Inday TrendingInday Trending
Limang Taon Niyang Hindi Nakita ang Amain Dahil Pinagbawalan Sila ng Ina; Magkikita pa Kaya Silang Muli?

Limang Taon Niyang Hindi Nakita ang Amain Dahil Pinagbawalan Sila ng Ina; Magkikita pa Kaya Silang Muli?

Abala sa pamimili si Jessica nang mapansin niya ang isang pamilyar na rebultong ilang distansya lamang na nakatayo mula sa kaniyang puwesto. Tinitigan niya itong maigi upang kumpirmahin ang sarili kung kilala nga ba niya itong talaga.

Upang mas mapag-sino’y naglakad siya palapit sa kinaroroonan ng pamilyar na lalaki.

“P-papa?” mahina niyang sambit sa nagtatanong na boses at pilit kinukumpirma kung ito nga ba si Albert, ang kaniyang stepfather.

“J-jessica?” anito nang makita siya.

Agad na sumilay ang ngiti sa labi ng lalaki kasabay no’n ay hinawakan siya sa magkabilang balikat at mahinang niyugyog upang kumpirmahing hindi ito nananaginip at totoong naroon siya sa harapan nito.

“J-jessica, anak,” pumipiyok nitong sambit at maya-maya ay niyapos siya ng yakap. “Ang laki-laki mo na, anak. Kumusta ka na?” dugtong nitong halata sa boses ang pinipigilang iyak.

“Maayos naman ako, papa,” tugon niya.

“Ang tagal na rin mula noong huli kitang nakita. Anong ginagawa mo rito? Namimili ka rin ba?”

Tumango si Jessica bilang tugon. Namiss niya ang kaniyang amain, limang taon na rin ang lumipas mula noong huli niya itong nakita. First year highschool siya nang maghiwalay ito at ang kaniyang ina.

Si Albert ang mas kinilala niyang ama kaysa sa totoo niyang ama na si Danny. Limang taong gulang siya noong ikinasal ito sa kaniyang ina. Mula noon ay ito na ang tumayong ama sa kaniya, kaya mas komportable siyang kasama ito, kaysa sa totoo niyang papa.

Ngunit sa hindi niya malamang dahilan ay naghiwalay ito at ang mama niya. Mula noon ay pinagbawalan na siya ng inang makipagkita rito, at hindi na rin niya muling nakita si Papa Albert, kaya hindi maipagkakailang nangulila siyang makita ito.

“D-dito lang ba kayo sa malapit nakatira, papa?” nauutal niyang tanong.

Masaya ang puso niya dahil muli niyang nakita ang lalaking tinuring niyang ama. Kaya hindi niya alam kung ano ang kaniyang dapat na maramdaman.

Tumango si Albert. “Oo, sa katunayan ay kakalipat ko lang sa may subdivision na malapit rito. Ikaw, bakit nandito ka? Lumipat na rin ba kayo rito?”

Umiling siya saka ngumiti. “Malapit lang po kasi ang school ko rito, kaya dito ako madalas bumili ng groceries ko,” aniya.

Malapad na ngumiti si Albert. “Mabuti naman, anak, kasi mas malapit ka na sa’kin, madali na lang para sa’kin ang dalawin ka,” masayang wika nito.

“Namiss kita, papa,” mangiyak-ngiyak niyang sambit. “A-ako ba namiss niyo rin ako?” Marami siyang nais na sabihin ngunit iyon lamang ang lumabas sa kaniyang bibig.

Tumango-tangong tumitig sa kaniya ang maluha-luhang mga mata ni Albert. “Sobra, Jessica, anak, kung alam mo lang… ilang beses kong sinubukang dalawin kayo ng kapatid mo. Pero palagi akong nabibigo, kasi mula noong naghiwalay kami ng mama mo’y kasama niyang tinanggal sa’kin ang karapatan kong makita kayo.

Ilang beses akong natulog sa presinto sa pagsuway ko sa ipinataw sa’kin na batas, hanggang sa dumating ang araw na sumuko rin ako. Palagi kong ipinagdarasal na sana dumating ang araw na kayo mismo ang humanap sa’kin, sa gano’ng paraan ay wala nang magagawa pa ang mama niyo. Kaya masayang-masaya akong nakita kita ulit, ito na yata ang ilang gabing ipinalangin ko kay Ama, sa wakas tinupad Niya na,” tumatangis na paliwanag ni Albert.

Hindi alintana ang mga matang nagtatakang nakatingin sa gawi nilang dalawa.

“Papa,” umiiyak na niyakap ni Jessica ang ama. “I’m sorry kung hindi ko na sinubukang hanapin ka. Ang akala ko’y tuluyan mo na rin kaming kinalimutan ni James. Kagaya mo’y pinagbawalan rin kami ni mama na makita ka, I’m sorry kung hindi namin sinubukang makausap ka’t marinig ang eksplanasyon mo.”

“Hindi pa huli ang lahat anak,” ani Albert habang yakap na mahigpit ang anak.

Bago siya hinatid ni Albert sa tinutuluyan niyang apartment ay binilhan muna siya nito nang kaniyang kakailanganin. Ipinangako ni Jessica sa amain na sa susunod nilang pagkikita’y kasama na nito si James, ang totoong anak nito.

Nang malaman ng kaniyang ina ang nangyari’y nagalit ito at hindi pumayag sa nais niyang mangyari. Ninais pa nitong ilipat siya sa eskwelahang malayo kay Albert na agad niyang tinutulan.

“Naiintindihan ko kung ilalayo mo sa’kin si Papa Albert, mama, dahil hindi naman siya ang totoo kong ama. Pero iyong pati kay James,” nanghihina niyang wika. “Limang taon mong inilayo si James kay papa, sa anong dahilan?

Dahil galit ka sa kaniya kaya idinamay mo kami? Kung hindi man naging mabuting asawa si Papa Albert sa inyo, sa’kin na anak-anakan niya’y naging mabuting ama siya mama. Kahit na hindi siya ang totoo kong papa, pinaramdaman niya sa’kin na may tatay ako. Huwag ka namang maging madamot sa’min mama,” nahihirapang wika ni Jessica.

Naiintindihan niya ang galit ng ina sa amain, pero sapat na ang limang taong inilayo sila nito sa ama. Walang nagawa ang ina sa naging desisyon nila ni James.

Mula noon ay tuwing Sabado at Linggo ay nasa poder sila ni Papa Albert, upang makasama nila ito at bumawi sa panahong hindi nila ito nakasama.

Hindi man naging mabuting asawa si Papa Albert sa kanilang ina’y naging mabuting ama naman ito sa kanila ni James. Minsan ay wala talaga sa magkadugo kung paano mo pahalagahan ang isang tao.

Tinanggap ni Albert ang batang si Jessica, minahal ito at inalagaan na higit pa sa totoo nitong ama. Sa gano’ng katangian pa lang nitong iyon ay sapat na upang masabing napakabuti nito ng puso nito, dahil handa itong maging tatay sa batang hindi naman kaniya.

Advertisement