Inday TrendingInday Trending
Nabihag ng Estrangherong Binata ang Puso ng Dalaga; Walang Kaalam-alam ang Babae na May Itinatagong Mabigat na Lihim ang Lalaking Iniibig Niya

Nabihag ng Estrangherong Binata ang Puso ng Dalaga; Walang Kaalam-alam ang Babae na May Itinatagong Mabigat na Lihim ang Lalaking Iniibig Niya

“Ito ang namiss ko sa buhay probinsya, ang masarap na simoy ng hangin, hmm!” wika ni Lorraine habang dinadama ang malamig na hangin sa paligid.

Ine-enjoy ng dalaga ang bakasyon sa probinsya na malayo sa magulo at maingay na siyudad kung saan siya naninirahan.

Masyado siyang napagod sa trabaho bilang head writer sa pinapasukang TV network sa Maynila kaya napagpasiyahan niya na magpahinga na muna at magbakasyon kaya naroon siya sa lugar kung saan ipinanganak ang kanyang ina, ang lalawigan ng Laguna.

Isang araw, sa paglalakad ni Lorraine sa hardin ay may tumawag sa kanya.

“Miss, miss!”

Nang lingunin ng dalaga ang boses ay napansin niya ang isang guwapong binata sa labas ng kanilang gate. Sa tantiya niya ay magkasing-edad lamang sila nito. Medyo putlain pero may pigura. Parang malungkot ang mukha kahit na nakangiti.

“P-pahingi naman ng bulaklak niyo, o! Pwede ba?” tanong ng lalaki.

Kahit ‘di pamilyar sa kanya ang kausap ay sinagot niya ito nang maayos.

“Puwede naman. Sandali at ipipitas kita,” aniya.

Dahil mabait ang estranghero ay magaan ang loob niya rito. Hindi niya alam kung bakit tila may kung anong mayroon sa binata kung bakit mabilis siyang nagtiwala.

“O, ito na ang bulaklak mo,” sabi ni Lorraine sabay abot ng isang piraso ng bulaklak na rosas sa lalaki.

“Thank you, ha? Ako si Diego, ikaw?”

“A-ako si Lorraine.”

Matapos makipagkilala ay tumakbo na ito nang ilang hakbang palayo sa kanya bago lumingon uli. Natawa pa nga ang dalaga sa ikinilos ng lalaki.

“Mula ngayon, magkaibigan na tayo, ha? Lorraine?” sigaw ni Diego sa kanya.

“H-ha? A, eh, oo naman,” sagot ni Lorraine.

Nang makilala ang binata ay bigla na lamang na parang nagmarka agad sa isip ni Lorraine ang bagong kaibigan.

“Para siyang bata kung kumilos… natural niya siguro iyon, pero cute siya. Para lang siyang galing sa sakit,” bulong ng dalaga sa isip habang nakahiga sa kanyang kama kinagabihan.

Nang sumunod na araw ay inusisa niya ang inang si Cleo tungkol kay Diego.

“Ano kamo? May nakilala kang binata na Diego ang pangalan? Hmmm… hindi ko siya kilala, baka bakasyunista rin na gaya mo rito sa probinsya. Siguro ay diyan nagbabakasyon ‘yung sinasabi mong binata sa malaking bahay bakasyunan sa likod bahay ng lolo’t lola mo,” wika ng ina.

“Siguro nga, mama. Ang guwapo niya kasi, eh at mukhang mabait,” sagot ng dalaga.

Biglang napangiti ang ina sa sinabi niya.

“Naku, hija, hindi ka pa nga pala nagkakaroon ng nobyo, baka siya na ang nakalaan para sa iyo! Alam mo naman na kahit sino ang mahalin mo basta mamahalin ka rin at magiging maligaya ka sa piling ng taong ‘yon ay wala akong tutol,” natatawang tugon ni Cleo sa anak.

“Mama naman! Siyempre, I’ll take my time. Hindi ko pa nga gaanong kilala ang lalaking ‘yon eh!” aniya.

‘Di nagtagal ay muli silang nagkita ni Diego at mula noon ay naging malapit na sila sa isa’t isa. Mas nakilala ni Lorraine ang binata, mabait talaga ito kahit na may pagka-isip bata. Mabilis ding nahulog ang damdamin niya kay Diego.

“L-Lorraine, parang gusto na kita, mahal na kita,” pagtatapat ng binata sa kanya.

“A-ano? Totoo ba ‘yang sinasabi mo, Diego, at hindi mo ako niloloko?” tugon ng dalaga na biglang pinamulahan ng pisngi.

“Oo nga, mahal kita, Lorraine. Mahal mo na rin ba ako?” tanong pa ni Diego.

Hindi na nagpakipot pa si Lorraine at sinagot ang kausap.

“Oo, Diego, mahal din kita.”

“Talaga? Eh, ‘di tayo na?”

“Oo sabi, eh. Tayo na!”

Tuwang-tuwa ang binata sa isinagot ng dalaga. Para itong bata na nagtatalon at naghihiyaw na isinisigaw ang pangalan niya.

“Kami na ni Lorraine, mahal ko si Lorraine!”

“Hoy, huwag kang sumigaw at baka may makarinig sa iyo sabihin eh, nasisiraan ka na ng ulo!” saway ni Lorraine sa lalaki.

