Inday TrendingInday Trending
Ibinigay ng Legal na Anak ang Pangangalaga ng May Sakit na Ama sa Kapatid sa Labas; Sa Pagbuti ng Kalagayan ng Ama ay Magsisisi Siya sa Kaniyang Ginawa

Ibinigay ng Legal na Anak ang Pangangalaga ng May Sakit na Ama sa Kapatid sa Labas; Sa Pagbuti ng Kalagayan ng Ama ay Magsisisi Siya sa Kaniyang Ginawa

“Dad, hindi na po ako makapaghintay sa pag-uwi niyo. Nakahanda na po ang silid na tutuluyan niyo dito at sabik na sabik na rin ang mga apo niyong makasama kayo,” saad ni Cynthia sa kaniyang amang si Conrado.

“Nakausap mo na ba ang kapatid mong si Ditas? Isama mo siya sa pagsundo sa akin sa airport. Gusto ko rin siyang makita,” tanong naman ng ama.

“Pwede ba, dad? Huwag mo nang binabanggit sa akin ang anak mo sa labas! Nakakasama ng loob. Ako ang legal mong anak kaya ako ang kailangan mong unang makasama at hindi siya. Siguro’y kung naririnig ka ni mommy ngayon ay babangon siya sa kaniyang himlayan!” saad pa ni Cynthia.

“Hanggang ngayon ba ay hindi mo pa rin tanggap ang kapatid mong si Ditas? Anak, matanda na ako at ang tanging nais ko lang ay lumisan sa mundong ito na ayos kayong magkapatid,” saad pa ni Conrado.

“Hindi ko matatanggap ang babaeng iyon dahil siya ang bunga ng pagkasira ng pamilya natin. Huwag na natin siyang pag-usapan, daddy. Huwag mo nang ipilit dahil hindi ko kayang pakisamahan ang babaeng ‘yon!” giit muli ng ginang.

Retiradong sundalo sa Amerika itong si Conrado. Dahil matanda na rin siya ay nais na niyang magbalik sa Pilipinas upang gugulin na lamang ang kaniyang oras sa kaniyang mga anak at apo.

Matagal nang walang balita si Conrado sa kaniyang anak sa labas na si Ditas. Nais sana niyang bumawi dito. Maging si Ditas ay nais ring makapiling ang ama. Ngunit sa tuwing nakikibalita ang ginang sa kapatid na si Cynthia ay ipinagtatabuyan lamang siya nito. Dahilan upang hindi niya makausap ang ama.

Nais man sanang makapiling ni Conrad ang kaniyang anak sa labas ay wala siyang magawa dahil sa mariing pagtutol ng kaniyang legal na anak na si Cynthia.

Nakakalungkot lamang dahil hindi ito sa labis na pagmamahal ni Cynthia sa amang si Conrado kung hindi ayaw niyang maambunan lamang ng kahit magkano si Ditas mula sa pera ng matanda. Nais niyang siya na lamang ang makinabang sa malaking pensyon na nakukuha ng ama mula sa pagreretiro.

Tuluyang nakauwi si Conrado ng Pilipinas at tumira kay Cynthia. Lahat ay ginagawa nito upang hindi magtagpo ang ama at ang kapatid sa labas. Kaliwa’t kanan din ang paghingi ni Cynthia ng pera kay Conrado. Nabuhay siyang nakaasa pa rin sa matandang ama.

Hanggang isang araw ay bigla na lamang nagkasakit itong si Conrado. Na-stroke siya at unti-unting nawalan ng memorya.

“Bukod sa kaniyang sakit ay may dementia na rin ang iyong ama. Ito ay isang uri ng sakit kung saan nawawala ang kaniyang mga alaala. Sa ngayon ay may pagkakataon na maaalala niya kayo ngunit darating ang panahon na tuluyan na niya kayong makakalimutan.

Bukod sa gamot ay kailangan niya ng matinding pang-unawa at pasensiya mula sa inyong mga kaanak niya,” saad ng doktor.

