Nilayuan na ng Dalaga ang Nobyo Matapos Siyang Maaksidente; Labis Niyang Ikagugulat ang Gagawin ng Kasintahan

Nilayuan na ng Dalaga ang Nobyo Matapos Siyang Maaksidente; Labis Niyang Ikagugulat ang Gagawin ng Kasintahan

InspiringLoveStories

“Bakit parang malungkot ka, babe? Hindi ka ba masaya na sa wakas ay matutupad mo na ang pangarap mong maging isang arkitekto sa ibang bansa?” tanong ni Mandy sa kaniyang kasintahang si Noah. 

“Masaya ako, Mandy. Masayang-masaya! Ngunit hindi ko rin maiwasan na malungkot dahil malayo ang Amerika. Parang hindi ko yata kaya na mawalay sa’yo nang matagal,” tugon naman ng binata. 

“Maiksi lang ang limang taon, Noah. Saka gagawin naman natin ang lahat para maging maayos ang relasyon natin. Basta tandaan mo na kahit anong mangyari ay ikaw lang ang mamahalin ko,” sambit pa ng nobya. 

“Kapag may pagkakataon ay dadalawin kita dito o kaya ay ikaw ang bibigyan ko ng tiket para dalawin ako sa Amerika. Mag-iipon lang ako, Mandy. Pagkalipas ng limang taon ay pakakasalan na kita at isasama sa Amerika. Doon na tayo gagawa ng sarili nating pamilya,” pangako pa ni Noah. 

“Gusto ko ‘yan, babe. Naniniwala akong mangyayari ang lahat ng iyan,” yumakap na lamang si Mandy sa kaniyang kasintahan. 

Unang beses pa lamang makita ni Noah sa library ng kanilang paaralan ang dalagang si Mandy ay agad na siyang nabighani dito. Mula noon ay hindi na niya tinantanan pa ang dalaga hanggang tuluyan na siyang sagutin nito. 

Simula nang maging magkasintahan ang dalawa ay halos hindi na sila mapaghiwalay pa. Pumasok pa nga sila sa iisang unibersidad sa kolehiyo upang palagi silang magkasama. 

Kaya magkahalong lungkot at saya ang kanilang nararamdaman nang sa Amerika na magtatrabaho itong si Noah. Sa loob ng limang taong kontrata ay napagkasunduan nilang mag-ipon dahil sa pag-uwi ni Noah ay pakakasalan na niya si Mandy. 

Dumating na ang araw ng pag-alis ng binata. Tuluyang umalis si Noah papuntang Amerika.

Hindi naging madali ang simula ng buhay ni Noah sa ibang bansa. Palagi siyang abala sa trabaho ngunit sinisigurado niyang may oras pa rin siya para sa kasintahan. Magkaiba man ang oras sa magkabilang mundong kanilang ginagalawan ay pilit nilang pinapanatili ang saya ng kanilang pagsasama. 

“Parang napakatagal ng isang araw kapag hindi kita kasama. Ano pa kaya ang limang taon?” paglalambing ni Noah sa kaniyang kasintahan. 

“Konting tiis na lang, babe. Nakaisang taon na ka na rin diyan sa Amerika at kinaya mo naman. Malungkot ako na ito ang unang anibersaryo na hindi tayo magkasama pero naisip ko na pagkasal na tayo’y mas maraming taon pa tayong pagsasamahan!” wika naman ni Mandy. 

Tanging ang malambing na tinig at pagmamahal ni Mandy ang kinakapitan ni Noah sa kanilang sitwasyon. 

Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay naaksidente itong si Mandy. Patungo sana siya sa isang meeting noon nang isang malaking trak ang bumangga sa kaniyang sasakyan. Malaking pinsala ang kaniyang tinamo at maswerte siya dahil nabuhay pa siya.

Nagising na lamang ang dalaga na naroon na sa ospital. Nang tignan niya ang kaniyang sarili ay napasigaw na lamang siya. 

“Bakit ganito na ang hitsura ko? Ayoko nang ganito! Ma, sabihin mo sa akin na panaginip lang ang lahat ng ito!” pagtangis ng dalaga. 

“Anak, kailangan nilang operahan ang buong ulo at mukha mo dahil sa tindi ng aksidente. Himala na ngang maituturing dahil hanggang ngayo’y narito ka at kasama namin,” umiiyak na paliwanag ng ina.

“Pero paano pa ako mabubuhay ng ganito ang itsura ko? Pagtatawanan ako ng mga tao! Baka pati si Noah ay ayawan na rin ako!” patuloy sa pagtangis si Mandy. 

