Inday TrendingInday Trending
Ginagamit ng Dalagang Ito ang Nobyo upang Makuha ang Lahat ng Luho; Sinugod Siya ng Pamilya Nito

Ginagamit ng Dalagang Ito ang Nobyo upang Makuha ang Lahat ng Luho; Sinugod Siya ng Pamilya Nito

“Sam! Tingnan mo, o, mayroon na akong bagong selpon at ‘yong pinakabagong modelo pa! Diyos ko! Hindi ba’t noong isang araw lang pinag-uusapan natin ‘to?” pagyayabang ni Sheila sa kaniyang pinsan saka agad na ibinida ang bagong selpon niya. 

“Naku, saan mo naman nakuha ‘yan? Paano ka nakabili niyan?” pagtataka nito habang inuusisa ang selpon niya.

“Alam mo naman ‘yong nobyo ko, kahit anong hilingin ko, agad na ibibigay! Mahal na mahal ako no’n, eh!” kinikilig-kilig niya pang tugon na ikinakunot ng noo nito.

“Ano? Hiniling mo ‘yan sa nobyo mo? Wala pa namang trabaho ‘yon, hindi ba? Saan niya nakuha ang pera pangbili niyan? Ang mahal kaya niyan! Aabot yata ang selpon na ‘yan ng humigit kumulang singkwenta mil!” wika pa nito dahilan para siya’y mapatawa at matapik ang pinsan sa braso. 

“Hindi na ‘yon mahalaga! Ang importante para sa akin, mayroon na akong bagong selpon! Tiyak, maraming maiinggit sa akin kapag ibinahagi ko ito sa social media!” sambit niya saka agad na kinuha sa kamay ng pinsan ang naturang selpon saka agad na kumuha ng litratong ilalagay niya sa social media.

Kahit walang pera ang dalagang si Sheila, hindi nawawala sa kaniya ang ugali niyang pagkamaluho. Gagawa at gagawa talaga siya ng paraan para lamang makuha ang nais niyang bagay, makain ang gusto niyang mamahaling pagkain, at makapunta sa nauusong lugar nang wala siyang ginagastos ni singko.

Ito ay kaniyang nagagawa sa tulong ng nobyo niyang pawang estudyante pa rin katulad niya. May kaya kasi ang pamilya nito kaya sa tuwing may matitipuhan siyang bagay o lugar na nais puntahan, dadaing lang siya rito at aasahan niyang kinabukasan, nasa kamay na niya ang hinihiling niya.

Hindi niya kahit kailanman iniisip kung saan kumukuha ng pera ang naturang binata basta masaya siya at may maipagyayabang sa social media, ayos na siya.

Kaya naman, nang umingay sa social media ang bagong labas na selpon, agad niya itong hiniling sa nobyo. Alam niya kasing gustong-gusto rin ito ng kaniyang pinsan, kaya kahit napakamahal nito, umiyak-iyak siya sa nobyo niya para maibili siya nito at maipainggit sa pinsan.

Tila nagtagumpay nga siya sa plano niya dahil kinabukasan, agad na iniabot ng binata ang naturang selpon na talagang ikinasaya niya. Kitang-kita niya pa ang inggit sa mukha ng kaniyang pinsan dahilan para dumoble ang tuwa niya.

Kaya lang, nang araw ding iyon, pagkalagay niya ng litrato ng selpong ito sa social media, bigla siyang nakatanggap ng maraming komento mula sa pamilya ng kaniyang nobyo.

“Kaya pala napalayas ang kapatid ko, tinugunan na naman ang luho mo gamit ang pera ni ina,” komento ng kapatid nito.

“Saan mo nakukuha ang kakapalan ng mukha mo, hija? Tapos may lakas ng loob ka pang ibida ‘yan sa social media, eh, hindi mo naman ‘yan pinaghirapan?” komento pa ng nanay nito.

“Social climber na walang pera!” sambit pa ng pinsan nito na labis niyang ikinahiya.

Buburahin niya pa lang sana ang post na iyon upang huwag nang kumalat at huwag siyang pahiya sa madla, tila huli na ang lahat dahil nasa labas na ng kanilang bahay ang pamilya ng binata.

Sumisigaw ang mga ito at pinapabayaran sa pamilya niya ang nagastos sa kaniyang selpon. Sa pagkataranta niya, nagtago na lang siya sa kanilang banyo habang mahinahong nakikipag-usap ang kaniyang mga magulang. Maya maya pa, kinatok na siya ng galit niyang ama at kinukuha ang naturang selpon. 

“Itatak mo sa kokote mo, Shiela, na ang pagiging maluho, para lang sa mga mayayaman! Nakakahiya ka! Nanggagamit ka ng tao para lang makapagyabang sa social media! Gan’yan ka ba namin pinalaki ng nanay mo? Nagnanakaw pa ang nobyo mo sa sarili niyang pamilya para sa’yo!” wika ng kaniyang ama na agad niyang ikinakonsensya, “Lumabas ka roon at harapin mo ang pamilya ng nobyo mo! Humingi ka ng tawad!” sigaw pa nito dahilan para siya’y lumabas doon at magpunta sa kanilang sala kung nasaan ang pamilya nito.

“Pa-patawarin niyo po ako, tita, hindi na po mauulit,” uutal-utal niyang wika.

“Talagang hindi na, dahil hihiwalayan ka na ng anak ko!” masungit na sambit nito saka agad na lumabas ng kanilang bahay kasunod ang nobyo niyang magang-maga ang mga mata.

Doon labis niyang napagtantong sa buhay, upang wala siyang mailagay sa alangin, kailangan niyang paghirapan ang mga gusto niyang bagay at hindi niya kailangang gumamit ng ibang tao para makuha ang mga ito. 

Masakit man at nakakahiya ang pangyayaring iyon, naging magandang aral iyon sa kaniya dahil simula noon, natuto siyang makuntento sa kung anong mayroon siya.

Advertisement