Inday TrendingInday Trending
Bago Palang sa Trabaho Pero Sobrang Malapit na Agad ang Boss sa Babaeng Empleyado; Ito Pala ang Magbubuo sa Kaniyang Pagkatao

Bago Palang sa Trabaho Pero Sobrang Malapit na Agad ang Boss sa Babaeng Empleyado; Ito Pala ang Magbubuo sa Kaniyang Pagkatao

Na-interview na ni Franco ang apat na aplikanteng nag-a-apply ng trabaho sa kumpanyang ipinamana sa kanya ng yumaong ama pero nang mga sandaling iyon ay nagpakilala naman sa kanya ang huling aplikante. Ngunit may napansin siya rito.

“T-teka, parang namumukhaan ko ang babaeng ito?” wika ni Franco sa isip habang pinagmamasdang mabuti ang babaeng aplikante.

“Good morning, sir,” magalang na bati nito na iniabot ang kamay sa kanya.

Ngunit gaya ni Franco ay iyon din ang nasa isip ng aplikanteng si Penelope nang makita ang lalaki.

“P-parang nakita ko na siya,” sambit ng babae sa sarili habang kinakamayan ang mag-iinterview sa kanya.

Sa mga nag-apply na aplikante ay si Penelope ang napili ni Franco na tanggapin na magtrabaho sa kanyang kumpanya. Matalino ang babae at maganda ang record sa mga kumpanyang pinagtrabahuhan nito. Mula noon ay madalas na silang magkausap at mabilis na nakagaanan ng loob ang isa’t isa.

“Nakalagay sa application mo na taga-Quezon ka, saang bayan?” tanong ni Franco sa babae.

“A, eh, s-sa Lucena po, sir,” sagot ni Penelope.

“So, bakit ka naman napadpad dito sa Maynila?”

“Mula nang maulila po ako sa mga magulang ay lumuwas na ako rito sa Maynila para makahanap ng mas magandang trabaho. Salamat po at binigyan niyo ako ng pagkakataon, sir,” sagot ni Penelope.

Kinagabihan, sa kuwarto ni Franco ay hindi pa rin maalis sa isip niya ang kanyang bagong empleyado.

“Marami na akong natanong sa kanya, hindi ko talaga maisip kung saan kami nagkita. T-teka, bakit ba masyado akong naliligalig sa babaeng iyon?” bulong ni Franco sa sarili habang nakahiga sa kama.

Nang sumunod na araw, ang lalaki naman ang pinag-uusapan ni Penelope at ng mga katrabaho niya.

“Alam mo, Penelope, may kutob ako na crush ka ni boss,” sambit ni Nancy.

“Suwerte mo, girl, kung ikaw ang napupusuan ni boss! Hindi kasi marunong manligaw ‘yan at pihikan sa babae, “ sabad ni Winnie.

“Naku, kung totoong may tama sa iyo si boss, para kang tumama sa lotto. Napakayaman niyan. Nang sumakabilang buhay ang ama ni boss ay sa kanya ipinamana ang kumpanyang ito bukod pa sa iba pang negosyo,” sabi naman ni Loisa.

“Baka naman sadyang mabait lang talaga si sir. Kayo naman kung anu-ano na agad ang naiisip niyo, eh,” sagot ni Penelope sa mga kasama.

Hanggang sa nakauwi siya sa bahay ay hindi rin maalis sa isip ni Penelope ang tungkol kay Franco.

“Nahahalata ko rin na malapit siya sa akin at ewan ko ba kung bakit ma-amor din ako sa kanya. Magaan ang loob ko sa kanya, pero s-saan nga kaya kami nagkita nung araw? Pamilyar kasi sa akin ang mukha niya, hindi ko lang maalala kung saan o kailan ko siya nakita,” sabi ni Penelope sa isip.

Habang tumatagal ay mas nagiging malapit sina Franco at Penelope. Minsan ay nagyaya na ang lalaki na lumabas sila.

“Penelope, may I invite you to lunch? I-ibig kong sabihin, k-kung wala kang planong iba,” nahihiyang sabi ni Franco.