Pilit namang inalagaan ni Cynthia ang kaniyang ama. Ngunit hindi niya makayanan ang mga ginagawa ni Conrado sa tuwing mawawala ang mga alaala nito. Isa pa ay tila naging pabigat na ito sa kaniya. Ni hindi man lamang niya ito malinisan o hindi kaya ay magawang pakainin.

Simula nang magka ganito ang ama ay labis na ang inis na nararamdaman ni Cynthia. Kung dati ay ipinagsisiksikan at ipinaglalaban niya ang pagtira sa kaniyang bahay ng matandang ama, ngayong may sakit na’y nais na lamang niyang ibigay ang pangangalaga nito sa kapatid niya sa labas na si Ditas.

“Tutal, matagal mo nang gustong makasama si daddy, ‘di ba? Heto at tinutupad ko na ang gusto mo! Simula ngayon ay ikaw na mag-alaga sa kaniya dahil hindi ko na makayanan ang matandang iyan!” bulyaw ni Cynthia kay Ditas.

“Isa pa, dapat talagang ikaw ang magdusa kay daddy dahil sa lahat ng kasalanan ninyo ng nanay mo sa amin ng mommy ko!” dagdag pa ng ginang.

Tuluyan nang iniwan ni Cynthia sa pangangalaga ni Ditas ang ama. Ang matindi pa rito ay hindi man lamang niya ito binibigyan ng panggastos. Ang lahat ng pensyon ng kaniyang ama ay siya pa rin ang nakikinabang.

Kahit naman salat sa buhay ay masaya si Ditas. Sa wakas kasi ay nakapiling na niya ang ama. Matagal na siyang nangungulila dito. Nanghihinayang lamang siya sapagkat nakasama niya ang matanda nang hindi na siya nito naaalala pa.

“Kahit hindi ninyo na alam na ako si Ditas ay aalagaan ko pa rin kayo, ‘tay. Masaya ako at narito kayo ngayon at kasama ko,” sambit ni Ditas habang nililinis ang katawan ng ama.

Labis ang pag-aasikaso ni Ditas sa kaniyang matandang ama. Habang si Cynthia ay walang habas sa paglustay ng pensyon ng matanda.

Hanggang isang araw ay galit na galit na pinuntahan ni Cynthia ang kaniyang ama. Wala na kasi siyang natatanggap pang pensyon mula dito. Nais sana niya itong isama sa embahada upang patunayan na buhay pa ang matanda kung ito man ang dahilan ng pagtigil ng pensyon.

Ngunit labis ang kaniyang gulat nang makita si Conrado na nasa maayos nang kalagayan.

“Wala talagang dementia si tatay. Ang panandaliang pagkawala ng kaniyang memorya ay dahil sa pagkaka-stroke niya. Ngayong ayos na siya ay bumalik na din ang kaniyang alaala,” saad ni Ditas kay Cynthia.

“Kung ganun ay naaalala niyo na ako? Tara na, daddy, at uuwi na tayo,” saad naman ng ginang.

“Hindi na ako sasama pa sa’yo, Cynthia. Alam ko na ang lahat ng ginawa mo. Nakakalungkot na isiping nagawa mo ang lahat ng ito sa akin matapos mong waldasin ang lahat ng pera ko.

Simula ngayon ay dito na ako mananatili sa piling ni Ditas. Mas maaalagaan ako rito. Ngayon ay naaalala ko na rin kung bakit nga ba mas minahal ko ang nanay ni Ditas at ipinagpalit ko ang mommy mo. Ito ay dahil tulad mo, pera ko lamang ang habol ng mommy mo,” saad ni Conrado.

Umuwing luhaan is Cynthia. Pahiyang-pahiya siya dahil sa nangyari. Sa sama ng loob ni Conrado ay tinanggalan niya ng mana si Cynthia at ang lahat ng pera ng kaniyang ari-arian at pera ay maiiwan sa anak na si Ditas.

Labis ang pasasalamat ng matanda sa anak na umaruga sa kaniya. Batid ni Conrado na kahit pa walang perang matatanggap si Ditas ay masaya ito dahil sa wakas ay natupad na ang pinaka inaasam-asam nito na tuluyang makasama ang kaniyang amang matagal nang nawalay sa kaniya.

Advertisement