Inday TrendingInday Trending
Inulan ng Kutya ang Dalagitang Ito Dahil sa Kulay ng Kaniyang Buhok; Sa Huli’y Kahahangaan Pala Siya ng Nakararami

Inulan ng Kutya ang Dalagitang Ito Dahil sa Kulay ng Kaniyang Buhok; Sa Huli’y Kahahangaan Pala Siya ng Nakararami

Matangos ang ilong, mapula ang mga maliliit na labi, kulay asul ang mga mata. Dagdag pa ang ubod na puti ng kaniyang balat at kasing kinis ng kamatis. Mahaba ang kaniyang buhok na kulay puti at sa tuwing nasisinagan ng araw ay wari bang kumikintab ito sa ganda. Subalit sa kabila ng kaniyang angking kagandahan, tampulan pa rin si Annie ng panunukso ng mga kapitbahay pati na kaniyang mga kalaro at kaklase. 

Sa lima kasing magkakapatid, bilang bunso, siya lamang ang natatanging ganito ang itsura. May mga nagsasabing siya raw ay anak sa ibang ama ng kaniyang ina nang umuwi ito galing ibang bansa. Mayroon ding sabi sabi na siya ay anak ng engkanto. Ngunit may mga nagsasabi ring siya raw ay isang anak-araw at may sakit. 

Ano pa man ang sabihin ng ibang tao, pilit na tinatakpan na lamang ni Annie ang kaniyang tainga mula sa mga kutya ng mga ito. Anim na oras lang naman siya sa eskwelahan, kayang-kaya niyang tiisin ang mga salitang ibabato sa kaniya ng mga kaklase. Kasunod pa nito ang mga matang nanghuhusga sa kaniya sa tuwing dadaan siya sa kalye nilang maliit kung saan kumpulan ang mga taong nakatingin at pinag-uusapan siya.

Isang gabi, nakahinga nang malalim at maluwag si Annie dahil natapos na naman ang isang buong araw. Laking pasasalamat niya na buhay pa siya at sa wakas, makakasama na niya ang ina na naghihintay sa kaniya upang sabay silang mag-asawa. Natagpuan siya ng ina na tahimik na pumapasok sa loob at nang akma siyang aakyat sa taas nang palihim, nakita siya nito na madungis ang mga damit. 

Hindi na nagsalita ang ina at tumitig na lamang sa kaniyang anak na may awa. ‘Di rin na kasi ito bago sa kanila. Sa tuwing uuwi na lamang si Annie, kung hindi marungis, mabaho, at kung minsan ay may sugat pa. Lagi kasi siyang napagtutulungan sa eskwelahan at wala sinuman ang tumutulong sa kaniya. Niyakap ni Shiela ang kaniyang anak at napaluha na lamang ito sabay hingi ng tawad sa anak. Ngumiti naman si Annie at humingi ng tawad sa ina dahil marumi na naman ang kaniyang uniporme. Sa huli, nagtawanan ang mag-ina at mabilis siyang nagbihis upang pagsaluhan ang kanilang munting hapunan. 

Matagal nang ulila si Annie sa kaniyang ama dahil iniwan sila nito. Simula noon, humirap sila nang lubos at nag-asawa sa murang edad ang kaniyang mga kapatid. Ang naiwan na lamang sa kanila ay silang dalawa. Habang siya ay nag-aaral, abala namang naglalabada ang kaniyang ina sa mga mayayaman nilang kamag-anak.

Isang umaga, habang naglalakad si Annie sa likod ng gusali ng kanilang paaralan, bigla na lamang may humila sa kaniya. Hindi niya namalayan ito dahil sa bilis ng mga pangyayari. Ang huli niyang naaalala ay may mga grupo ng mga kabataan na isa-isa siyang sinasabunutan, sinisipa at patuloy na sinasaktan. Ito ay sa pangunguna ng kaklase niyang lubos ang galit at inggit sa kaniya na si Lisa.

