Inday TrendingInday Trending
Ipinagkanulo ng Panganay ang Nag-iisang Kapatid; Bandang Huli’y Ito pa pala ang Magbibigay ng Magandang Buhay sa Bunso

Ipinagkanulo ng Panganay ang Nag-iisang Kapatid; Bandang Huli’y Ito pa pala ang Magbibigay ng Magandang Buhay sa Bunso

Hatinggabi na at hindi pa rin natutulog si Mang Leo. Hinihintay kasi niya ang pag-uwi ng binatang anak na si Marco. Kanina pa niya ito tinatawagan ngunit hindi ito makontak. Hindi rin naman alam ni Mang Leo ang numero ng mga kaibigan ng anak upang mapagtanungan sana niya.

Alas singko na ng umaga at nakatulog na si Mang Leo sa sala sa kakahintay. Maya-maya ay dumating na rin si Marco at halata ng ama na nakainom ang binata. 

“Saan ka na naman galing, Marco? Aba’y para kang walang magulang, a? Ganoon na ba kahirap ang magpaalam sa akin? Kung ayaw mong hingin ang permiso ko ay sabihin mo man lang sa akin kung nasaan ka? Tatay mo pa rin ako at anak pa rin kita kaya sumunod ka sa akin!” galit na sambit ni Mang Leo sa anak.

“P’wede ba, pa, mamaya na tayo mag-usap. Ang sakit ng ulo ko at nahihilo pa ako. Hindi ko kailangan ng sermon ngayon! Kung dadakdakan n’yo na naman ako ay mamaya na lang! Hayaan n’yo muna akong makapagpahinga!” pabalang na sagot naman ng binata.

“Talagang wala ka nang respeto sa akin, ano? Ano ba ang pagkukulang ko sa iyo, Marco? Lahat naman ay ginagawa ko para maging mabuting ama sa iyo! Simula ng mawala ang ina mo ay nagkaganyan ka na. Kung may problema ka ay maaari naman nating pag-usapan! Mabuti pa ang kapatid mong si Francis! Hindi siya sakit ng ulo sa akin. Bakit hindi ka na lang tumulad sa kapatid mo? Kung sino pa ang panganay ay siya pang nagdadala sa akin ng sakit ng ulo!” nagtitimping sambit muli ng ama. 

Ngunit imbes na makipag-usap ay tinalikuran na lamang ni Marco ang ama. Labis itong ikinagalit ni Mang Leo kaya pinagbuhatan niya ng kamay ang anak. 

“Sige, ‘Pa, ito pa ang isang pisngi ko! Sampalin mo pa ako! Wala namang ibang magaling sa iyo kung hindi si Francis, ‘di ba? Sa lahat ng pagkakataon si Francis ang matalino, si Francis ang mabait, si Francis ang mapagkakatiwalaan. Pero ako? Ano ang tingin n’yo sa akin? Isang masamang anak!” bulyaw ni Marco. 

“Inaasahan mong matuwa ako sa iyo sa kabila ng pinapakita mo sa akin? Tingnan mo nga ang sarili mo at kung ano ang ginagawa mo ngayon, Marco! Ang laki ng pinagbago mo, parang hindi na kita kilala!” sigaw pa ng ama. 

Sa labis na galit ni Mang Leo sa sagutan nila ng kaniyang anak ay sumikip ang dibdib nito. Hanggang sa tuluyan na itong hinimatay. Ni hindi na umabot pa sa ospital ang kaawa-awang ama.

Nabubuhay pa lamang ang ina nina Marco at Francis ay may hidwaan na talaga ang magkapatid. Sa tingin kasi ni Marco ay paborito itong si Francis kaya laging pinapaboran ito ng kaniyang mga magulang. Hindi matanggap ni Marco na maging siya ay may pagkakasala sa kaniyang sarili.

“A-ano ang nangyari kay Papa, Kuya? Bakit nagkaganito?” umiiyak na sambit ni Francis. 

“H-hindi ko alam. Ikaw nga ang dapat kong tanungin dahil inabutan ko na lang siyang nakahandusay sa sahig! Ikaw ang kasama sa bahay pero hindi mo alam na may nangyari na palang masama sa ama natin!” pagmamaang-maangan ni Marco. 

