalikuran lamang siya ng mayabang na si Joyce.

Pagkatapos ng pagdiriwang na iyon ay bumalik na muli sila sa trabaho. Muling naghanap ng mga kliyente ang mga ahente.

Pinuntahan ni Theresa ang isang bahay at lupa na nais sana niyang ibenta. Doon ay nakita sila muli ni Joyce.

“Huwag mong sabihing balak mo ring ihanap ng bibili ang bahay at lupang ito. Napakalaki nito at napakamahal. Tiyak kong mahihirapan kang ibenta ito. Sumuko ka na lang at hayaan akong magbenta nito,” saad ni Joyce kay Theresa.

“Nais ko lang naman subukan, Joyce. Malay mo ay makabenta rin ako ng mahal na bahay at lupa tulad mo. Nang sa gayon ay makakomisyon din ako ng malaki at maibili ko na ng bahay ang nanay ko,” nahihiyang sambit ni Theresa.

“Kahit ano’ng gawin mo ay hindi mo ako mauungusan, Theresa. Sumuko ka na,” dagdag pa ni Joyce. 

Ilang saglit lang ay may mga pumasok na mag-asawa. Simple lamang ang suot ng mga ito at tuwang-tuwa sila sa ganda at laki ng bahay na iyon.

“Ibang klase ang bahay na ito. Tiyak kong ang lahat ng makakakita nito ay bibilhin ito kaagad. Gusto kong tumira dito,” saad ng ginang sa kaniyang asawa. 

Biglang natawa si Joyce sa sinabi ng babae.

“Ang taas ng pangarap,” napapailing na bulong ng dalaga. 

Habang si Theresa naman ay nilapitan ang mag-asawa at kaniyang inasikaso ang mga ito.

“Nais n’yo po bang tingnan ang kabuuan ng bahay? Tara po at sundan n’yo ako para mailibot ko po kayo,” saad naman ni Theresa.

“Naku, huwag na at baka makaistorbo kami sa iyo. Nais lang talaga naming tingnan ang loob nito dahil manghang-mangha kami sa angking laki at ganda nito,” sagot ng ginoo. 

“Ayos lang po. Wala naman ding ibang kliyente,” saad naman ni Theresa.

“Alam mo, Theresa, kaya hindi ka makabenta nang maayos dahil pinag-aaksayahan mo pa ng panahon ang mga taong alam mong hindi naman kayang bumili ng ganitong ari-arian. Iyan ang malaking pagkakaiba natin. Marunong akong kumilatis ng tao sa panlabas pa lang nilang hitsura,” sambit ni Joyce. 

“Bakit ko naman pipigilan ang mga tao sa kanilang pangarap? Libre namang tingnan ang lugar na ito ng kahit sino, Joyce. Saka kung sa tingin mo ay aksaya lang sila sa oras ay nagkakamali ka. Sa paulit-ulit kong pag-aalok sa mga tao ay nahahasa rin ako. Oras ko naman ang masasayang at hindi ang sa iyo kaya huwag mo na akong pagsalitaan ng masama at huwag mo nang maliitin ang mag-asawang ito,” pagtatanggol pa ni Theresa.

Magiliw na inasikaso ni Theresa ang mag-asawa. Inilibot niya ang mga ito sa magandang bahay na iyon.

Maya-maya ay may isang mayamang mag-asawa naman ang dumating. Agad naman itong inasikaso ni Joyce. Magiliw rin niya itong inilibot sa bahay. Pinamukha pa nga ni Joyce sa simpleng mag-asawa na mas nakakaangat ang mga kliyente niya.

“Patabihin mo nga ang mag-asawang iyan. Ninanamnam ng mga kliyente ko ang ganda ng lugar na ito. Nasisira dahil sa dalawang iyan!” wika ng dalaga.

Si Theresa ang nahiya sa inasal ng kasamahan.

“Pasensya na kayo sa ugali niya. Talagang ganyan ‘yan, e. Nagustuhan niyo po ba ang bahay? Saka maayos po ba ang pagpapaliwanag ko sa inyo ng mga kailangan n’yong malaman tungkol sa ari-arian na ito?” tanong ni Theresa sa mag-asawa.

