Inday TrendingInday Trending
Prinsipyo ng Ginang na Huwag na Huwag Magpapautang Kahit sa mga Taong Matindi ang Pangangailangan; Pagsisisi ang Tangi Niyang Napala

Prinsipyo ng Ginang na Huwag na Huwag Magpapautang Kahit sa mga Taong Matindi ang Pangangailangan; Pagsisisi ang Tangi Niyang Napala

Marangya ang pamumuhay ni Aling Ester. Nasa ibang bansa kasi ang kaniyang anak na panganay samantalang ang kaniyang bunsong babae naman ay may asawang nasa ibang bansa rin. Ito rin ang kahalili niya sa kaniyang karinderya na sikat sa masasarap na ulam niyang ibinebenta. Sikat din siya sa kanilang barangay dahil bukod sa talento niya sa pagluluto, ubod din ng sungit ang matandang ito. Kahit na sino kasi ay hindi niya pinapautang. 

Masaya si Aling Ester sa kaniyang buhay na tahimik at payapa. Sa ilang dekada niyang pagbebenta ng ulam, ito ang nagpatapos ng pag-aaral ng kaniyang mga anak na ngayon at matagumpay na rin. Mayroon din siyang nag-iisang apo na todo naman niyang kinagigiliwan. Wala na siyang mahihiling pa kundi ang matapos ang buhay na ganito pa rin ang pamumuhay. 

Isang tanghali, isang pamilya ang lumapit sa karinderya ni Aling Ester at nagbakasakali lang na makautang ng ulam at kanin sa matanda. Dala ni Beth ang kaniyang tatlong apo na mga puslit pa at halatang gutom na gutom na rin. Talaga namang kaawa-awa ang sitwasyon ng mga mag-lola subalit itinaboy lamang sila ng matanda na hindi man lang nahabag sa mag-iina. 

¨Magsilayas kayo dito sa tindahan ko, naku! Tigilan niyo ako sa utang utang niyo na ´yan dahil kahit na magmakaawa kayo diyan, hinding-hindi ako magbibigay ni-butil ng kanin!¨ pagbubugaw ng matanda sa maglolola. 

Malungkot at bigo na lumakad papalayo sina Beth dala ang kaniyang tatlong apo na iniwan ng magaling niyang anak sa kaniya. Habang ang matanda naman ay nag-uumapaw na naman sa galit at nagbubunganga. Kinuha niya ang bimpo, pinunasan ang pawis at pumasok sa kaniyang silid upang magpalamig lamang.

Naiwan ang bunsong babae na nagbabantay ng karinderya na si Jing. Lubhang naawa ito sa maglolola at sumandok ng kaunting kanin at ulam at iniabot kina Beth na naglalakad na pauwi. Sobra ang pasasalamat ng ginang kay Jing na nagmamadali namang bumalik sa karinderya at baka mahuli siya ng kaniyang ina. 

Sa bawat araw, paulit-ulit na bumabalik ang malolola upang mangutang subalit puro masasakit na salita lamang ang kanilang natatanggap mula kay Aling Ester. Subalit sa tuwing may pagkakataon naman si Jing, hinahatiran niya ito ng kanin at ulam at libreng ibinibigay sa maglolola. 

Hanggang sa isang tanghali, nahuli ni Aling Ester ang ginagawa ni Jing na palihim na pagtulong sa maglolola. Lubha itong ikinagalit ng matanda at nag-isip ng paraan upang turuan ng leksiyon si Beth. Sinakto ng matanda na bibigyan ulit ni Jing ng pagkain ang buong pamilya at tumawag siya ng barangay at mga pulis. Inireklamo niya ang mga iyon at sinabing nagnakaw ang ginang. Nang tanungin naman si Jing, wala itong lakas ng loob upang aminin na siya talaga ang nagbibigay ng kanin at ulam. 

Ang kaawa-awang maglolola ay muling naharap sa kalunos lunos na pangyayari kung saan kinailangan ni Beth na magtrabaho sa barangay sa loob ng isang buwan at magbayad ng ilang libong piso kay Aling Ester bilang parusa. Kumalat ang kwento sa buong barangay at wala ni-isang naglakas ng loob ng kalabanin at mangutang pa kay Aling Ester.

Dumaan ang isang taon, nagsarado ang mga tindahan, palengke, maraming mga nawalan ng trabaho dahil sa isang pandemya. Tinamaan ng sakit na ito ang asawa ni Jing na nasa ibang bansa pati na ang kaniyang panganay na anak na naging dahilan ng kanilang pagkasawi. Napilitan si Aling Ester na isara na ang karinderya dahil wala nang mga estudyante na nabili sa kaniya sa kadahilanang nagsara na rin ang paaralan malapit sa kanila. 

Isang buwan ang nakalipas, nasimot ang perang inipon ni Aling Ester sa pagtitinda dahil kinailangang ipagamot ang kaniyang asawa na nagkaroon ng isang malubhang sakit. ‘Di rin nagtagal, unti-unting lumabo ang mga mata ng matanda at halos wala na siyang maaninag pa. 

Dumating sa puntong wala na kahit kuryente at tubig ang matanda, pati na sina Jing. Hindi makapaghanapbuhay si Jing dahil bata pa ang kaniyang anak at wala ring mag-aalaga sa kaniyang ina na hindi na makakita. Kung kani-kanino lumapit si Jing pati na ang matanda upang manghiram ng pera o kahit na makakain lamang subalit karamihan ay tinanggihan sila. Ang tanging tumulong sa kanila ay si Beth na siyang nagbibigay ng isang plastik ng kanin at ulam mula sa kaniyang paglalabada. 

Bumalik lahat kay Aling Ester ang masasamang ginawa niya sa maglolola at sa mga taong nagnanais na mangutang sa kaniya. Kung sana ay naging mas mabuti siyang tao na may awa, ngayon sana ay maraming tao ang tutulong sa kaniya. Ngayong wala na siyang pera, ilaw, mahal sa buhay, pati na paningin, laking pagsisisi niyang naging matigas ang kaniyang puso para sa mga taong nangangailangan noon ng kakaunting kanin at ulam.

Advertisement