“Kung tunay ka niyang mahal ay tatanggapin ka niya. Anak, ipagpasalamat mo ang pangalawang pagkakataong binigay sa iyo ng Panginoon upang mabuhay,” dagdag pa ng ina. 

Hindi makapaniwala si Mandy na ang kaniyang magandang mukha ay puno na ng pilat. Iniisip niya ang kaniyang nobyo at alam niyang hindi na siya kaya pang tanggapin nito dahil sa pangit niyang hitsura. 

Kaya upang hindi na masaktan pa ay tuluyan na siyang lumayo kay Noah. Hindi na niya sinasagot pa ang mga tawag at sulat nito. Masakit man para sa dalaga ay kailangan na niyang tuluyang kalimutan ang pinakamamahal na nobyo. 

Lumipas nga ang limang taon. Naghilom man ang mga sugat sa mukha ni Mandy ay bakas pa rin ang mga peklat nito.

Habang mag-isa sa kaniyang silid ay narinig niya ang katok ng kaniyang ina. Nang tumuloy ito ay iniabot sa kaniya ang isang imbitasyon.

“Galing ito kay Noah. Gusto sana niyang imbitahan ka sa kaniyang kasal,” saad ng ina ni Mandy. 

Inabot lamang ng ina ang imbitasyon at nang maaninagan ni Mandy ang pangalan ng binata ay bumalik sa kaniya ang lahat ng lungkot dahil sa sinapit ng kanilang relasyon. 

“Masaya ako para sa kaniya,” mahinang sambit na lamang ni Mandy. 

“Pero bakit ganun, ma? Masakit pa rin sa akin. Bakit sa tinagal ng panahon ay hinihiling ko na sana’y ako na lang ang babaeng pakakasalan niya. Hanggang ngayon ay siya pa rin ang laman ng puso ko. Nasasaktan ako at talagang binigyan niya pa ako ng imbitasyon para sa kasal niya,” umiiyak na sambit ng dalaga. 

Ang hindi alam ni Mandy ay naroon sa labas ng pinto ng kaniyang silid si Noah. Nang makita niya ang dating kasintahan ay labis siyang nabigla. Agad siyang nagtakip ng kaniyang mukha.

“Umalis ka na dito, Noah! Ayaw kong makita mo ang mukha ko! Umalis ka na!” sigaw ni Mandy habang tinataboy ang dating nobyo.

“Ma, bakit niyo siya pinapasok? Gusto niyo ba talagang mapahiya ako?” sambit naman ng dalaga sa kaniyang ina. 

“Pakinggan mo muna ang nais kong sabihin, Mandy,” sambit ni Noah sa dalaga.

“Masaya ako na pareho pa rin ang nararamdaman mo para sa akin dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin nagbabago ang pagmamahal ko sa’yo!” saad pa ng binata.

“Ano bang sinasabi mo? Hindi ba’y ikakasal ka na? Heto nga at binibigyan mo pa ako ng imbitasyon!” muling sambit ni Mandy. 

Nang muling tingnan ng dalaga ang nasabing imbitasyon ay laking gulat niya na makita ang kaniyang pangalan katabi ng pangalan ng binata. 

“Ipinaalam sa akin ng mama mo ang nangyari sa iyo at alam kong nag-iba na ng husto ang iyong hitsura. Ngunit nais ko lang malaman mo na hindi naman ang panlabas na anyo mo ang nagustuhan ko kung hindi ang buo mong pagkatao. 

Kahit na ano pang itsura mo, Mandy, ay ikaw at ikaw pa rin ang pakakasalan ko,” saad ni Noah sa dalaga. 

Labis na napaluha si Mandy sa kaniyang narinig. Hindi niya akalain na sa loob ng ilang taong pilit niyang iniwasan ang binata ay hindi pa rin nagbabago ang damdamin nito. Tutuparin pa rin pala ni Noah ang matagal na niyang pangako na magpakasal sila. 

Muling nagkabalikan si Noah at Mandy at tuluyan nang nagpakasal.

Tulad ng kanilang pangarap noon ay dinala ni Noah ang asawa sa Amerika. Doon ay kaniyang ipinagamot ang mukha nito.

Hindi man nanumbalik sa dating magandang hitsura ang mukha ni Mandy ay panatag na ang kaniyang loob dahil alam niyang may isang taong labis at wagas na nagmamahal sa kaniya. Ito ay walang iba kung hindi ang kaniyang asawang si Noah. 

More Stories