Umasa ang Babae na Babalikan Siya ng Ina sa Tiyahin Ngunit Bigo Siya; Matutuklasan Niya ang Nakalulungkot na Dahilan Nito

Anim na taong gulang pa lamang si Daisy nang siya’y iwan ng kaniyang ina sa puder ng kaniyang tiyahin upang magtrabaho sa ibang bansa. Musmos man siyang maituturing nang mga panahong iyon ngunit hanggang ngayon ay nananatili pa ring maliwanag sa kaniyang memorya ang pagbibitiw nito noon ng pangakong siya ay kaniyang babalikan, at muli silang magkakasamang mag-ina…

Ngunit mahabang panahon na ang lumipas. Ngayon ay dalawampu’t isang taon na siya, ngunit ni anino ng kaniyang inang si Aling Marina ay hindi niya na muling nakita pa, buhat nang ito ay ihatid nila sa airport bago ito tuluyang lumipad papunta sa ibang bansa.

“Umaasa ka pa bang makikita mo pa ang mama mo, Daisy?” isang araw ay naitanong sa kaniya ng nobyong si Daniel, nang minsan ay magkita sila upang mag-date.

Agad na umiling si Daisy sa tanong ng nobyo. “Hindi na,” tahasang sagot niya. Napalingon sa kaniya ang nobyo na bagaman medyo nagulat ay inaasahan na ang naging tugon niya.

“Kung gusto niya akong balikan, dapat noon pa,” dagdag pa ni Daisy. Hindi niya maiwasang hindi maalala ang matagal na naging pangungulila niya simula nang mawala ito. “Three years… five years? Makakaya ko pa, e. Pero, umabot na ng halos isa’t kalahating dekada, pero wala pa rin siya! Alam mo, feeling ko, nakahanap na siya ng ibang asawa doon, e. ’Tapos nagkaroon sila ng masayang pamilya, habang ako, naiwang naghihintay at nangungulila rito sa Pinas.” Napangiwi pa si Daisy habang pinipigilan ang luhang nagbabadya sa sulok ng kaniyang mga mata.

Agad niya iyong pinahid bago pa man iyon tuluyang bumagsak, at hinarap muli ang kaniyang nobyo. “Hay, naku! Bakit ba ’yan ang napili mong pag-usapan ngayon, love? Dapat masaya lang, e. Ngayon na nga lang tayo ulit magde-date.” Sumimangot pa kunwari si Daisy upang itago sa nobyo ang nadarama niyang sakit.

Ngunit bakas ang simpatiya sa mukha ng kaniyang nobyo. Halatang hindi ito nakukuha sa kaniyang pagpapanggap, at maya-maya nga’y kinabig na siya nito upang bigyan ng isang yakap.

“Love, kung sakaling makikita mo ang mama mo ulit, gusto kong pagbigyan mo siya ng pagkakataong magpaliwanag, please?” maya-maya’y biglang saad ni Daniel habang nakakulong pa rin siya sa magkabilang bisig nito.

Advertisement

Bigla namang napatunghay si Daisy. Kunot ang noo niyang tinanong ang nobyo. “Bakit ba sinasabi mo sa akin ’to ngayon?” tanong niya sa binata.

“Love, nagkita kami ng mama mo… nakauwi na siya,” pag-amin pa nito na agad namang ikinagulat ni Daisy. Hindi pa man siya nakakabawi mula sa pagkabigla ay nasulyapan na niya ang isang babaeng kapapasok lamang sa restawran kung nasaan sila ngayon ng nobyo!

“A-anak…” pambungad nito sa kaniya sa maluha-luhang mga mata. Samantalang agad namang rumehistro ang galit sa mga mata ni Daisy nang makilala ang kaharap. Ngunit hindi siya nagsalita. Ayaw niyang gumawa ng eskandalo sa restawran na iyon lalo pa at napakaraming tao. Hinayaan na lamang ni Daisy na maupo sa kaniyang harapan ang kaniyang inang matagal na niyang hindi nakikita.

“Anak, hayaan mo sana akong magpaliwanag…” simula nito at pilit na inabot ang kamay niyang nakapatong sa mesa ngunit agad niya iyong binawi rito. Bumaling din siya ng tingin sa ibang direksyon dahil nag-uumpisa na namang mag-ulap ang kaniyang mga mata.

“Anak, patawarin mo ako kung hindi kita nabalikan noon kaagad. Hindi ko sinasadya. Hindi ko rin ginustong malayo sa ’yo, anak,” humahagulhol na anang kaniyang ina ngunit pinilit pa rin nitong magpatuloy. “Anak… nakulong ako sa Riyadh sa salang pagbawi sa buhay ng amo ko. Anak, hindi ko na kasi kaya ang pananakit niya sa akin noon. Hindi niya ako hinayaang tumawag man lang sa inyo o mapadalhan ko kayo ng pera dahil maging ang sahod ko ay iniipit niya. Inaabu*so niya ako, anak. Sinasaktan at ikinukulong sa loob ng mahabang panahon… hanggang isang araw, hindi ko na nakayanan at ipinagtanggol ko ang sarili ko sa kaniya.”

“Nakulong ako sa bansang ’yon nang walang nakakaalam dahil hindi naman nila ako binigyan ng karapatang pantao. Itinrato nila akong parang hayop doon, anak! Pero pinilit kong makaligtas at mabuhay para matupad ko pa rin ang pangako ko sa ’yo na babalikan kita…” umiiyak na pag-amin pa ng kaniyang ina na agad na umantig sa matigas na puso ni Daisy.

Walang sabi-sabing bigla niyang inisang hakbang ang kanilang pagitan upang yakapin ito nang pagkahigpit-higpit!

“Mama, patawad po! Patawad kung nagalit ako sa inyo. Patawad kung kinailangan ninyong pagdaanan ang lahat ng iyan. Simula po ngayon, hindi na ulit tayo maghihiwalay. Babawiin natin ang bawat minutong ipinagkait sa atin ng tadhana noon. Mahal na mahal kita, mama!”

Advertisement

Napuno ng iyakan ang bawat segundo ng muli nilang pagkikita, ngunit nang matapos iyon ay ipinangako nila sa sarili na kasiyahan na ang susunod sa pagsubok na kanilang nalampasan, kahit hindi sila magkasama.