Inday TrendingInday Trending
Ikinahihiya ng Magkapatid ang Bagong Trabaho ng Inang Dati ay Doktor; Mapapaluha Sila sa Tunay na Dahilan Nito

Ikinahihiya ng Magkapatid ang Bagong Trabaho ng Inang Dati ay Doktor; Mapapaluha Sila sa Tunay na Dahilan Nito

“Sylvia, sigurado ka na ba sa binabalak mo? Hindi biro ang pinili mong talikuran dito sa Pilipinas. Hindi lang basta ang mga ari-arian mo ang iiwan mo kung hindi na rin ang propesyon mo bilang isang doktor. Pag-isipan mong mabuti ang desisyon mong iyan!” saad ng kapwa doktor at matalik na kaibigan ng ginang na si Dok Helen.

“Nakapagdesisyon na ako, Helen. Tutal matanda na rin naman ako at nais ko na rin namang magretiro. Malaki na ang tampo sa akin ng mga anak ko sa Amerika. Gusto ko namang makabawi sa kanila kahit paano. Tutal iginugol ko naman na ang buhay ko sa propesyon ko. Alam n’yo kung gaano ko kamahal ang medisina pero mahal ko rin ang mga anak ko. Panahon nang sila naman ang maging prayoridad ko,” wika pa ni Sylvia. 

Limangpu’t limang taong gulang na ang doktor na si Sylvia. Maagang yumao ang asawa niyang isang doktor din. Mula noon ay mag-isa na niyang tinaguyod ang kaniyang dalawang anak. Pawang nasa Amerika na ang dalawa at doon na rin nagkapamilya. Batid ni Sylvia ang tampo sa kaniya ng mga anak dahil lagi siyang abala sa trabaho. Kaya naman napagpasyahan na niyang tuluyan nang iwan ang pagdodoktor at saka tumira kasama ang kaniyang mga anak.

Ngunit hindi maunawaan ni Sylvia kung bakit tila malamig ang pagsalubong ng kaniyang mga anak sa kaniya.

“Marahil ay nagkaroon kayo ng kaso sa Pilipinas kaya kayo narito. O hindi naman kaya ay may mali kayong nagawa. Gagawin n’yo lang kaming panakip butas,” saad ng panganay na si Corrie sa kaniyang ina.

“H-hindi naman sa ganun, anak. Narito ako para makasama ko talaga kayo,” paliwanag ni Sylvia.

Ngunit hindi naniniwala kay Sylvia ang kaniyang mga anak.

“Paano ‘yan ngayon, ‘ma. Hindi naman tulad sa Pilipinas ang buhay dito sa Amerika. Kailangan n’yo ring maghanap buhay para mabuhay kayo. Marami dito na kaparehas n’yo nang edad ay nagtatrabaho pa at hindi nagiging pasakit sa kaniyang mga anak,” saad naman ng isang anak na si Bridget.

“Hayaan n’yo at hindi naman ako magiging pabigat sa inyo, anak. Hahanap ako ng trabaho. Kahti ano basta malapit kayo sa akin,” pilit na pinapagaan ni Sylvia ang sitwasyon.

“Kayo ang bahala, ‘ma .Basta pinangungunahan ko na kayo na hindi madali ang mabuhay dito sa Amerika. Kanya-kanya tayong kayod. Iba talaga ang buhay dito,” dagdag pa ni Corrie. 

Napakasakit para kay Sylvia ang naririnig niya sa kaniyang mga anak. Ngunit hindi pa rin niya tinalikuran ang kaniyang desisyon. Mas mainam nang talikuran niya ang propesyon para lang makasama ang kaniyang mga anak.

Para hindi maging pabigat sa kaniyang mga anak ay napili ni Sylvia na magtrabaho pa rin sa isang nursery school bilang assistant sa pangangalaga ng mga bata. Magaan lamang ang trabaho at hindi ito nangangailangan ng mahabang oras. Ito na lang ang pinili ni Sylvia upang magkaroon pa rin siya ng oras para sa kaniyang mga apo. At mapagsilbihan pa rin niya ang kaniyang mga anak.

Ngunit imbes na ikatuwa ng kaniyang mga anak ang napili niyang trabaho ay kinahihiya pa siya ng mga ito.

Minsan sa isang salu-salo ay narinig ni Sylvia ang sinabi ng anak na si Corrie habang kausap nito ang isang kaanak.

“Hindi ko alam kung anong pumasok sa isip ng mama ko at mas pinili niya ang hiyain kami. Doktor na siya sa Pilipinas tapos ay pumasok na lang siyang assistant sa isang nursery school para lang maging tagahabol ng mga bata! Anong klase kaya ‘yun, hindi ba? Kahit kailan talaga ay hindi niya kami iniisip,” saad ni Corrie sa isang kaanak.