Nagkamalay si Annie na nakahiga siya sa kama ng klinika ng kanilang paaralan. Sa pagmulat ng kaniyang mga mata, naroon ang ina na basa ang mukha sa kakaiyak. Galit na galit ito at nais magsampa ng kaso sa mga kaklase ni Annie na gumawa sa kaniya noon. Subalit tikom ang bibig ng dalaga at handa raw siyang patawarin na lamang ang mga ito. Muling napaiyak sa awa ang kaniyang ina at patuloy na humanga sa kagandahang loob ng kaniyang anak.

Dalawang linggo rin na nagpagaling si Annie at hindi lumabas ng bahay hangga´t hindi kasama ang kaniyang ina. Lubos ang kaniyang kasiyahan dahil nakakatulong siya sa paghahanap buhay ni Shiela. Sabay nilang ginagawa ang lahat hanggang sa matapos ang palugit na ibinigay sa kaniya ng paaralan upang magpagaling.

Dumating ang araw na kailangan na namang sumabak ni Annie sa reyalidad ng buhay. Muli na naman siyang papasok at titiisin ang mga pananakit ng mga kamag-aral. Subalit ang tanging dala niya ay dasal na poprotektahan siya ng Maykapal.

Nakayuko si Annie na pumasok ng paaralan. Suot niya ay jacket na kulay itim upang maitago ang puting buhok niya. Para na rin hindi siya agaw pansin ng mga estudyante. Isang pabulong na pagtawag ng kaniyang pangalan ang kaniyang narinig at muli niyang naalala ang pambubugbog sa kaniya. Kumaripas siya ng takbo upang huminga sandali sa likod ng kanilang paaralan.

Habang nagpapahinga sandali, narinig ni Annie ang atungal na iyak ng kaniyang kamag-aral na Lisa. Namumugto ang mga mata nito habang kausap ang kaniyang guro at mga magulang. Napag-alaman ni Annie na may malubhang sakit ang kaniyang kaklase. Nais man niyang sumaya dahil mababawasan na ang mga taong nananakit sa kaniya ngunit wala siyang mapaglagyan ng awa para sa kaklase.

Lumipas ang ilang buwan at hindi na nila nakita si Lisa. Tumahimik na rin ang buhay niya sa kanilang paaralan. Wala ng nanggugulo sa kaniya at nananakit. Wala naman kasing ibang may lakas ng loob na saktan siya kundi si Lisa lamang. Subalit hindi siya mapalagay at nais sanang kamustahin ang kaklase dahil sa kaniyang narinig na usapan.

Pagkalipas ng isang buwan, pumasok si Annie na wala ng buhok. Muli na naman siyang inulan ng tukso at kutya ng mga estudyante sa paaralan. Kaliwa´t kanan ang paulan ng masasakit na salita sa kaniya. Hanggang sa isang umaga, pumasok si Annie na ibang iba ang pakikitungo ng lahat sa kaniya. Mabait at ningingitian siya ng mga ito. Inisip niya kung panaginip lamang ba ito o sadyang natupad lang ang kaniyang dasal.

Nang araw na iyon, masayang umuwi si Annie sa kanilang bahay. Nagulat ang kaniyang ina na wala na ang mahaba at makintab na buhok ng anak. Kasunod ni Annie ay ang pagdating naman ni Lisa at kaniyang mga magulang.

Tumaas ang balahibo ni Shiela nang makita na ang buhok ni Annie ay suot ng dalagang si Lisa. Hindi napigilan ni Lisa na isiwalat sa lahat ang istorya nila ni Annie na umani naman ng paghanga. Ibinigay pala ni Annie ang buhok kay Lisa. Laking pasasalamat din ng mga magulang nito ang tulong na ibinigay sa kanila ng dalaga sa pagtupad ng huling kahilingan ni Lisa matapos itong makalbo mula sa sakit na mayroon siya.

Tinulungan ng pamilya ni Lisa na magkaroon ng negosyo sina Annie at Shiela. ‘Di nila akalaing sa dulo, sila pa pala ang magiging tunay na magkaibigan hanggang sa huling hininga ni Lisa. Tunay ngang ang mabubuting puso ay palaging ipinagpapala. 

Advertisement