Inday TrendingInday Trending
Sinisiraan ng Manager ang Isang Empleyado sa May-Ari ng Convenience Store; Bandang Huli ay Siya pa ang Nawalan ng Trabaho

Sinisiraan ng Manager ang Isang Empleyado sa May-Ari ng Convenience Store; Bandang Huli ay Siya pa ang Nawalan ng Trabaho

“Ma’am, baka naman po pwedeng bumale ulit. Baka pwede niyo akong tulungan na kausapin ang may-ari na makapag-advance ako ulit ng sahod para may maipadala lang ako sa nanay ko. Kailangang kailangan po kasi niya ng pera,” pagmamakaawa ni Lourdes sa kaniyang manager na si Grace.

“Tigilan mo nga ako, Lourdes, wala ka nang ginawa kung hindi bumale nang bumale. Gusto mo atang ilagay sa alanganin pati ang trabaho ko. Tumigil ka na at gawin mo na ang trabaho mo,” sambit pa ng kaniyang amo.

“Kay aga-aga ay puro bale ang alam. Kaya minamalas itong tindahan na ito!” dagdag pa ng manager.

Isang taon na ang nakakalipas nang lumuwas pa-Maynila itong si Lourdes upang maging tindera sa isang convenience store. Siya lamang kasi ang inaasahan ng kaniyang pamilya simula nang yumao ang kaniyang ama. Ngayon nga ay may sakit pa ang kaniyang ina kaya panay ang kaniyang pag-advance sa kaniyang sweldo.

Mainit na talaga ng dugo ng manager na si Grace kay Lourdes. Pakiramdam niya kasi ay mahina ang utak nito dahil galing sa probinsiya. Malaking balakid din si Lourdes para sa kaniya dahil gustong-gusto siya ng mga mamimili dahi sa maganda niyang pagtrato at pagtatrabaho. Kaya kaunting kibot ng dalaga’y labis na niya itong pagalitan.

“Lourdes, ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na isalansan mo nang maayos ang mga paninda natin? Ikaw talaga, nakapag-aral ka naman, ‘di ba? Bakit hindi maintindihan ng kokote mo ang mga sinasabi ko?” sambit ni Grace sa dalaga.

“Pasensiya na po, ma’am. Iniisip ko lang kasi ang nanay ko. Wala pa rin po kasi akong makuhaan ng pera para ipadala sa kanila sa probinsiya,” paliwanag ni Lourdes sa manager.

“Wala na akong pakialam sa mga problema mo! Huwag mong idamay ang trabaho sa mga iniisip mo. Isang pagkakamali mo pa ay ako na mismo ang magsasabi sa may-aring sisantihin ka,” saad pa ni Grace.

“Huwag naman po, ma’am. Kailangan ko po itong trabaho na ito para sa pamilya ko. Pasensiya na po kayo sa akin. Hindi na po mauulit,” pakiusap pa ng dalaga.

“Talagang hindi na dapat maulit dahil sinisigurado ko sa iyo na mawawalan ka ng kabuhayan!” banta pa ng amo.

Napayuko na lamang ang dalaga.

Isang araw ay nabalitaan ni Lourdes na darating daw ang may-ari ng convenience store. Nais na niyang kuhain ang pagkakataong ito para kausapin ang amo upang makiusap na makapag-advance muli ng kaniyang sahod.

Nang malaman ito ni Grace ay gumawa siya ng paraan upang hindi makausap ni Lourdes ang kanilang amo. Naghanap siya ng butas upang kagalitan ito.

“Hay, Lourdes, ilang beses ko bang sasabihin sa’yo na isalansan mong maayos ang mga panindang tinapay na ito? Baka mamaya ay mapipi na lang ang mga tinapay at hindi na mabenta,” dahil nakaharap ang may-ari ay malumanay na pinagsabihan ni Grace si Lourdes.

“Pasensiya na po kayo, sir, sa inasal ni Lourdes. Maraming beses ko na talagang pinagsasabihan iyan. Sakit ng ulo ko talaga ang isang iyan. Hayaan niyo at hindi ko siya titigilan sa paalala,” wika pa ng manager sa may-ari.

