Inday TrendingInday Trending
Siya na Raw ang Reyna ng mga Tsismosa sa Kanilang Lugar; Karma ang Aabutin Niya sa Kaniyang Pagkapahamak

Siya na Raw ang Reyna ng mga Tsismosa sa Kanilang Lugar; Karma ang Aabutin Niya sa Kaniyang Pagkapahamak

Halos mahawi na naman ang kalsada nang makita ng mga taga Barangay Mapayapa na daraan ang ‘reyna ng mga tsismosa’ sa kanilang lugar. Ang kanina ay abalang mga tao’y bigla na lang nagpulasan.

Halos wala nang kumausap sa sisenta’y tres anyos na si Aling Laura, dahil lahat na yata ng tao sa Barangay Mapayapa ay galit sa kaniya. Maging ang dati niyang mga kahuthutang dila’t kapwa mga tsismosa ay ayaw na rin siyang makasama.

Inggitera, tsismosa, malisyosa, at kung anu-ano pa ang bansag ng mga tao kay Aling Laura at kilalang-kilala siya sa kanilang lugar. Wala siyang pamilya, isa siyang balo na hindi nagkaanak dahil wala siyang kakayahang magdala ng bata.

Dahil miserable ang kaniyang buhay, animo naging pampalipas oras na lang ni Aling Laura na manira ng ibang tao. Iyon nga lang ay nagkaroon iyon ng masasamang epekto. Halimbawa na lang ay nang itsismis niya ang asawa ng kapitbahay niyang si Dodong na ito raw ay may ibang lalaki na naging dahilan ng hiwalayan ng mga ito, iyon pala ay pinsan lamang ng babae ang kasama nito. Sunod ay nang itsismis niyang buntis ang anak ni Mang Poncio na naging dahilan naman upang magulpi nito ang anak, kahit hindi naman pala iyon totoo! Naging napakasama ng kinalabasan ng katsismosahan ni Aling Laura kaya halos lahat ng tao ay galit sa kaniya.

Pauwi na si Aling Laura sa kaniyang tahanan mula sa pamamalengke. Mag-isa niyang binabaybay ang kalsada. Patawid na sana ang matanda nang isang humaharurot na sasakyan ang biglang dumaan habang siya ay tumatawid!

Sinubukan pang umiwas ni Aling Laura ngunit nahagip pa rin siya ng naturang sasakyan. Tumilapon ang matanda sa ’di kalayuan. Nararamdaman niyang masakit ang kaniyang likuran at unti-unti nang nagdidilim ang kaniyang paningin habang tumatagal siyang nakabulagta sa kalsada. Dinig niya ang bulungan ng mga tao, kaya naman inipon niya ang kaniyang buong lakas upang makapagsalita at humingi ng tulong.

“T-tulong… tulungan n’yo ’ko!” sigaw ni Aling Laura, ngunit tila walang nakakarinig. Inulit niya ang kaniyang pagsigaw ngunit muli ay wala pa ring pumapansin sa kaniya.

Dinadaanan lamang siya ng mga tao, na animo hindi siya kilala ng mga ito. Ang mga taong noon ay ginawan niya ng kuwentong madalas ay hindi naman totoo, ngayon ay ni ayaw siyang tingnan at mas lalong ayaw nila siyang tulungan.

“Wala bang tatawag ng ambulansya para tulungan ’yang si Aling Laura?” dinig niyang tanong ng isang napadaang babae sa kasama nito.

“Ako, ayoko. Hindi ako mag-aaksaya ng panahong tulungan ang matandang ’yan. Muntik na niyang sirain ang pamilya namin dahil sa katsismosahan niya. Mayroon naman sigurong iba na tatawag ng ambulansya para sa kaniya,” sagot naman ng kausap nito, at iyon ang mga katagang huli niyang narinig bago nandilim ang kaniyang paningin.

Nagising si Aling Laura sa isang malambot na higaan. Nang imulat niya ang kaniyang mga mata ay pawang kulay puti lamang ang kaniyang nakikita.

“Nasaan ako?” nanghihinang tanong niya. Dama niya pa kasi ang sakit ng kaniyang katawan, maging ang bigat sa kaniyang ulo.

“Nasa ospital po kayo,” sagot naman ng isang babaeng biglang lumapit sa kaniya. “Kumusta na po ang pakiramdam n’yo, ’nay?” tanong pa ng naturang babae na sa tingin niya ay isang nurse.

Noon lamang napagtanto ni Aling Laura na nasa isang ospital nga siya. Mabuti na lamang at mayroon pa ring nagmagandang loob na tumawag ng ambulansya para tulungan siya.

Ilang araw na naglagi sa ospital si Aling Laura na nagtamo ng malubhang tama sa kaniyang ulo dulot ng aksidente. Ni wala man lang kahit sinong dumadalaw sa kaniya sa ospital kaya naman hirap na hirap siya sa ospital. Hindi pa kasi siya gaanong makagulapay lalo na at may mga nabali sa kaniyang buto. Dahil doon ay napapaisip si Aling Laura. Paano kaya kung hindi naging ganoon ang ugaling ipinakita niya sa kaniyang mga kapitbahay? Mayroon kaya siyang maaasahan, ngayong siya’y nangangailangan?

Napahagulhol na lamang si Aling Laura dahil sa pagsisisi. Napagtanto niya ang lahat ng kaniyang mga kasalanan. Ngunit naisip niyang hindi pa naman huli ang lahat… kaya naman nang makalabas siya sa ospital ay nag-umpisa siyang bumawi sa kaniyang mga kapitbahay.

Noong una ay ipinagtaka ng mga ito ang kaniyang inaakto, ngunit sa huli ay natuwa sila sa kaniyang mga ipinapakita. Hindi naging madaling mapatawad siya ng kaniyang mga kapitbahay ngunit lahat ng hirap ay sulit naman, dahil sa wakas, nagkaroon ng kapayapaan sa buhay ni Aling Laura at ng iba pang mga tao sa kanilang lugar.

Advertisement