Nawalan na ng Pag-asa ang Isang Ama na Magpatuloy sa Buhay; Ito ang Ginawa sa Kaniya ng Panginoon

Nawalan na ng Pag-asa ang Isang Ama na Magpatuloy sa Buhay; Ito ang Ginawa sa Kaniya ng Panginoon

MiracleStoriesSuccess

“Parang-awa mo na, Teresa, huwag mo kaming iwan ng mga anak mo. Hindi ko alam kung paano ko sila palalakihin. Maliliit pa sila at kailangan nila ang isang ina. Kung may pagkakamali man ako ay itatama ko. Basta huwag mo lang kaming iwan!” pilit na pinipigil ni Rudy ang asawa sa pagbabalot nito ng mga gamit. 

“Nakapagdesisyon na ako, Rudy, sasama na ako kay Jun. Nagsasawa na ako sa buhay na kaya mong ibigay! Hindi ito ang ipinangako mo sa akin. Kailangan kong iwan ang mga bata dahil alam kong mas kaya mo silang alagaan at mahalin. Hindi ko na kaya pang maging ina sa kanila!” sambit naman ni Teresa na patuloy sa pag-eempake ng kaniyang mga damit. 

“Pag-usapan muna natin ito, Teresa. Gumagawa naman ako ng paraan para mabigyan kayo ng magandang buhay. Maghintay ka lang at matutupad ko rin iyon. Parang awa mo na huwag ka nang umalis!” pakiusap pa ng ginoo. 

Ngunit buo na ang isip ni Teresa na iwan ang tatlong maliliit niyang mga anak at ang kaniyang asawa upang sumama sa kaniyang kalaguyo. Wala nang nagawa pa ni Rudy kung hindi yakapin ang mga anak na nakakita ang kanilang pagtatalo.

At tuluyan na ngang umalis ng bahay ang ginang. 

“‘Tay, ayaw na po ba sa amin ni nanay? Hindi na po ba siya babalik pa?” tanong ng panganay na si Dolly habang patuloy ang pagluha. 

“Naguguluhan lang sa ngayon ang nanay ninyo. Huwag kayong mag-alala sapagkat naniniwala ako na babalik din siya isang araw,” pilit na ipinauunawa ni Rudy sa kaniyang mga anak ang sitwasyon. 

Sa pagdaan ng mga araw ay binuhay ni Rudy ang kaniyang mga anak sa pagkokopra. Ngunit dahil sa lumalaking pangangailangan ng kaniyang mga anak ay hindi na sapat pa ang kaniyang kinikita. Kaya naisipan niyang umekstra sa kung anu-anong trabahong darating sa kaniya. 

Sa sobrang hirap ng buhay ng mag-aama ay dumarating ang mga araw na halos wala na silang makain. Pinagkakasya na lamang nila ang isang gatang na bigas upang kahit paano’y may pagsaluhan ang magkakapatid. Kulang na nga lamang ay mamalimos ang mga ito sa lansangan. 

Sa kabila nito’y hindi pa rin naghihilom ang sakit na naranasan ni Rudy mula sa pang-iiwan ng kaniyang asawa. Lalong masakit para sa kaniya ay sa tuwing nakikita niya ang kaniyang mga anak na nahihirapan sapagkat wala silang matawag na ina. 

“Hindi ko na ata kaya ang lahat ng ito, pare. Hindi ko na alam kung paano hahatiin ang katawan ko sa pagtatrabaho at sa pag-aalaga ng mga anak ko. Sa susunod na taon pa’y kailangan nang pumasok ni Dolly sa eskwela. 

Ayoko naman siyang lumaking mangmang katulad ko. Ngunit paano kaya magiging posible sa isang kagaya ko ang magtaguyod ng tatlong anak. Naaawa ako sa mga anak ko,” sambit ni Rudy sa kaniyang kapitbahay at kaibigang si Miroy. 

“Ibaon mo na kasi sa nakaraan mo si Teresa. Tanggapin mo nang hindi na siya babalik pa kahit kailan. Alam ko na mahirap ang maging mahirap pero wala naman tayong magagawa kung hindi ipagpatuloy ang buhay,” tugon naman ng kaibigan. 

Ilang sandali pa’y humahangos si Dolly na papunta sa kaniyang ama.

“Tay, si bunso po, tumitirik na ang mga mata sa sobrang taas ng lagnat,” sambit ng bata.

Labis ang takot na nararamdaman ni Rudy. Agad siyang umuwi upang isugod ang kaniyang anak sa pinakamalapit na pampublikong ospital.

Doon ay lalo nilang naranasan ang hirap ng buhay. Sa dami ng inaasikasong pasyente ng mga doktor ay nagmakaawa na ang ginoo upang unahin sila. 

Sa puntong iyon ay pinanghihinaan na si Rudy ng loob. Habang nakikita niya ang mga doktor na ginagamot ang kaniyang anak ay bigla na lamang siyang napaatras at tila naging mabagal ang lahat.

Kinapa niya ang kaniyang bulsa at tanging bente pesos lamang ang kaniyang nakita. Alam niyang walang maitutulong ito sa panahong iyon. 