Naging mahirap para kay Francis ang tanggapin na wala na ngang silang ina ay nawala pa rin ang kanilang ama.

Hindi pa man inililibing ang amang si Leo ngunit isa-isa nang kinamkam ni Marco ang kanilang mga ari-arian. Nang mailibing ang ama ay tuluyan nang si Marco ang naghari sa kanilang bahay. Naging malaya na siyang gawin ang mga bagay na kaniyang gusto.

Dahil wala pa sa tamang edad itong si Francis ay wala siyang kapangyarihan na humawak ng natitirang pera ng ama. Tanging si Marco lamang ang nakahawak ng iniwan sa kanila ng ama. Ngunit winawaldas lamang ito ng panganay na anak.

“Kuya, kailangan ko ng pangmatrikula. Bigyan mo naman ako ng pera,” pagmamakaawa ni Francis sa kapatid.

Ngunit wala nang natira ni singko sa perang iniwan sa kanila ng ama. Inubos na ito unti-unti ni Marco sa kaniyang mga bisyo. Maging ang bahay na kanilang tinitirhan ay naibenta na rin.

Dahil gipit na at wala nang maipantustos sa mga bisyo ay naisipan ni Marco na pasukin ang bahay ng isang matanda sa kanilang lugar. Retirado na ito at mag-isa lamang sa bahay. Tiyak siyang marami siyang makukuhang pera dito.

Ngunit hindi nagtagumpay ang kaniyang plano. Nagising agad ang matanda. Mabuti na lamang ay agad na nakatakas si Marco.

Isinumbong ng matandang si Mang Pedro ang pagyayari sa pulis. Dahil bahagyang nakilala ng biktima itong si Marco ay agad itong inimbestigahan ng mga awtoridad.

Imbes na umamin sa kaniyang pagkakasala ay itinuro niya ang kaniyang kapatid.

“Dinig na dinig ko na kailangan niya ng pangmatrikula. Dahil nga wala akong maibigay sa kaniya ay napag-isipan niya sigurong pagnakawan ang matanda. Ilang araw na rin niyang minamanmanan si Mang Pedro. Hindi ko naman alam na ganito pala ang plano niyang gawin,” saad pa ni Marco sa mga pulis. 

Gulat na gulat si Francis nang dakpin siya ng mga pulis. Hindi niya alam na ang sarili niyang kapatid ang nagkanulo sa kaniya.

Dahil nga menor de edad ay hindi pa maaaring makulong itong si Francis. Kaya dinala na lang siya ng mga pulis sa isang boystown. 

Labis naman ang paghingi ng tulong ni Francis sa kaniyang nakatatandang kapatid.

“Kuya, tulungan mo ako. Ilabas mo ako dito. Hindi ko talaga alam ang sinasabi nila. Hindi ko kayang gawin ‘yun. Alam mo naman ‘yun hindi ba? Sabihin mo sa kanila, kuya!” pagsusumamo ng bunsong kapatid.

“Hindi ko na p’wedeng bawiin ang mga nasabi ko na, Francis. Mas magiging maayos ka dito. Sa wakas ay mawawalan na rin ako ng isang malaking balakid sa buhay ko! Sa tingin ko naman ay kaya ka pang ipagmalaki ng magulang nating nasa langit. Maiwan na kita at marami pa akong nais gawin nang malaya. Sa wakas ay wala na kayong pareho ni papa na balakid sa akin,” saad pa ni Marco sa kapatid. 

Labis ang sama ng loob ni Francis nang malaman na si Marco mismo ang nagdiin sa kaniya. Lalong ikinasama ng kaniyang loob nang malaman ang tunay na pangyayari sa pagkasawi ng ama. Sagad na hanggang buto ang kasamaan ng kaniyang kapatid.

Araw-araw siyang nananalangin sa Panginoon na sana ay magising na siya sa malaking bangungot na ito.

Hanggang sa isang araw ay bigla na lamang pinatawag si Francis. Makalalabas na raw ito sa boystown. 