“A, eh, w-wala naman po, sir. S-sige po, okay lang po sa akin,” tugon ni Penelope.

Humantong sila sa isang restawran at ikinagulat ng babae ang sumunod na sinabi ni Franco.

“P-puwede kayang dumalaw sa inyo, Penelope… kung hindi mo ikagagalit…” hirit ng lalaki.

“B-bakit naman po ako magagalit, sir?”

“Ayos lang talaga sa iyo? G-ganyan kasi ako sa mga bagong empleyado, gusto kong kilalanin ka pa nang personal.”

“Ayos lang po, sir. Available naman po ako tuwing Sabado at Linggo sa bahay. Hindi naman ako umaalis,” tugon ni Penelope.

Nalaman ng mga katrabaho ng babae ang tungkol sa paglabas nila ni Franco.

“Halatang-halata na Penelope, may gusto sa iyo si boss! Ipinapasyal ka at gusto pang dumalaw sa inyo. Ano pa ba ang ibig sabihin niyon?” tanong ni Winnie.

“Haynaku, kakainggit ka naman! Sa dami ng babae dito sa opisina, ikaw pa ang natipuhan ni boss,” sambit ni Loisa.

“Dapat pala magpraktis na tayong tawagin siyang ma’am,” natatawang sabi naman ni Nancy.

“Halata na nga na may gusto siya sa akin… magaan ang loob ko sa kanya, gusto ko siyang kasama at nagkakasundo kami sa maraming bagay. Dapat siguro, malaman na niya na ako’y lumaki sa ampunan. Hay, sayang at wala na si Kuya Benny. Wala akong mapagsabihan kung tama ba itong nararamdaman ko. Bakit kasi kay aga niya akong iniwan,” bulong ni Penelope sa sarili na biglang nakaramdam ng lungkot. Naalala niya kasi ang kanyang kabataan na palaging umiiyak at nag-iisa nang mawala ang kapatid.

Ang totoo’y lumaki siya sa isang bahay-ampunan kasama ang nakatatanda niyang kapatid ngunit maaga itong binawian ng buhay nang minsang masunog ang kalahati ng ampunan. Inilihim niya ang bahaging iyon ng kanyang buhay dahil pakiramdam niya’y nangingilag ang mga tao sa oras na natutuklasang siya ay ampon lamang. Nang mawala ang kapatid ay inampon siya ng isang mabait na lalaking kawani ng gobyerno ngunit maaga rin itong kinuha sa kanya at naiwan na naman siyang mag-isa. Mabuti na lang at nakapagtapos na siya ng pag-aaral at mayroon nang trabaho.

Nang sumapit ang araw ng Sabado ay dumalaw sa bahay niya si Franco. Dahil nararamdaman niya na magtatapat na ito ng nasa loob nito’y inunahan na niya ang lalaki.

“S-sir Franco, m-may nais akong ipagtapat sa iyo. Gusto kong ipagtapat ang isang bahagi ng aking nakaraan na hindi ko isinama sa application ko. A-ako’y lumaki sa ampunan,” bunyag niya.

“A-ano?!” gulat na sambit ni Franco sa narinig.

“Ako’y lumaki sa ampunan kasama ang aking nakatatandang kapatid na lalaki ngunit isang aksidente ang naganap noon. Nasunog ang kalahating gusali ng ampunan at isa ang aking kapatid sa mga hindi pinalad na makaligtas. Bata pa ako noon, anim na taong gulang pa lang ako at sampung taon naman si kuya. Matapos ang malungkot na bahaging iyon ng aking buhay ay may mabait na kawani ng gobyerno na umampon sa akin at itinuring akong tunay na anak ngunit nagkasakit siya nang malubha at pumanaw na rin,” bunyag ni Penelope.

“N-natatandaan mo pa ba ang pangalan nung ampunan na iyon?” tanong ng lalaki.

“Ang sabi ni itay na umapon sa akin, ang pangalan nung ampunan ay Holy Sacred Hands Orphanage sa Lucena na Mother Ceclia of Hope na ngayon ang pangalan,” tugon ni Penelope.