“Tinanong n’yo na ba ang mama niyo sa kung ano ang tunay na dahilan kung bakit siya nandito?” tanong naman ng ginang.

“Sabi niya ay gusto lang daw niya kaming makasama. Pero hindi kami naniniwala ni Bridget. Tingin namin ay may nagawa siyang masama sa Pilipinas kaya tinalikuran niya ang pagdodoktor. Kung wala siyang nagawang mali ay dapat pinilit pa rin niyang magdoktor dito sa Amerika para naman bigyan kami ng dangal, ‘di ba?” dagdag pa ng panganay.

Maluha-luha si Sylvia nang marinig niya ang lahat ng sinabi ng kaniyang anak. Nais na lamang niyang bumalik sana ng Pilipinas ngunit mas nangibabaw pa rin sa kaniya ang makapiling ang mga anak.

Lumipas ang mga araw at lalong nag-iiba ang tingin ng magkapatid sa kanilang ina. Imbes na lumapit ang kanilang kalooban sa ina ngayong kapiling na nila ito ay mas lalo pang lumayo.

Isang araw ay bigla na lamang pinatawag sina Corrie at Bridget sa eskwelahan na pinagtatrabahuhan ng kaniyang ina.

Pagkita pa lamang ng mga anak sa kanilang ina ay agad na nila itong sinermunan.

“Ano na naman ang ginawa mo, ‘ma? Pati ba naman maliit na trabaho ay hindi mo pa kayang gawin nang maayos? Ano pa bang kahihiyan ang ibibigay mo sa amin? Ang mabuti pa kung ganito na lang rin ng ganito ay umuwi ka na lang sa Pilipinas!” bulyaw ni Corrie sa ina. 

Ngunit lumabas sa silid ang namumuno ng nursery school. Nagulat ang magkapatid nang kausapin sila ng ginoo tungkol sa mabuting nagawa ng kanilang ina. Iniligtas pala nito ang isang bata mula sa tiyak na pagkawala. Nabulunan ang bata at agad na tinugunan ito ni Sylvia. Sa sobrang tuwa ng presidente ng eskwelahan ay inirekomenda nito na magpatuloy sa kaniyang propesyon ang ginang sa Amerika.

Ngunit ang lalong ikinagulat ng dalawa ay nang tanggihan daw ng ina ang alok ng namumuno ng eskwelahan dahil lamang sa ayaw na nitong balikan ang dating propesyon upang makasama ng matagal ang kaniyang mga anak.

“Totoo ba, ‘ma? Lahat ng ito ay ginagawa n’yo para sa amin? Talagang wala kayong iniwang gusot sa Pilipinas? Talagang tinalikuran niyo ang lahat para lang makasama kami?” umiiyak na saad ni Corrie.

Pumatak na rin ang luha ni Sylvia nang tumogon siya sa kaniyang mga anak.

“Oo, mga anak. Matagal ko na rin namang napagsilbihan ang marami dahil sa propesyon ko. Maraming pagkakataon sa inyong buhay ang hindi ko man lang nakita nang dahil sa pagiging abala ko na mabigyan kayo ng magandang buhay. Pero ngayong matanda na ako, nais ko pang gamitin ang lakas ko para makasama ko naman kayo. Para na rin makabawi sa lahat ng taong wala ako sa piling n’yo. Patawarin n’yo ako mga anak. Ito lang ang kaya kong isakripisyo para sa inyo. Sana ay ipagmalaki n’yo pa rin ako bilang isang ina,” umiiyak na sambit ni Sylvia.

Labis na kapatawaran ang hiningi ng magkapatid sa kanilang ina. Hindi nila alam kung paano makakabawi sa lahat ng masama at masakit na ipinakita nila sa kanilang Mama Sylvia.

“Wala namang magulang ang kayang tiisin ang anak. Kaya nga ako patuloy na nagsusumikap para pa rin sa inyong mga anak ko. Lahat kaya kong tiisin basta sa ikabubuti n’yo, mga anak ko,” sambit pa ni Sylvia.

Sa mga sandaling iyon ay muling nanumbalik ang saya ng pagsasama ng mag-iina. Nakapagdesisyon ang magkapatid na bunuin ang mga panahon sa pagbawi sa inang nagsakripisyo para mabigyan sila ng magandang buhay. 

Ano man ang naging trabaho ni Sylvia sa Amerika ay labis nang ipinagmamalaki nina Corrie at Bridget. Dahil kahit kailan ay hindi matatawaran ang sakripisyong ginawa ng inang si Sylvia para lamang makasama sila.

Advertisement