
Walang Kaalam-alam ang Padre de Pamilya sa Trabahong Pinasok Niya; Nagulantang Siya sa Katotohanang Nalaman sa Kapatid
Binata pa lamang ang panganay na si Fredo ay siya na ang naturingang breadwinner ng kanilang pamilya. Isa siyang clerk sa isang kumpanya. Maayos naman ang kaniyang kinikita para sa kaniyang pamilya ngunit hindi na ito sasapat ngayong nagkaroon na siya ng asawa at mga anak.
Nais sana niyang kahit paano ay makapag-abot pa rin siya sa kaniyang mga magulang dahil matanda na rin ang mga ito at may mga gamot nang iniinom.
Masaya naman sa payak na pamumuhay si Fredo kasama ang kaniyang asawang si Mayla. Ngunit sa tuwing nakikita niya ang kaniyang mga anak ay hindi niya maiwasan na maghangad ng mas magandang buhay.
Tulad ng nakagawian ay bitbit niya ang uwing pansit gisado na binili niya malapit sa kanilang opisina.
Masaya siyang sinalubong ng kaniyang mga anak at asawa.
“Yehey, may uwing pansit si tatay!” natutuwang sambit ng dalawa niyang anak.
“Kayo talaga hindi kayo nagsasawa sa pansit na iyan. Sige na at tulungan niyo na ang nanay niyong ihain ‘yan nang mapagsaluhan na natin,” saad ni Fredo sa kaniyang mga anak.
Kahit may ngiti sa mukha ni Fredo ay mababanaag mo sa kaniyang mga mata ang pangamba.
“Ayos ka lang ba?” tanong ng asawang si Mayla.
“Wala lang ito, mahal. Napapaisip lang ako kung ano pa kaya ang pwede kong gawin para kumita ng mas malaki,” saad ni Fredo sa misis.
“Ikaw talaga. Ayos naman kami ng mga anak mo, mahal. Kaya h’wag ka nang mag-alala,” tugon pa ng ginang.
Kinabukasan habang papasok sa opisina ay hindi sinasadyang makita niya ang kaniyang dating kaibigan at kaklaseng si Ramon. Ibang-iba na ito. De kotse na at kitang-kitang nakakaangat na ito sa buhay. Nang makita ni Ramon si Fredo ay agad niya itong binati.
“Kumusta ka na? Anong ginagawa mo rito?” tanong ni Ramon.
“Sa ikalawang eskinita ang opisina ko. Papasok ako sa trabaho,” tugon naman ni Fredo.
“Hanggang ngayon ba ay alipin ka pa rin ng trabaho? Hindi ako makapaniwala na ang pinakamagaling sa aming klase ay isang clerk lang sa opisina,” sambit pa ni Ramon.
“I-ikaw, ano bang pinagkakaabalahan mo sa buhay? Mukhang big time ka na, a?” bati naman ng ginoo.
“Oo, dapat ay ganito ka rin e. Kung gusto mong maging kagaya ko ay kontakin mo lang ako. Ituturo ko sa’yo lahat para yumaman nang ganito,” wika pa ni Ramon.
Nag-iwan na lamang ang ginoo ng kaniyang calling card kay Fredo na kaniyang itinago sa kaniyang pitaka.
Kinagabihan ay may uwing pansit muli si Fredo para sa kaniyang mga anak. Mabuti niyang pinag-isipan ang alok na trabaho ng dating kaklase.
Dahil sa pagnanais niya na bigyan ng magandang buhay ang kaniyang pamilya at ipagpatuloy ang pagtulong sa kaniyang mga magulang ay tinawagan ni Fredo si Ramon. Pagkatapos ng trabaho niya’y muli silang nagkita.
“May mga produkto kasi akong mga sabon. Simple lang ang gagawin mo. Ihahatid mo ang isang kahon ng sabon na ito sa mga kliyente at kukuhain mo sa kanila ang pera at ako na ang bahala sa iyo,” paliwanag ni Ramon.
Ginawa ito ni Fredo at laking gulat niya nang sa simpleng gawain ay binigyan siya ng sampung libong piso ng dating kaklase.