Pinagpawisan ng malapot si Franco nang marinig ang pangalan ng ampunan. Nakaramdam ng hindi maipaliwanag na tuwa ang lalaki.

“A-ano ang pangalan nung kapatid mo na sinawimpalad kamo?” tanong pa ni Franco.

“Benny. Benny ang pangalan ng kapatid ko. Benny Boy Sacdalan. Ang tunay kong pangalan ay Rosela Marie Sacdalan. Pinapalitan ni itay ang pangalan ko noong nabubuhay pa siya ng Penelope at pinagamit niya sa akin ang apelyido niyang Reyes,” sagot ng babae.

Sa nalaman ay bigla na lamang tumulo ang luha sa mga mata ni Franco at gumuhit sa mga labi nito ang napakalaking ngiti.

“K-kaya pala pamilyar sa akin ang mukha mo. Hindi pala ako nagkamali sa kutob ko na may kaugnayan tayo sa isa’t isa. Kaya pala magaan ang loob ko sa iyo at gusto kitang palaging kasama at gusto pang makilala ng lubusan dahil ikaw na ang sagot sa mga dasal ko, Penelope. H-hindi Franco Angeles ang tunay kong pangalan. Gaya mo’y pinalitan din ng mga kinilala kong magulang ang aking pangalan para makalimutan ang malungkot kong nakaraan. Galing din ako sa ampunan kung saan ka lumaki. Ang totoo kong pangalan ay Benny Boy Sacdalan,” hayag ni Franco.

Hindi nakakilos si Penelope sa ibinuyag ng lalaki.

“A-ano? Ang i-ibig sabihin….”

“Hindi totoong binawian ako ng buhay noon. Nakaligtas ako sa sunog. Ang akala ng iba’y nasawi ako sa sunog ngunit iniligtas ako ng isang trabahador sa ampunan at ipinaampon ako sa isang mayamang negosyante sa Maynila. Mabait at mapagmahal din ang umapon sa akin ngunit sumakabilang buhay na rin siya at ipinamana sa akin ang kumpanya at iba pang negosyo’t ari-arian. Nang una kitang makita ay nakaramdam na agad ako ng lukso ng dugo ngunit isinantabi ko na muna at kinilala kitang mabuti. Hindi pala ako nagkamali, ikaw nga ang nakababata kong kapatid na si Rosela Marie. Ako ang Kuya Benny mo, bunso, sa wakas at nagkita ulit tayo! Buhay na buhay ako, kapatid ko!” naiiyak nang sabi ni Franco na hindi na napigilang yakapin si Penelope.

Napahagulgol na rin nang iyak si Penelope sa katotohanang sumambulat sa kanya. Ang boss niya sa opisina at ang kapatid na inakalang wala na ay iisa pala. Napagtanto nila na sadyang mapaglaro ang tadhana.

“Napakabait sa atin ng Diyos, kuya. Nagkasama tayo noon sa walang katiyakang buhay ngayo’y eto… pinagtagpo ulit tayong magkapatid. Ang akala ko’y kaya malapit ka sa akin ay dahil may pagtingin ka sa akin, iyon pala’y lukso ng dugo ang nararamdaman mo. Ganoon din ako, inakala kong may gusto ako sa iyo, iyon pala’y pag-ibig para sa isang kapatid ang nararamdaman ko,” sambit ni Penelope kay Franco na napakayap na rin sa kapatid.

“Hindi na tayo magkakalayo pa, bunso. Mula ngayon ay sa bahay ko na ikaw titira. Magkakasama na ulit tayo. Gusto kong ibahagi sa iyo ang magandang buhay na tinatamasa ko ngayon gaya ng pangako ko sa iyo noon na iaahon kita sa hirap at mamumuhay tayo nang masagana,” sagot ni Franco.

“Salamat, Kuya Benny,” tanging tugon ni Penelope na wala ng mahihiling pa dahil buo na ulit ang pagkatao niya sa muli nilang pagkikitang magkapatid.

Advertisement