Desperada na ang Dalagang Ito na Makalimot, Sinunod Niya ang Payo ng Kaibigan na Muling Manlalaki

“Alam mo, Jerissa, kung gusto mo talagang makalimot, hindi pag-iinom gabi-gabi ang solusyon! Nasisira lang ang atay natin dito, eh, tapos kinabukasan gigising ka na namang umiiyak!” payo ni Wine sa kaibigang ngumangalngal na naman habang sila’y nag-iinom sa paborito nilang bar. 

“Ano pala? May alam ka bang solusyon? Kahit ano, gagawin ko, para lang matigil na itong sakit na nararamdaman ko dahil sa manlolokong iyon!” sigaw ni Jerissa saka agad na tinungga ang isang malaking baso ng alak.  

“Simple lang, edi maghanap ka ng bagong lalaking magpapasaya sa’yo! O kahit lalaking makakausap mo lang para kahit papaano, may nagpapakilig sa’yo at sa kaniya mo mabaling ‘yong pagmamahal na nararamdaman mo sa dati mong nobyo!” sambit pa nito dahilan para siya’y mapaisip.

“Epektibo ba ang ganoong paraan? Hindi ba baka lalo lang akong masaktan kapag iniwan ulit ako ng bagong lalaking kikilalanin ko?” pang-uusisa niya rito habang patuloy na tinutungga ang alak na binili.

“Hindi ‘yan! Subok ko na ang paraan na ‘yan at maniwala ka o hindi, epektibo ‘yan. Magugulat ka na lang isang araw, hindi mo na naiisip ang manlolokong ‘yon!” pangungumbinsi nito sa kaniya na agad niyang sinang-ayunan.

“Sige, ihanap mo ako ng lalaki,” biglaan niyang wika kaya ito’y napatayo.

“Masusunod aking reyna!” patawa-tawang sagot nito habang umaarteng parang kawal na ikinatawa niya. 

Galing sa isang masakit na relasyon ang dalagang si Jerissa. Wala pang isang linggo simula nang malaman niyang may anak na sa ibang babae ang kaniyang kinakasamang lalaki. Nahuli niya ito at ang dalagang nabuntis nito sa ospital nang minsan niyang dalawin ang tiyahin niyang nagpapagaling doon. 

Advertisement

Halos mawasak ang buong pagkatao niya dahil kitang-kita ng dalawa niyang mga mata kung gaano kaalaga ang binatang iyon sa naturang dalaga na kahit na ni minsan, hindi nito nagawa sa kaniya.

Nalaman niya pang ang mga perang naipon niya para sana sa pinapangarap niyang kasal nilang dalawa, nagastos ng binatang ito para sa panganganak ng naturang dalaga at upang mabayaran ang mga rentang hindi nabayaran ng dalawa sa isang malapit na motel sa kanilang lugar na labis niyang ikinapanghina.

Ito ang dahilan upang ganoon na lang siya mahirapang umusad sa buhay at halos gabi-gabing nag-iinom kasama ang kaniyang matalik na kaibigan.

Kaya naman, nang payuhan siya nitong muling makipag-usap sa ibang lalaki upang makalimot, agad siyang pumayag. Desperada na siyang makalimot at muling bumalik sa masayang buhay na mayroon siya noon.

Katulad ng sabi ng kaniyang kaibigan, hinanap nga siya nito ng isang lalaki. Dinala siya nito sa bahay ng naturang lalaki at siya’y iniwan doon.

“O, ikaw nang bahala ha, mabait naman ‘yan at maginoo,” sambit nito sa kaniya bago pa man lumabas ang naturang lalaki saka agad nang umalis. 

Nakakaramdam man siya ng kaba dahil nga iniwan siya ng kaniyang kaibigan, naghintay pa rin siya roon dahil sa paniniwalang ito ang paraan upang siya’y makalimot.

Ngunit maya maya, paglabas ng lalaki, nagulat siya sa itsura nito dahil halos doble na ng edad niya ang edad nito. 

Advertisement

“Ikaw ba ang bagong aalagaan ko?” tanong nito na ikinabato niya, “Pwedeng-pwede ka na talaga sa halagang sampung libong piso. Mukhang sariwang-sariwa ka pa!” dagdag pa nito saka agad siyang nilapitan dahilan para siya’y magsisisigaw.

Sakto namang pagkasigaw niya, may narinig silang malakas na galabog sa may pintuan dahilan para agad na pumuslit palabas ang matanda.

“Kapag minamalas ka nga naman! Ang mga pulis nandito na naman!” sigaw nito saka mabilis na lumabas sa isang sikretong lagusan.

Nadatnan siya ng mga pulis doon na nanginginig sa takot. Mangiyakngiyak niyang niyakap ang isang babaeng lumapit sa kaniya at doon niya sinabi ang lahat ng nangyari.

Hindi na rin siya nagdalawang-isip na isuplong ang kaibigan niyang dahilan ng lahat ng ito.

“Maawa ka, Jerissa, huwag mong ipakulong ang nag-iisa mong matalik na kaibigan!” pangongonsenya nito sa kaniya.

“Kung matalik kitang kaibigan, hindi mo ako ibebenta sa isang matanda! Alam mong pinagkatiwalaan kita at alam mo kung anong kalagayan ko ngayon pero inuna mo pa rin ang pagkagamahan mo sa pera!” sigaw niya rito dahilan para mapahagulgol ito sa harapan niya. 

Doon niya napagtantong hindi lahat ng itinuturing niyang kaibigan, kaibigan din ang turing sa kaniya. Bukod pa roon, napag-isip-isip niya ring walang “shortcut” sa pait ng buhay, kailangan niya talagang indahin lahat ito upang siya’y maging mas matapang para harapin ang mga susunod na mga pagsubok.