Laging Nangingialam sa Dalaga ang Isang Matandang Basurero, Masama kaya ang Intensyon Nito?

Laging Nangingialam sa Dalaga ang Isang Matandang Basurero, Masama kaya ang Intensyon Nito?

InspiringMysteryStories

“Hija, nand’yan na naman ba ‘yong kinakasama mong lalaki? Umuwi na naman ba ‘yong lasing at galit kagabi?” bungad ni Mang Karyo sa dalagang pinagkukuhanan niya ng basura, isang umaga nang makita niya itong nagwawalis sa harap ng bahay. 

“Ano po bang pakialam niyo sa buhay ko, manong? Simula nang magsarili ako ng bahay, palagi na kayong nagtatanong tungkol sa personal kong buhay. Ano naman po sa inyo kung umuwing lasing at galit ang kinakasama ko kagabi, ha?” galit na sagot ni Maria habang patuloy na nagwawalis ng mga kalat na gawa ng kaniyang asawa kagabi. 

“Nag-aalala lang naman ako sa’yo, hija. Alam mo namang napalapit ka na sa puso ko. Ayokong mapahamak ka dahil lang sa isang lalaking hindi mo naman gano’n kakilala,” katwiran ng matandang basusero habang pinagmamasdan siyang magwalis. 

“Naku, tumigil na po kayo sa pangingialam sa buhay ko. Tagakuha lang po kayo ng basura namin, ni hindi ko nga kayo kaanak para mangialam kayo sa akin!” inis niyang bulyaw dito dahilan para matungo ito. 

“Tama ka, pasensya ka na, hija,” mahinang wika nito. 

“Sige na po, umalis na kayo, nariyan na lahat ng basura namin. Ito po ang bayad,” pagtataboy niya rito saka agad itong binigyan ng sampung piso dahilan para dali-daling ilagay ng matanda ang kaniyang mga basura sa bulok nitong sidecar. 

Kung dati ay palaging natutuwa ang dalagang si Maria sa presensya ng matandang basusero tuwing ito’y kumukuha ng basura ng kanilang pamilya noong siya’y naninirahan pa sa kaniyang mga magulang, kabaligtaran ang kaniyang nararamdaman ngayong mag-isa na siyang namumuhay. 

Palagi na lang kasi itong nang-uusisa sa buhay niya. Kahit ang relasyon niya sa bago niyang kasintahan, palagi nitong tinanong na labis niyang ikinaiinis. 

Hindi niya kasi makita ang dahilan kung bakit kailangan nitong mag-usisa sa buhay niya dahil hindi naman niya ito kaanak at isa lamang hamak na tagakuha ng basura ng kanilang pamilya simula pa lang nang siya’y bata pa. 

Ito ang dahilan para halos araw-araw niya itong masungitan at masigawan ngunit kahit pa ganoon na ang ginagawa niya, araw-araw pa rin itong pumupunta sa bago niyang bahay upang kumuha ng basura at mangumusta. 

Wika niya pa, “Nagsarili na nga ako ng bahay para manahimik na ang buhay ko, tapos tuwing umaga, may matandang basurerong sisira ng buong araw ko? Nakakainis!” 

Nang araw na ‘yon, katulad ng araw-araw niyang ginagawa, muli niya na naman nakagalitan ang matanda at ito’y nasigawan. Naiinis na nga siya sa kinakasama niyang panay ang pag-inom at pagkakalat sa kaniyang bahay, dumagdag pa ang matandang ito dahilan para rito niya maibuhos ang lahat ng galit. 

Ngunit, maya maya, habang patuloy siya sa pagwawalis, muli na naman dumating ang naturang matanda at siya’y sinesenyasan nitong tumakbo na kaniyang pinagtaka. 

At dahil nga hindi niya ito maintindihan, siya’y nakatayo lang doon dahilan para siya’y hilahin nito palayo. 

“Ano po bang problema niyo, ha?” inis niyang tanong dito habang pilit na kinakalas ang pagkakahawak nito sa kaniya. 

“Manuod ka,” tangi nitong sambit saka siya tinago sa isang malaking puno, tanaw-tanaw ang kaniyang bahay. 

Wala pang isang minuto, may dumating na mga pulis at agad na pinalibutan ang bahay niya.

“A-anong gagawin nila sa bahay ko?” pagtataka niya, susugurin niya na sana ang mga pulis nang siya’y biglang pigilan ng matanda. 

“Utak ng ipinagbabawal na gamot ang kinakasama mo ngayon, hija. Epekto ng gamot na iyon ang palagian niyang pagkagalit sa’yo, kaya sobra akong nag-aalala na baka madamay at masaktan ka,” wika nito habang nakatingin sa kaniyang mga mata na labis niyang ikinagulat. 

Nang muli siyang tumingin sa kaniyang bahay, kitang-kita at rinig na rinig niya kung paano magpalitan ng bala ang mga pulis at ang lalaking kinakasama niya. 

“Kung nariyan ka sa loob ng bahay na ‘yan, tiyak, kung hindi ka matatamaan ng bala, gagawin kang hostage ng kinakasama mo. Mag-ingat ka, hija, sa mga lalaking papapasukin mo sa buhay mo,” payo pa nito dahilan para magkahalong pangongonsenya at pagpapasalamat ang naramdaman niya para sa matanda. 

Dahil sa panghihinang nararamdaman niya, nayakap niya ang matanda at nang tuluyan nang mahuli ang kaniyang kinakasama, roon na siya nakipag-ugnayan sa mga pulis. 

Doon niya napatunayang masamang tao nga ang lalaking ito at labis siyang nagpasalamat sa matandang sumagip ng buhay niya. 

“Salamat po, manong, kahit kailan ay hindi niyo ako pinapabayaang malungkot o masaktan,” wika niya saka niya ito inabutan ng sangkatutak na pagkain para sa sarili nitong pamilya. 

More Stories