Inday TrendingInday Trending
Pinagsamantalahan ng Ginang na Ito na Kumita ng Malaki sa Kaniyang mga Kapitbahay; Grabe Pala ang Balik Nito sa Kaniya

Pinagsamantalahan ng Ginang na Ito na Kumita ng Malaki sa Kaniyang mga Kapitbahay; Grabe Pala ang Balik Nito sa Kaniya

Nang matapos ang panahon ng pandemya, lahat ng magkakapitbahay na sina Carol, Rose, Jenny, at Gilbert ay nawalan ng kuryente pati na linya ng tubig. Matapos kasi ang isang taon, nagpatong-patong na ang mga bayarin nila sa tubig at kuryente. Naging mahirap kasi sa lahat dahil nawalan ng trabaho ang mga miyembro ng kanilang pamilya at lubha silang naghikaos matustusan lamang ang pang-araw araw nilang pagkain. 

Habang ang lahat ay naghihirap at naghihikaos, si Margie naman ay nakahilata at tamang iskrol lamang sa kaniyang mga social media at patawa-tawa pa. Kung sa iba ay walang laman ang mga mesa, sa hapag ng ginang na ito ay napapanisan na lamang ng pagkain. Aniya, swerte siya sa lahat at tunay na pinagpala.

Kahit kasi pandemya, nakapagpapadala sa kaniya ang kaniyang dalawang anak. Ang isa ay may pamilya na at may magandang trabaho´t buhay at ang isa naman ay OFW sa Hawaii. Pahila-hilata na lamang ang ginang dahil wala na rin naman siyang asawa dahil matagal na itong namayapa. Wala siyang ibang inaasikaso kundi ang kaniyang sarili at mga aso´t pusa niyang alaga.

Isang tanghali, may nakita ang ginang na ibinebentang gintong kuwintas na may diyamante pa sa gitna. Labis siyang nahalina sa taglay na ganda nito. Ang kinang nito kahit na sa larawan lamang ay parang inaakit siya. Sinubukan niyang sabihin ito sa kaniyang mga anak subalit sumama lamang ang loob niya nang tanggihan siya ng mga iyon. Kung kaya nag-isip siya buong gabi ng maaari niyang pagkakitaan kahit nasa bahay lamang siya.

Kinaumagahan, mabilis na kumilos ang ginang at isa-isang pinuntahan ang mga kapitbahay. Inalok niya ang mga ito na kakabitan niya ng kuryente at magpapa-igib din siya ng tubig sa dalawang kondisyon, hindi ipapaalam sa kaniyang mga anak at kailangan nilang magbayad ng isang libo at limang daan kada-buwan. Kahit na mahirap para sa mga pamilya nina Carol, Jenny, Rose, at Gilbert, pinatos na nila ang alok na ito ng ginang dahil mas mahirap ang mabuhay na wala man lang kahit na ilaw. 

Laking tuwa ni Margie dahil umayon sa kaniyang mga pinaplano ang mga nangyari. Inasahan niyang may tatanggi subalit mas mabuti na raw iyon dahil mas malaki ang magiging kita niya. Nilakihan niya ang patong kahit na kakaunti lang naman ang mga kagamitan ng kaniyang mga kapitbahay. Kumbaga, inutakan ng ginang ang mga kapitbahay na naghihikaos na.

Isang buwan ang lumipas, masigla ang ginang na inumpisahan ang umaga. Nagpatugtog pa siya nang napakalakas at nagsasasayaw sa kaniyang bahay. Lumabas ang ginang at muling nagbahay bahay sa kaniyang mga kalapit na bahay na pinakabit niya. Ito ay upang singilin na ang mga ito sa kanilang paunang bayad sa buwan na iyon.

Ang unang bahay ay naabutan niyang nagbubu*gb*gan ang mag-asawa. Naiyak ang mga bata dahil walang gatas ang bata at walang pagkain na nakahain sa kanilang mesa. Binasa na ng ginang ang sitwasyon at minabuti pang ipagpaliban muna ang pamilya nina Carol dahil mukhang wala naman talagang maibibigay ang mga iyon. 

Sa bahay ni Rose, nadatnan niyang walang tao sa bahay. Halos maputol na nga ang litid ng ginang subalit wala ni-isa ang sumasagot sa kaniya. Napakunot ng noo at nagtaas ng kilay ang ginang sa mga oras na iyon dahil napagod lang siya at hindi man lang nakasingil. Minabuti na lamang niyang umalis at nagpasiyang bantayan ang bahay nina Rose upang singilin kaagad kung magkaroon ng tao doon.

Sa ikatlo at pang apat na bahay naman, mas lalong sumabog sa galit ang ginang dahil wala siyang natanggap kundi pakiusap na sa susunod na buwan na lamang magbabayad. Sina Gilbert kasi ay hindi pa rin nakakahanap ng trabaho. Samantala, sina Jenny naman ay kapos dahil kinailangang dalhin sa ospital ang kanilang bunso matapos nitong magkasakit.

Umuwi ang ginang na sobrang sama ng kalooban. Lumapit siya sa saksakan ng mga kuryent at akma sana niyang tatanggalin na ang linya ng mga kapitbahay. Subalit muli na namang nasilaw sa pera ang ginang. Naisip kasi niyang dodoble naman ang pera niya kung maghihintay pa siya hanggang susunod na buwan. Pinakalma niya ang sarili habang tinititigan ang larawan sa kaniyang selpon ng kwintas na nais bilhin.

Isang buwan pa ang nakakalipas, seryoso na ang ginang dahil dumating na ang sulat na nagsasaad na siya raw ay puputulan na rin ng linya ng kuryente kung hindi pa makakabayad sa loob ng isang linggo. Muli niyang inisa-isa ang mga bahay at galit na naningil sa mga kapitbahay. Subalit muli na anman siyang nabigo sa paniningil. Ni-isa sa mga iyon ay hindi makapagbayad sa kaniya. Kapos na kapos ang mga iyon at sinabi na lamang na putulin na lang ang linya.

Umuwi si Margie na sobrang sama ng loob at natatakot na umamin sa kaniyang anak. Lumipas pa ang ilang araw at kinabukasan ay puputulan na siya ng kuryente. Kinuha niya ang kaniyang telepono at tumawag sa mga anak. Ang unang anak niya ay hindi makakpagbigay dahil nakulong ito nang malaman na ito raw ay sangkot sa ipinagbabawal na gawain sa kumpanya. Patong patong ang aksong kinahaharap nito at halos nasaid na rin ang pera. Tinawagan niya ang bunso na nasa ibang bansa ngunit hindi niya iyon ma-kontak. Ilang beses niyang sinubukan ngunit wala siyang napala.

Ginawa ni Margie ang lahat ng paraan tulad ng pangungutang ngunit wala siyang mahiraman. Hindi na niya muling makontak pa ang bunsong anak. Ni-isang mensahe mula rito ay hindi na siya kailanman nakatanggap pa. Matapos ang isang buwan, tuluyan na ngang naputulan ng kuryente at tubig ang ginang at nalubog sa pagkakautang upang matustusan ang kaniyang pagkain. Pumasok siya sa paglalabada para lamang matugunan ang kumakalam niyang sikmura sa araw-araw. Punong puno ng pagsisisi ang matanda dahil sa kaniyang desisyon na lubos na nagpalubog ng kaniyang buhay.

Advertisement