Buong akala ni Francis ay ang kuya niya ang naglabas sa kaniya doon ngunit nagulat siya nang makita ang matandang si Mang Pedro.

“Alam ko namang hindi ikaw ang may sala at ang kapatid mo. Hindi ko lang inaasahan na ikaw ang ituturo niya. Naaawa ako masyado sa’yo. Maaaring masira ang buhay mo nang dahil lang sa kagagawan ng kapatid mo,” wika ni Mang Pedro.

Iinuwi ni Mang Pedro si Francis sa kaniyang bahay. Ang akala ni Francis ay gagawin siyang alipin ni Mang Pedro upang makabayad sa kasalanan ng kaniyang kuya ngunit nagkakamali siya.

“Wala naman akong mga anak. Wala rin akong malapit na kamag-anak na narito. Nais ko sanang kupkupin ka na parang tunay kong anak. Pag-aaralin kita at ibibigay ko sa iyo ang lahat ng pangangailangan mo. Nais ko na sa buhay kong ito ay makagawa naman ako ng kabutihan bago ako yumao,” saad ni Mang Pedro.

Naiyak na lamang si Francis sa paanyaya ni Mang Pedro.

“Buong buhay ko ang nais ko lang naman ay maging malapit kami ng kuya ko. Pero itinuring niya akong kaaway at kaagaw sa pagmamahal ng aming mga magulang. Nawalan man ako ng mga magulang ay swerte pa rin po ako at narito kayo. Sa isang banda ay nais ko pa ring magpasalamat sa kuya ko dahil ako ang itinuro niya kung hindi ay hindi ko po kayo makikilala,” umiiyak na sambit ni Francis. 

Buong akala ni Marco ay pinagdudusahan ng bunsong kapatid ang kanyang kasalanan. Habang winawasak ni Marco ang kaniyang buhay hindi siya nagsisisi dahil alam niyang mas kalunos-lunos ang sinasapit ng kaniyang kapatid. Ang hindi niya alam ay nagkaroon pa ito ng mas magandang buhay.

Lumipas ang panahon at muling nagkita ang magkapatid. Laking gulat ni Marco nang makita ang kapatid na nasa maayos na kalagayan. Habang siya ay pinaghahanap pa rin ng pulis dahil sa kaniyang mga kasalanan sa batas.

“Paanong nangyari ito? Hindi ba’t nakakulong ka rin? Hindi ba’t nasira na rin ang buhay mo nang mapunta ka sa boystown?” pagtataka ni Marco. 

“Iniligtas ako ni Mang Pedro sa lahat ng masamang pwedeng mangyari sa akin. Tinuring niya ako bilang isang tunay na anak. Binigyan niya ako ng magandang buhay. At nang yumao siya ay ipinamana niya sa akin ang kaniyang mga ari-arian. Hindi ko rin hinayaan na mapariwara ang buhay ko nang dahil lang sa ginawa mo sa akin,” tugon naman ni Francis.

“Hindi pa huli ang lahat, kuya, magbago ka na. Panagutan mo na sa mga pulis ang nagawa mong kasalanan. Bigyan mo naman ng respeto ang pangalan ng mga magulang natin. Habang may natitira ka pang panahon ay iayos mo na ang buhay mo!” dagdag pa ng bunsong kapatid.

Ngunit hanggang sa huli ay namayani pa rin ang pagmamataas at inggit sa puso ni Marco laban sa kaniyang kapatid na si Francis.

Isang araw ay nabalitaan na lamang ni Francis na nab*ril ng mga pulis sa isang engkwentro ang kaniyang Kuya Marco at tuluyan na itong nasawi. 

Sa huling hininga ni Marco ay bumalik sa kaniyang alaala ang lahat ng kaniyang mga maling nagawa. Doon pa lamang niya napagtanto na sana ay nakinig na lamang siya sa kaniyang kapatid nang sabihin nitong piliin na niya ang tamang daan. 

Nasawi si Marco na nag-iisa at wala man lamang siyang maiiwang magandang alaala sa kaniyang kapatid na si Francis.

Advertisement