“Napakalaking halaga naman nito. Sigurado ka bang sabon lang ang laman ng kahon na ‘yun?” pagtataka ni Fredo.
“Mamahaling sabon kasi ‘yun. Mga nauusong pampaganda ng mga asawa ng mga kumpare ko. Bakit? Ano ba sa tingin mo ang laman ng kahon?” tanong din ni Ramon.
“W-wala naman. Masaya ako dahil malaking tulong ito. Sa wakas ay makakatulong na ako sa mga magulang ko at sa pagpapaaral sa kapatid ko,” saad pa ni Fredo.
Kaya umekstra bilang delivery man itong si Fredo sa dating kaklase. Hindi na ipinaalam ng ginoo sa kaniyang asawa ang kaniyang bagong trabaho dahil gusto niyang surpresahin ito sa maiipon niyang pera.
Sa loob ng anim na buwan ay nakaipon na siya ng limang daang libong piso.
Isang araw ay nakatanggap ng tawag si Fredo mula sa kaniyang mga ama. Inatake raw sa puso ang kaniyang ina at nasa ospital ito.
“‘Yang kapatid mo, nahuli ng nanay mo na gumagamit ng ipin@gbabawal na g@mot kaya siya inatake sa puso,” kwento ng ama.
Dahil sa labis na galit ay agad niyang sinugod ang kapatid upang suwetuhin ito.
“Ang kapal ng mukha mo! Pinapag-aral kita, kung anu-ano ang ginagawa mo! Wala ka na talagang dinala sa pamilya na ito kung hindi puro kahihiyan!” bulyaw ni Fredo sa nakababatang kapatid.
“Nagsalita ang pinakamagaling na anak at padre de pamilya! Kung magsalita ka ay parang napakalinis mo! Baka akala mo ay hindi ko alam ang ginagawa mo!” sambit naman ng binata.
“A-anong ibig mong sabihin? A-anong ginagawa ko? Sumagot ka!” sigaw muli ng galit na galit na si Fredo.
“Akala mo hindi ko alam na ikaw ang runner ng drog@ mula kay Ramon? Kalat na kalat na sa lahat ng parokyano niya na kaisa ka na sa amin! Kaya huwag mo akong pagsabihan na parang ang linis linis mo!” muling sambit ng kapatid.
Nagulat si Fredo sa kaniyang narinig. Hindi niya akalaing ito pala ang kaniyang pinagtatrabahuhan kay Ramon. Agad siyang nagtungo sa dating kaibigan upang kumpirmahin ang balitang ito. At doon niya nalaman ang lahat.
“Sa tingin mo ba ay kikita ka ng ganiyang kalaki kung sabon lang ang itinitinda mo? Ang akala ko naman ay nakatunog ka na talaga,” saad ni Ramon.
“Hindi ko kaya na manira ng buhay ng iba, Ramon. Simula ngayon ay kakalas na ako sa’yo. Ito na rin ang lahat ng perang naipon ko mula sa pagtatrabaho sa’yo. Hindi ko kayang magpakain sa pamilya ko nang galing sa masama,” pahayag pa ni Fredo.
Walang kahit kaunting panghihinayang kay Fredo na ibinalik ang pera kay Ramon. Umalis na siya at tuluyang tinalikuran ang kaniyang trabaho sa dating kaklase.
Muli ay umuwi siya ng bahay bitbit ang uwing pansit para sa kaniyang mag-anak. Masaya siyang sinalubong ng mga ito.
“Salamat at kahit na simpleng buhay lang ang kaya kong ibigay ay nananatili kayo sa piling ko,” saad ni Fredo sa kaniyang mag-iina.
“Wala na kaming mahihiling pa, mahal, dahil mayroon kaming isang responsable at mapagmahal na padre de pamilya,” wika naman ni Mayla.
Sa puntong ito ng buhay ni Ramon ay napagtanto niyang sapat na ang lahat ng mayroon siya upang maging masaya sa buhay. Mahigpit niyang niyakap ang kaniyang mag-iina at saka niya ito hinalikan.
Sa gabing iyon ay masaya nilang pinagsaluhang muli ang pansit na kaniyang uwi para sa pinakamamahal na pamilya.