Kaya agad siyang nangutang sa kaniyang mga kapitbahay upang makabili ng mga kailangan ng anak sa ospital. Dahil sa pagkakasakit ng anak ay lalo siyang nagkanda baon-baon sa utang. 

Hindi pa doon natapos ang kalbaryo ng mag-aama. Ilang araw matapos ang lahat ng ito’y itinumba ng bagyo ang kubo na kanilang tinitirhan. Labis na awa ang kaniyang nararamdaman sa tuwing nakikita niyang nahihirapan ang kaniyang mga anak. 

Nang gabing iyon, habang natutulog sila ay mataimtim na kinausap ni Rudy ang Panginoon. 

“Diyos ko, hirap na hirap na po ako. Para na akong masisiraan ng bait. Hindi ko na rin alam kung paano pa bubuhayin ang mga anak ko. Kung maaari ay kunin Mo na ako sa aking pagtulog upang matapos na ang lahat ng problemang ito. Malas ang mga anak ko sapagkat ako ang kanilang naging ama,” bulong ni Rudy habang pinipigil ang hikbi ng kaniyang pag-iyak. 

Nang ipikit niya ang kaniyang mga mata ay nagising siya sa isang panaginip. Naroon siya sa isang maliwanag na lugar. Ilang sandali lamang ay may tinig na kumausap sa kaniya. Malakas ang kaniyang paniniwala na ito ang boses ng Panginoon. 

“Bago ka pumasok sa pintuan ng langit ay nais kong tingnan mo ang lahat ng maiiwan mo sa lupa. Magbalik-tanaw ka sa lahat ng nangyari sa iyong buhay,” saad ng naturang tinig. 

Maya-maya ay isa-isang nagbalik kay Rudy ang mga mapapait na sinapit ng kaniyang buhay mula noong bata pa lamang siya hanggang sa iwan siya ng kaniyang asawa at lahat pa ng unos na dumating sa kanilang buhay na mag-aama. Hindi maiwasan ni Rudy na masaktan.

Ngunit pagkatapos nito’y ipinakita rin sa kaniya ang mga sandaling sila ay nagtatawanan ng kaniyang mga anak. Mga tagpong kahit nahihirapan sila sa buhay ay may ngiti pa rin sa kanilang mga labi dahil sila ay sama-sama’t nagmamahalan. Ramdan niya ang mga yakap ng kaniyang mga anak habang siya ay magiliw na kinukwentuhan ng mga ito.

Hindi na napigilan pa ni Rudy na mapangiti at unti-unting tumulo ang kaniyang mga luha. Hanggang sa bumukas na ang pintuan ng langit upang siya ay papasukin. 

Napalingon na lamang siya sa kaniyang mga anak. Muli niyang ibinaling ang tingin sa pintuan ng langit. Ngunit sa puntong iyon ay nagising na siya mula sa sandaling pagkakaidlip. 

“Ayos ka lang ba, ‘tay?” tanong ni Dolly na nagising din dahil sa pagbalikwas ng ama mula sa pagkakatulog. 

“A- ayos lang ako, anak!” tugon ni Rudy na tila nagugulumihanan. 

Nang maliwanagan siya ay agad niyang niyakap ang kaniyang mga anak. 

“Patawarin niyo ang tatay, mga anak. Dapat ay mas maging matatag ako para sa inyo. Huwag kayong mag-alala dahil simula ngayon ay magbabago na ako. Gagawin ko ang lahat upang buhayin kayo!” sambit ni Rudy sa kaniyang mga anak. 

Sinimulan ni Rudy na muling buuin ang kanilang kubo. Bukod din sa pagkokopra ay nagtanim ng iba pang halaman si Mang Rudy upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.

Hindi tumigil si Mang Rudy na paaralin ang tatlo niyang mga anak hanggang sa tuluyan niyang napagtapos ng pag-aaral si Dolly. Habang si Dolly naman ay tinulungan din ang kaniyang ama sa pagpapaaral sa dalawa pa niyang mga kapatid. 

Hindi naglaon ay nagsipagtapos din ang mga ito sa pag-aaral at pawang naging mga propesyonal. Mula noon ay naging mas mainam na ang buhay ng mag-aama. Hindi pa rin makapaniwala si Mang Rudy sa tuwing titingnan niya ang mga anak na pawang mga asensado na sa buhay. 

“Maraming salamat po sa inyo, ‘tay. Ang lahat ng ito ay naging posible dahil hindi kayo bumitaw sa amin. Kahit mahirap ay itinaguyod niyo kaming magkakapatid,” saad ni Dolly sa ama. 

“Walang dapat pasalamatan kung hindi ang Panginoon. Maraming beses ko nang gustong bumitiw sa buhay ngunit nariyan Siya at hindi niya tayo pinababayaan. Siya ang naging gabay ko at kayo naman ang aking kalakasan. Maraming salamat din sa inyo, mga anak, dahil nanatili kayo sa akin,” masayang sambit ni Mang Rudy. 

Sa puntong iyon ay hindi lubos maisip ni Mang Rudy na kakayanin nilang mag-aama na umunlad ang kanilang buhay. Napatingin na lamang ang ginoo sa langit at buong pusong nagpasalamat sa Panginoon para sa pag-asang ibinigay nito sa kanilang buhay. 

More Stories