Inday TrendingInday Trending
Nagsimulang Umusbong ang Galit Niya sa Ulyaning Ina; Magbabago ang Kaniyang Isip Dahil sa Isang Kwento ng Nakaraan

Nagsimulang Umusbong ang Galit Niya sa Ulyaning Ina; Magbabago ang Kaniyang Isip Dahil sa Isang Kwento ng Nakaraan

“Ano ba ’yan, ’ma! Umihi ka na naman sa salawal mo?!”

Ikinagulat ng lahat ang sigaw na iyon ni Mina nang makitang umihi na naman sa salawal ang kaniyang inang si Aling Ester. Napalingon sa gawi nila ang kaniyang mag-aama na noon ay nanunuod ng telebisyon.

“Mahal, hina-hinaan mo naman ang boses mo kapag kakausapin mo si mama. Natatakot na siya, o,” malumanay na paalala ng asawa niyang si Roland nang makitang nanginginig sa takot ang kaniyang ina.

“Sino ba naman kasing hindi maiinis d’yan sa matandang ’yan? Perwisyo na lang ang dulot sa akin n’yan simula nang magkasakit siya!” katuwiran naman ni Mina, na sapo pa ang kaniyang ulo dahil sa nadaramang inis.

“Mina, ano ba? Naririnig ka ng mga bata!” Tumayo na si Roland sa kinauupuan nito at hinarap ang kaniyang mga anak. “Pumasok na muna kayo sa kwarto n’yo. Huwag muna kayong lalabas doon hangga’t ’di ko sinasabi, okay?” Agad namang tumalima sa utos ng kanilang ama ang dalawang anak nina Mina at Roland.

“Sige na, mahal. Linisan mo na muna si mama. Ako na’ng bahalang magpunas nitong sahig.” Hindi na hinintay pa ni Roland ang sagot ni Mina. Tinalikuran na niya ito at kinuha ang mop upang umpisahan ang paglilinis.

Naabutan ni Roland si Mina at Aling Ester sa kwarto. Katatapos lamang bihisan ng misis niya ang kaniyang biyenan nang siya’y sumilip doon. Sumandal siya sa hamba ng pinto at humalukipkip habang pinagmamasdan ang nakakunot-noong si Mina.

“Mahal, alam kong pagod ka lang kaya nasisigawan mo si mama… pero sana, huwag kang masanay na ganiyan ang trato mo sa kaniya, lalo pa at nakikita ng mga bata.” Napabuntong-hininga si Mina sa sinabi ng asawa.

“Roland, napipikon na ako sa kaniya. Parang hindi ko na kaya—” akma sanang ikakatuwiran ni Mina ngunit agad siyang pinutol ni Roland sa pamamagitan ng pagtapik sa kaniyang balikat.

“Ito na ang pagkakataon mong bumawi sa lahat ng sakripisyong ginawa sa ’yo ng mama mo, mahal. Hindi mo ba natatandaan lahat ’yon?” ani Roland na agad namang nakapagpatigil kay Mina. “Hindi mo na ba naaalala kung gaano ka kasakitin noong bata ka? Iyong mga panahong labas-masok ka sa ospital? Iyong mga panahong kahit nag-iisa siya’y hindi ka sinukuan ng mama mo… na habang nagbabantay siya sa ’yo sa ospital ay kumakayod pa siya sa dala-dalawa niyang trabaho para lang masuportahan ang pangangailangan mo?”

Napalunok si Mina sa mga narinig na sinabi ng kaniyang asawa. Animo may biglang bumikig sa kaniyang lalamunan. Tila biglang nanumbalik sa kaniyang balintataw ang mga panahong tinutukoy ng kaniyang mister.

Totoo ang sinabi nito. Naaalala niya pa na nagsimula siyang maging sakitin simula nang mawalang parang bula ang kaniyang ama. Dahil doon ay kinailangan ni Aling Ester na magdoble kayod sa paghahanap ng pera, habang paroo’t parito ito sa ospital dahil sa kaniya.

Tila sariwa pa sa kaniyang memorya ang maingat na pag-aalaga sa kaniya ni Aling Ester noon. Punong-puno iyon ng pagmamahal at pagkalinga, na ngayon ay tila ipinagkakait naman niya ngayong ito naman ang may kailangan.

Dahil doon ay napaluha na lang si Mina. Dulot ng matinding pagsisising nadarama niya ngayon ay hindi niya napigilang mapahagulhol. Agad naman siyang niyakap ni Roland upang aluin.

“Napakasama ko palang anak, mahal. Parang nasanay ako na ako ang inaalagaan niya’t hindi ang kabaliktaran. Ano ang karapatan kong mapagod na mag-alaga sa isang taong ibinuhos ang lahat ng lakas niya para lang alagaan ako? Hindi niya deserve ang gano’ng pagtrato!” litanya pa ni Mina sa pagitan ng kaniyang mga paghikbi.

“Hindi pa naman huli ang lahat, mahal. Heto lang naman si mama. Kayang-kaya mo pang ipakita ang pagmamahal mo sa kaniya.” Ngumiti si Roland matapos nitong itunghay ang kaniyang mukha mula sa pagkakasubsob sa sariling palad.

Napatango naman si Mina. Nabuhayan siya nang muling masulyapan ang ina na ngayon ay nakaupo sa isang tabi’t nakatingin sa kanila.

“Mama ko, sorry po!” Dinamba niya ng yakap ang ina at pinaghahalikan ito sa pisngi. “Simula ngayon, hindi na ako magagalit, ’ma. Pangako ko ’yan sa ’yo. Aalagaan kita ’tulad ng pag-aalaga mo sa akin noon. Pasensiya ka na sa mga nagawa ko, ha?”

Tinupad ni Mina ang pangako niya. Simula noon ay natuto siyang mas pahalagahan ang kaniyang ina. Araw-araw ay walang sawang ipinaramdam niya ang nag-uumapaw niyang pagmamahal dito, na kailan man ay hindi na muli pang magmamaliw.

Advertisement