“Oo, napakagaling mo, Theresa. Gustung-gusto namin ang bahay na ito. Tamang-tama ang laki ng bahay na ito para sa isang malaking pamilyang tulad namin.”

Habang nagkukwentuhan ang mag-asawa at si Theresa ay natapos na rin ang paglilibot ni Joyce at ng kaniyang mga kliyente.

“Ma’am at sir, bibilhin n’yo na po ba ang bahay na ito? Wala naman po kayong kaagaw sa ngayon dahil hindi naman kaya ng mag-asawang ito ang presyo ng ari-arian na ito. Gusto n’yo po bang ihanda ko na ang mga papeles para makapag-down payment na po kayo?” tanong ni Joyce sa kaniyang mga kliyente. 

Ngunit laking gulat ni Joyce sa sagot ng mga ito.

“Sa totoo lang ay nagpapalipas lang kami talaga ng oras kaya sinubukan naming tumingin sa bahay na ito. Hindi namin kaya ang presyo ng bahay na ito!” natatawang sambit ng babae sabay alis nilang mag-asawa.

Napahiya si Joyce sa nangyari.

“Kayo talaga ang malas sa akin, e! Kung wala sana kayo dito ay nabenta ko na itong bahay na ito!” nagngingitngit na wika ng dalaga.

“Kanina pa ako nagtitimpi sa ugali mo, binibini. Hindi ko alam kung bakit ka nagkakaroon ng mga kliyente sa asal mong iyan. Marahil kung malalaman mo kung sino talaga kami ay magiging mabait ka sa amin!” sambit ng ginang.

“Ako nga pala si Armando de Silva at ito ang asawa kong si Marites de Silva. Kami lang naman ang may-ari ng subdivision na ito. Sa amin kayo nagtatrabaho!” saad naman ng ginoo.

Gulat na gulat ang dalawa sa kanilang nalaman.

“Ginawa namin ang bagay na ito dahil nais naming malaman kung sino talaga ang karapat-dapat na bigyan ng magandang pabuya. May inilaan kaming bahay at lupa na ipamimigay para sa mapipili naming empleyado. Ngayon pa lang ay alam na namin kung sino,” wika ni Ginang Marites. 

“Galing din kami sa hirap bago kami yumaman nang ganito. Hindi ko maintindihan sa mga tao kung bakit ang pakikitungo nila sa kapwa ay nababase sa kung ano ang estado sa buhay ng kanilang kaharap. Natutuwa kami sa iyo, Theresa, dahil mabuti kang tao at tapat ka sa iyong tungkulin. Hindi lahat ng papasok dito at magtatanong sa inyo na magara ang kasuotan ay bibili ng ari-arian. May iba na tulad namin na nagtatago sa simpleng katauhan lamang. Lahat ay bigyan niyo ng karapatan para mangarap at magkaroon ng bahay,” saad naman ni Ginoong Armando. 

“Dahil pinahanga mo kami, Theresa, bibigyan ka namin ng isang bahay at lupa sa subdivision na ito. Nawa ay magpatuloy ka sa iyong mabuting hangarin at sipag sa trabaho. Ipinagmamalaki namin na magkaroon ng empleyadong tulad mo!” saad muli ng ginang.

Pahiyang pahiya si Joyce dahil sa kaniyang inasal. Nanliliit siya sa kaniyang ginawa. Hindi niya kasi akalain na ang simpleng mag-asawa palang ito ay ang kaniyang mga amo. 

Samantala, laking tuwa ni Theresa na sa araw na iyon ay natupad din ang pangarap niyang mabigyan ng sariling bahay at lupa ang kaniyang may sakit na ina. Lubos ang kaniyang pasasalamat hindi lamang sa mag-asawa kung hindi na rin sa Diyos na nagbigay sa kaniya ng biyayang ito.

“Ang aking ina po ang nagturo sa akin ng magandang asal at huwag kailanman manghusga ng kapwa. Sa kanya ko rin po ibibigay ang bahay na ipagkakaloob niyo sa akin dahil iyon po ang pangarap niya. Maraming salamat po sa pagkakataon na matupad ko ang pangarap ng aking mahal na ina,” saad ni Theresa habang patuloy ang pag-agos ng kaniyang mga luha dahil sa tuwa.

Advertisement