Inday TrendingInday Trending
Nagulat ang Babaeng Ito nang Biglang Magalit sa Kaniya ang Kaniyang Kumare Pagkatapos ng Binyag; Ito Pala ang Dahilan

Nagulat ang Babaeng Ito nang Biglang Magalit sa Kaniya ang Kaniyang Kumare Pagkatapos ng Binyag; Ito Pala ang Dahilan

Katatapos lamang ng binyagan. Masayang nagkakainan ang mga ninong at ninang ng batang si Baby Kacey. Anak ito ng kanilang kaibigang sina Jeff at Micha.

Nang matapos ang kainan ay isa-isa nang nagbigay ng pakimkim ang mga kapwa ninong at ninang ni Pola. Nagtatagintingang mga salapi ang isa-isang inilabas ng mga ito at iniabot iyon sa mag-asawa.

“Naku, salamat, Berna! Malaking tulong ito sa panggatas ng inaanak mo,” hinging pasasalamat ni Micha sa isa sa kanilang mga kaibigang ninang din ng kaniyang anak. Nagbigay kasi ito ng limang libong pisong pakimkim. Ito na ang pinakamalaking natanggap niyang pakimkim sa ngayon.

“Wala ’yon. Alam mo namang si Baby Kacey ang unang inaanak ko. Isa pa, kumita ako nang malaki-laki sa nakaraang project ko kaya bakit ko naman titipirin ang inaanak ko, hindi ba?” sagot naman ni Berna na may kayabangan sa tono.

“Tamang-tama nga, e. Inutang ko lang itong panghanda ko para lang mairaos ang binyag ni baby,” dagdag pa ni Micha.

Maya-maya pa’y lumapit na si Pola sa kaniyang kumare, matapos iabot sa kumpareng si Jeff ang anak nitong kanina niya pa karga-karga. Agad namang nakadama ng kasabikan si Micha, dahil si Pola ang pinakamayaman niyang kumare sa lahat ng narito ngayon. Sa totoo lang ay hindi naman niya gustong kunin itong ninang kung hindi nga lamang dahil sa mapera ito. Noon kasi ay niligawan ito ng kaniyang asawang si Jeff bago pa siya nito makilala, kaya itinuturing niya itong karibal kahit ang totoo ay kaibigan lang ang tingin nito kay Jeff.

“Micha, tanggapin n’yo itong regalo ko para kay baby. Pagpasensiyahan n’yo na at ’yan lang muna ang sa akin ngayon. Mamaya mo na lang sana buksan pag kayo na lang ni Jeff ang narito sa bahay,” nakangiting saad ni Pola kay Micha, sabay abot ng isang sobre sa kaniyang kumare.

Ngunit sa pagtataka niya’y bigla na lamang napakunot ang noo ni Micha. Napangiwi rin ito bago nito tinapunan ng masamang tingin ang kaniyang hawak na sobre.

“Ano ’yan, sulat?” tanong nito na halatang-halata ang disgusto sa tinig. “Aanhin ng anak ko ’yan? Marunong na bang magbasa ’yon?” Umikot ang itim ng mga mata ni Micha. Galit siya at hindi niya na pinagkaabalahan pang itago iyon sa kaniyang mga bisita.

“Micha, hindi naman ’yan basta sulat lang—”

“Hindi nga namin kailangan ng sulat, Pola! Hindi ka ba nakakaintindi? Aanhin naman ng anak ko ’yan? Ang yaman-yaman mo, ’tapos ’yan lang ang pakimkim na ibibigay mo sa anak ko? Dapat pala hindi ka na lang namin kinuha bilang ninang!” putol pa ni Micha sa sana’y sasabihin pa ni Pola.

Sa gulat ay hindi agad nakasagot si Pola. Napahawak pa siya sa kaniyang dibdib at nanlalaki ang mga matang tinitigan ang kaniyang kumare.

“Kinuha mo lang ba akong ninang dahil sa ‘mayaman ako’ katulad ng sinasabi mo?” pangungumpirma pa ni Pola. May mga negosyo kasi siya kaya siguro nasabi ni Micha ’yon.

“Obvious ba?” Napailing na lang si Pola sa naging sagot nito, at ganoon din ang iba pang mga bisita.

“Grabe, Micha, ano’ng tingin mo sa anak mo, negosyo?” hindi nakapagpigil na tanong na ni Pola sa kaniyang kumare.

“Kaysa naman sa ’yo, ang yaman-yaman mo, kuripot ka. Pati ba naman inaanak mo, pagdadamutan mo sa pera?” sagot naman ni Micha na ayaw patalo’t nakataas pa ang isang kilay.

Doon ay natawa si Pola. “Bakit kaya hindi mo subukang tingnan ang laman nitong sobreng inaabot ko sa ’yo bago ka umakto nang ganiyan?”

Nagdalawang-isip pa si Micha kung susundin ang sinabi niya, ngunit sa huli ay ginawa rin naman nito ’yon. Binuksan nito sa kanilang harapan ang sobre…

“O, sulat nga lang talaga—” Ngunit natigilan si Micha nang mayroon pang malaglag mula sa sobre na kalakip ng sulat… at ganoon na lang ang panlalaki ng kaniyang mga mata nang makitang isa pala iyong tseke na nagkakahalaga ng tumataginting na singkuwenta mil!

“F-fifty thousand pesos?!” halos manginig ang kamay ni Micha sa hawak na sobre. Tumango naman si Pola.

“Sasabihin ko sanang gamitin mo bilang kapital sa pagnenegosyo dahil alam kong hindi ka na makakapagtrabaho ngayong may baby ka na. Hindi ko naman akalain na magiging ganiyan ang reaksyon mo. Nakaka-disappoint ka, Micha. Ang wish ko para sa inaanak ko, sana’y hindi siya maging katulad mo.”

Matapos bitiwan ni Pola ang mga katagang iyon ay tinalikuran na niya ang kaniyang kumare at iba pang mga kapwa ninong at ninang. Iniwan niya si Micha na noon ay halos wala nang mukhang maiharap sa kaniyang mga bisita dahil sa sobrang pagkapahiya.

Matinding pagsisisi ang kaniyang nadama dahil sigurado siyang hinding-hindi na iyon mawawala sa alaala ng kaniyang mga kumare’t kumpare habang buhay.

Advertisement