Kinagabihan ay kilig na kilig si Lorraine na nakaharap sa salamin at kinakausap ang sarili.

“’Di ko akalain na dito ko matatagpuan ang aking pag-ibig. Mabait si Diego ngunit marami siyang childlike mannerism at behaviors, pero kahit ganoon siya’y mahal na mahal ko na siya. Mahilig din siyang kumain ng mga kendi at madaling matuwa sa maliliit na bagay. Sana ay subukan naman niyang magseryoso ‘no! ‘Yung matured mag-isip,” sambit niya sa sarili.

Ngunit isang araw, binalak niyang sorpresahin si Diego sa bakasyunang tinitirhan nito ngunit ipinagtaka niya na may sasakyan sa labas at sinusundo ng mga lalaking nakasuot ng puting uniporme ang kasintahan.

“T-teka, s-sino ang mga iyon?” naguguluhan niyang tanong sa isip.

Maya-maya ay nilapitan siya ng isang matandang babae.

“Ikaw ba si Lorraine?” tanong nito sa kanya.

“Oho, ako nga po,” sagot niya.

Nang bigla siyang nakita ni Diego…

“L-Lorraine, Lorraine!” sigaw ng binata.

“D-Diego? S-Saan niyo po siya dadalhin at bakit may sasakyan na ganito rito?” tanong ng dalaga.

“Kausapin mo muna siya, hija at ipapaliwanag ko mamaya pagkatapos niyong mag-usap,” wika ng matandang babae.

Napansin ni Lorraine ang pagluha ng binata habang hawak-hawak ng dalawang lalaki ang mga braso nito at tangkang isasakay na sa sasakyan.

“Lorraine, ayaw ko sumama sa kanila. Ilalayo nila ako sa iyo, eh. Ayokong magkahiwalay tayo, mahal kita, Lorraine!” hagulgol ni Diego habang nagpupumiglas sa mga kamay na nakahawak sa kanya.

“Ako ang kanyang Tiya Margaret at ang aking pamangkin ay isang autistic. Ulila na siya sa mga magulang at ako na lang ang natitira niyang kamag-anak. Hindi na nga ako nakapag-asawa kakaalaga sa kanya. Matanda na ako at mahina na ang katawan, hindi ko na siya kayang alagaan pa kaya napagdesisyunan kong dalhin na lamang siya sa isang institusyon na nangangalaga sa mga kagaya niya na may kakulangan sa pag-iisip. Kalimutan mo na si Diego dahil hindi siya normal, mahihirapan ka lang sa kanya,” bunyag ng matanda.

Parang sasabog ang dibdib ni Lorraine sa nalaman niya tungkol kay Diego. Kaya pala iba ang mga kilos nito at kung minsan ay kakaiba itong magsalita iyon pala ay dahil may kakulangan pala sa pag-iisip ang nobyo niya ngunit imbes na layuan at ikahiya ang lalaki ay pinigilan niya ang balak ng tiyahin nito.

“Kung hindi niyo siya kayang alagaan, hayaan niyong ako ang mag-alaga sa kanya. Sa maikling panahon na nakilala ko si Diego, alam kong hindi siya gaya ng iniisip niyo. Oo, isip bata siya ngunit punum-puno naman ng pagmamahal ang puso niya. Mas matino pa nga siya kaysa sa ibang lalaking nakilala ko. Kung pagod na kayong alagaan at mahalin siya, ako na lang ang mag-aalaga at magmahal sa kanya dahil ang totoong nagmamahal ay hindi napapagod at kayang tanggapin ang lahat-lahat sa taong mahalaga sa inyo,” naiiyak na sagot ni Lorraine sa tiyahin ng binata.

Hindi na rin napigilan ni Margaret na maluha sa sinabi ni Lorraine. Ngayon lang may babaeng nagmahal at nagpahalaga ng totoo sa pamangkin niya. Nakaramdam ng labis na pagsisisi ang matanda sa ginawa kaya hindi na nito itinuloy ang balak at hinayaan na ang pamangkin na maging malaya sa nararamdaman nito para kay Lorraine.

“Tahan na, Diego, hindi ka na aalis. Hindi na tayo magkakahiwalay pa,” wika ni Lorraine sa nobyo habang pinapahid ang luha sa mga mata nito.

“Talaga? Hindi na nila ako ilalayo sa iyo? Gusto ko ‘yon! Hindi ko kayang mawala ka sa akin, Lorraine. I love you, I love you!” humihikbing tugon ng lalaki habang nakayakap nang mahigpit sa dalaga.

“I love you too, Diego. Hindi mahalaga sa akin kung ano ka, ang mahalaga ay kung ano ang idinidikta ng aking puso,” tugon ni Lorraine.

Patuloy na kinupkop ni Margaret ang pamangkin at kaagapay na nito si Lorraine sa pag-aalaga at pagmamahal kay Diego. Tanggap din ng pamilya ni Lorraine ang pag-iibigan nila ng lalaki. Ang sabi nga ng ina ni Lorraine na si Cleo, kahit sino ang mahalin ng kanyang anak basta mamahalin siya nito at maligaya si Lorraine sa piling ng lalaking napili ay wala siyang pagtutol. Naging masaya si Lorraine sa piling ni Diego kahit pa magkaiba ang antas ng kanilang pag-iisip, pantay naman ang tibok ng kanilang mga puso.

Advertisement