Inday TrendingInday Trending
Nabihag ng Lalaki Gamit ang Maganda Niyang Boses ang Puso ng Dalagang Masarap Magluto; Magtagpo Kaya ang Dalawang Magkaibang Puso sa Gitna?

Nabihag ng Lalaki Gamit ang Maganda Niyang Boses ang Puso ng Dalagang Masarap Magluto; Magtagpo Kaya ang Dalawang Magkaibang Puso sa Gitna?

“Huy! Sa ibang dimensiyon na naman lumipad ang kaluluwa mo!” pang-aasar ni Koring sa anak ng kaniyang amo na si Beth. Silang dalawa kasi ang nakatokang magsilbi sa mga kustomer. Oras na ng pananghalian kaya dagsa ang mga tao sa karinderya. At kabilang sa mga taong nasa karinderya ngayon ay ang suki nila na mahilig kumanta ng mga love songs sa kanilang videoke machine.

“Alam mo namang kahinaan ko ang mga guwapong lalaki na may magandang boses at magaling kumanta, eh. Sayang nga lang dahil siguradong hindi niya ako mapapansin kahit anong pagpapakyut pa ang gawin ko. Malamang may mala-dyosang girlfriend na iyan,” nakasimangot na pagdedepensa ni Beth.

Dalawang taon nang suki ng karinderya ang lalaki. Noong unang araw na napadpad ito sa karinderya ay napukaw agad nito ang atensiyon ni Beth dahil sa angkin nitong kaguwapuhan. Lalong nabighani ang dalaga sa lalaki nung narinig niya itong kumanta. Kilig na kilig ang babae. Pakiramdam niya ay hinaharana siya ng binata. Simula noon tuwing madadampian ng magandang tinig nito ang kaniyang tenga ay lagi na lang natutulala ang dalaga. Tila hinehele siya patungo sa paraiso ng pag-ibig kung saan silang dalawa lamang ang naninirahan.

Isang araw isang hindi inaasahang binatilyo ang bumisita sa karinderya. Sakay ng mamahalin niyang kotse ang limang malalaking buslo na naglalaman ng iba’t-ibang uri ng mga gulay at prutas na siya namang ipinasok ng kaniyang mga tauhan sa karinderya.

“Michael, ba’t bigla kang bumisita? Kumusta ka na?” salubong ni Beth sa binatilyo sabay pagyakap dito ng mahigpit. Abot tenga ang ngiti ng dalaga sa kaniya bisita. “Magde-deliver ako ng mga ani sa isang restawran malapit dito kaya naisipan kong dumaan na rin dito,” tugon ng binatilyo sa dalaga.

“Kumain ka na ba? Dito ka na kumain. Alam kong napagod ka nang husto sa layo ng biniyahe mo,” paanyaya ni Beth kay Michael.

Bigay-todo si Beth sa pagsisilbi sa kaniyang bisita. Ipinaghain pa niya ito ng mga putahe na siya mismo ang nagluto. At dahil napasarap ang pakikipagkuwentuhan niya kay Michael sa unang pagkakataon simula nung narinig niya ang magandang boses ng kinahuhumalingan niyang suki ng kanilang karinderya ay hindi man lang niya namalayan na matagal nang umalis ang lalaki matapos nitong kumanta ng mga makabagbag damdamin mga awitin.

Mabilis na nagdaan ang mga araw. Dalawang linggo na ang nakakalipas ngunit hindi pa rin bumabalik sa karinderya ang pinakapaboritong suki ni Beth. Labis nang nag-aalala ang dalaga. Samu’t saring mga senaryo na ang nabubuo ng kaniyang imahinasyon at habang tumatagal ay palala nang palala ang mga ito.

“Nadestino kaya siya sa probinsiya?” tanong ni Beth sa kaniyang sarili. “Kung hindi siya kinasal at lumipat ng bahay malamang wala iyon sa honeymoon. Pero bakit hindi pa rin siya bumabalik? Baka may nakain siya sa karinderya na nagpasakit ng tiyan niya at sinugod siya sa ospital? Naku, mamaya kritikal na ang lagay niya. Baka… Aray!  Bakit mo ‘ko binatukan?” reklamo ng dalaga kay Koring.

“Eh, sino ba naman kasi ang sobrang abala sa mayaman niyang manliligaw? Na sa sobrang busy niya ay hindi na niya napapansin ang mga kaganapan sa paligid niya. Halos tatlong oras ngang nag-concert iyong lalaki pero naging bingi iyang porselana mong tenga. Sisihin mo ang sarili mo! Dahil sa ginawa mo baka hindi na bumalik dito iyong tao. Nabawasan ang karinderya ng isang suki! Bwisit! Sinayang mo’ng lahat ng paghihirap ko!” Inis na sagot ni Koring bago nagpapapadyak na nagtungo sa kusina.

Naguguluhan man si Beth ay isinantabi niya muna ang mga nais niyang itanong sa babae dahil dumami na ang mga kustomer nila sa karinderya. “Anong manliligaw? Si Michael? Pinsan ko iyon, noh!” pahabol niyang sigaw.

Kinabukasan muling bumalik sa karinderya ang lalaking kinahuhumalingan ni Beth. Ang sadya nito ay hindi para kumain o kumanta sa videoke machine. Dire-diretso itong naglakad patungo sa kinaroroonan ng dalaga. “Hi, Beth. Ako nga pala si Ernesto. Puwede ba kitang maging girlfriend?” Natulala si Beth sa tanong ng paborito niyang suki. Hindi niya inaasahan ang tanong ng lalaki.

Inilahad ni Ernesto ang dala niyang regalo para sa dalaga, isang maliit na paso ng halamang rosas. “Alam kong hindi ako nababagay para sa iyo. Sino ba naman ako? Isang mahirap, torpe, mahiyain at simpleng hardinero lamang. Pero sana bigyan mo ako ng pagkakataon na iparamdam sa iyo ang pagmamahal ko,” pakiusap ng lalaki.

“Ligawan mo muna ako. Aray!” Binatukan ni Koring si Beth dahil sa naging sagot nito.

“Puwede bang tigilan niyo ‘kong dalawa. Anong ligaw-ligaw? Manhid ka ba? Halos dalawang taon ka nang hinaharana ng lalaki tapos ligaw na naman. Pagod na akong maging tulay niyong dalawa, ha. Sawa na ako sa pangungulit ni Ernesto tungkol sa mga paborito mong love songs. At wala akong balak na maging habang buhay mong taga-tanong sa mga paboritong putahe niya. Pag-untugin ko mga ulo niyong dalawa, eh,” reklamo ni Koring.

Nabigla si Beth sa kaniyang nalaman. Ang mga kinakantang awitin pala ng lalaki ay para sa kaniya. Ang buong akala niya ay wala na siyang pag-asa na mapansin nito. Hindi niya sukat akalain na pareho pala ang tinitibok ng kanilang mga puso.

“Sige na nga. Sinasagot na kita. Girlfriend mo na ko,” nahihiyang pahayag ng dalaga sa paborito niyang suki ng kanilang karinderya.

Malapad ang naging ngiti ni Ernesto sa naging sagot ng dalaga. Sa wakas matapos ang mahabang panahong panghaharana ay nakuha rin niya ang matamis na oo ng dalagang nagmamay-ari ng kaniyang puso, buhay at kaluluwa.

Advertisement