Ngunit dahil purisgido si Lourdes na makapag-advance ng sahod para ipadala sa kaniyang ina ay kinausap niya ang may-ari.

“Paano kitang papahiramin ng sahod mo kung ang mga simpleng trabaho ay hindi mo magawa? Pagbutihan mo muna at saka tayo mag-usap,” saad ng ginoo.

“Saka baka kung saan mo lang dadalhin ang pera, Lourdes,” pagsingit pa ng manager.

Nang makatalikod na ang may-ari ay agad na siniraan ni Grace si Lourdes.

“Kung anu-ano kasi ang binibili niyan, sir. Siguro ay may ginagastusan na lalaki kaya laging walang pera. Nakikita namin dito na kung sinu-sino ang sumundong lalaki diyan,” sulsol pa ni Grace.

Mula noon ay mainit na rin ang mata ng may-ari kay Lourdes. Idagdag mo pa riyan ang walang patid na paninira ng manager sa dalaga.

Ngunit isang gabi ay bigla na lamang nagkaroon ng kaguluhan sa labas ng convenience store. May mga grupo na binasag ang salamin at sapilitang pinasok ang nasabing tindahan. Kung anu-ano ang kinuha ng mga ito.

Kahit na natatakot ay pilit na nakipaglaban si Lourdes upang pigilan ang mga lalakihan. Ngunit dahil mas malakas ang mga ito ay wala siyang laban.

Samantala ay nagtago agad si Grace dahil sa takot. Ang matindi pa dito ay ginamit pa niya ang pagkakataon upang kumuha siya ng pera sa kaha ng tindahan sa pag-aakalang walang makakaalam nito.

Nang malaman ng may-ari ang nangyari ay agad itong nagtungo roon. Upang magpabango sa may-ari ay nag-imbento ng kwento itong si Grace.

“Pilit ko po silang nilabanan ngunit wala akong nagawa boss,” sambit ng sinungaling na manager.

Ang nawala sa isip ni Grace ay makikita sa CCTV ang lahat ng mga tunay na nangyari. Kaya nang i-review ng mga awtoridad ang lahat ay nakita ang ginawa niya at ang ginawa ni Lourdes.

Nadismaya masyado ang may-ari nang makitang sinamantala ni Grace ang pagkakataon upang kumuha rin ng pera sa kaha. Dahil dito ay pinagbintangan siya na kasabwat ng mga magnanakaw.

Nang makita naman ng may-ari ang ginawang paglaban ni Lourdes sa mga kalalakihan ay labis siyang pinahanga nito.

“Bakit kahit na hindi kita pinabale ng sahod ay nagawa mo pa rin ito?” tanong ng may-ari sa dalaga.

“Ginagampanan ko lang po ang tungkulin ko. Naisip ko rin po kasi na kung magsasara ang tindahan na ito ay mawawalan ako ng trabaho. Tanging ito lamang po ang pinagkukunan ko ng panggastos para ipadala sa pamilya ko,” paliwanag niya sa amo.

Nagulat ang may-ari sa sagot ng dalaga. Buong akala niya kasi ay makasarili ito at kung anu-ano lamang ang pinaglalaanan ng pera.

Labis na naantig ang kalooban ng may-ari sa kabutihan at kabayanihan ni Lourdes. Dahil dito ay siya na ang ipinalit na manager ng convenience store at tinaasan na rin ng may-ari ang kaniyang sweldo.

Habang ang dating manager na si Grace ay natanggal na nga sa trabaho at napipinto pang makulong dahil sa pagnanakaw na kaniyang ginawa.

Labis ang galak sa puso ni Lourdes. Dahil sa nangyaring iyon ay mas may ipapadala na siya sa kaniyang pamilya sa probinsya. Hindi na niya kailangan pang bumale nang bumale ng kaniyang sahod dahil hindi na siya nagigipit pa.

Nilagyan na rin ng gwardiya ang nasabing tindahan upang hindi na maulit ang masamang nangyari. Pinabutihan ni Lourdes ang kaniyang trabaho at mula nang siya na ang naging manager ay mas maraming tao na ang tumangkilik sa nasabing tindahan.

Malaking patunay si Lourdes na talagang pinagpapala ang mga taong gumagawa ng kabutihan.

Advertisement