Kasal na ang Kaniyang Nobyo nang Umuwi Ito Mula sa Ibang Bansa; Ngunit Anito’y Siya pa rin Daw ang Gusto Nitong Makasama!

Tatlong taon na ang nakalilipas nang umalis patungo sa ibang bansa ang nobyo ni Macey na si Jonathan upang maging O.F.W. Nangako kasi itong siya ay babalikan nito, kasama ang magandang buhay na sabi pa nito’y inihahanda nito para sa kinabukasan ng kanilang magiging pamilya.

Noong mga unang buwan ay naging maayos naman ang naging relasyon ng dalawa lalo’t patuloy pa rin naman ang kanilang komunikasyon. Iyon nga lang, habang tumatagal ay unti-unting nararamdaman ni Macey ang tila panlalamig ni Jonathan sa tuwing kausap siya nito. Ilang beses din nilang pinag-awayan ang bagay na ’yon ngunit nagpapatuloy lamang ang ganoong senaryo makalipas ang ilang araw.

Dumalang nang dumalang ang pagsagot ni Jonathan sa mga mensahe ni Macey. Hindi naman siya manhid upang hindi maramdamang ayaw na sa kaniya ng binata kaya naman minabuti ng dalaga na dumistansya na rin sa nobyo at hintayin na lamang na magdesisyon itong hiwalayan siya, ngunit walang nangyaring gan’on. Isang araw, bigla na lang siyang nagising na hindi na sila nagpapansin pa o nag-uusap… at tumagal iyon ng tatlong taon.

“Macey, nabalitaan mo na ba?” Isang araw, pagkauwi ni Macey sa trabaho niya bilang manager sa isang fastfood chain ay sinalubong siya ng pinsang si Nathalie. Halata ang kasabikan sa tinig nito habang siya ay walang kabuhay-buhay na sinususian ang kandado ng kanilang bahay.

“Ang alin?” kunot-noong tanong naman niya.

“Nakauwi na ’yong boyfriend mo galing Singapore!” bulalas nito na lalo namang nakapagpakunot sa noo ni Macey.

“Ha?” takang aniya, “sino’ng boyfriend?”

“Sino pa, e ‘di si Jonathan!” Napangiwi siya nang marinig ang pangalan ng kaniyang dating nobyo.

Advertisement

“Shunga! Ex ko na ’yon. Tagal na naming hiwalay ’no!” depensa naman niya. “Saka, e ano naman kung nakauwi na siya? I don’t care,” nangingisi pang aniya. Sa totoo lang ay wala na siyang sama ng loob sa binata dahil naka-move on naman na siya. Bagama’t may parte pa rin sa kaniya na nanghihinayang na hindi sila nagkatuluyan ay okay na rin dahil natutunan na niyang tanggapin sa sarili na hindi talaga sila para sa isa’t isa.

“Sus, kunwari ka pa! E, bakit nagpunta siya rito kanina’t hinahanap ka?” Nabigla siya sa tinuran ni Nathalie.

“G-galing siya rito?” takang pag-uulit niya na agad namang tinanguan ng pinsan.

Nang gabing iyon ay naisipan ni Macey na hanapin ito sa Facebook upang itanong mismo sa lalaki kung bakit ito nagpunta sa bahay nila kanina, ngunit laking gulat niya nang sa kaniyang pagbisita sa profile nito ay nakita niya ang mga litrato ng kasal nito sa ibang bansa!

Agad na nagbago ang isip ni Macey. Ayaw niyang magkaroon ng komplikasyon si Jonathan sa asawa nito kapag nag-send pa siya ng mensahe sa binata. Ngunit hindi pa man niya nailalapag ang kaniyang cellphone ay bigla na lang iyong tumunog… nag-chat sa kaniya si Jonathan!

“Galing ako sa inyo kanina pero wala ka. Macey, hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. I want you back. Please, makipagbalikan ka sa akin. Mahal mo pa naman ako, hindi ba?”

Iyon ang eksaktong nakasulat sa mensahe ni Jonathan sa kaniya. Pakiramdam ni Macey ay umakyat ang lahat ng dugo niya sa kaniyang ulo! Saan ito kumuha ng lakas ng apog na i-chat siya nang gan’on?!

Ayaw na sana niyang reply-an ang lalaki at akma na niya itong iba-block nang bigla na naman itong magpadala ng mensahe.

Advertisement

“Alam kong galit ka, love. Galit ka lang pero mahal mo pa rin ako. Please, bawiin mo na ako. Gusto pa rin kitang makasama. Napikot lang ako ng isa sa mga katrabaho ko sa Singapore kaya ako nagpakasal sa kaniya! Pero ang totoo, ikaw pa rin ang mahal ko,” sabi nito sa ikalawa nitong mensahe.

Napangisi na lang si Macey. “Mukhang nakahanap ng katapat ang damuho!” nasabi niya sa likod ng kaniyang isipan. Ngayon niya mas napapatunayan na tunay ngang mahal niya pa ang binata, ngunit mas mahal niya ang kaniyang sarili. Dahil imbes na tanggapin niya itong muli ay hindi niya gagawin. Hindi ito ang karapat-dapat para sa kaniya. Alam ni Macey na may mas higit pang nakalaan para sa kaniyang sarili at hindi niya deserve maging querida!

Agad siyang nagtipa sa kaniyang keyboard. “Buti nga sa ’yo!” na nilapatan niya pa ng tumatawang emoticons na nauuso ngayon sa internet at ipinadala iyon sa binata bago niya ito tuluyang i-b-in-lock, hindi lang sa kaniyang social media accounts, kundi pati na rin sa kaniyang buhay.