Inday TrendingInday Trending
Dahil Ambisyosa ay Pinili ng Babae ang Kaniyang Boss Kaysa sa Kasintahan; Kamalasan Pala ang Hatid Nito sa Kaniya

Dahil Ambisyosa ay Pinili ng Babae ang Kaniyang Boss Kaysa sa Kasintahan; Kamalasan Pala ang Hatid Nito sa Kaniya

Si Alicia ay isang sekretarya sa pinapasukang kumpanya sa Ermita. Matagal na niyang pangarap na makatagpo ng lalaking mag-aahon sa kaniya sa kahirapan.

Bata pa lang siya ay gusto na niyang maging mayaman at makapangasawa ng lalaking ibibigay ang lahat ng luho at naisin niya. Sawa na kasi siya sa buhay ng kaniyang pamilya na isang kahig at isang tuka kaya kaya niyang gawin ang lahat matupad lang ang hinahangad niya. Ngunit biglang nakalimutan ni Alicia ang pangarap na iyon nang makilala niya si Billy, bagong empleyado sa pinagtatrabahuhan niyang opisina.

“May gagawin ka ba mamayang uwian? Maaari ba kitang yayain na kumain sa labas?” tanong ni Billy kay Alicia. Simple lang itong lalaki na lumaki rin sa hirap gaya niya. Nagtiyaga lang din itong makapagtapos ng pag-aral para makapagtrabaho para sa pamilya.

“Wala naman. Teka, nanliligaw ka ba, Billy?” balik na tanong ni Alicia.

“Hindi pa ba halata? Mula nang makilala kita’y hindi ka na maalis sa puso at isipan ko,” aniya at hinawakan ang mga kamay niya.

“Aaminin ko, Billy, pareho tayo ng nararamdaman. Nang una kitang makita ay may kakaiba na akong naramdaman sa iyo, isang matinding paghanga,” bunyag ng dalaga.

Mula nang ipagtapat nila ang espesyal na nararamdaman sa isa’t isa ay naging opisyal silang magkasintahan. Naging maayos naman ang takbo ng relasyon nilang dalawa ngunit nag-iba ang lahat nang dumating sa buhay nila si Frank.

Ang lalaki ang bagong boss nila sa opisina. Nagretiro na ang dati nilang boss at ang pumalit ay ang nag-iisa nitong anak. Mabait, matalino, mayaman at guwapo ang lalaki na kinahuhumalingan ng mga babae nilang ka-opisina. Napaka-galante rin nito kaya madaling napalapit dito ang loob ni Alicia.

“Nakakahiya naman sa iyo, Sir Frank. Ikaw na naman ang nanlibre sa amin,” wika ni Alicia sa kanilang boss.

“Wala ‘yon! Saka masarap naman kayong ilibre, eh, lalo ka na, Alicia, masaya kang kasama,” anito sa naglalambing na boses.

Napalunok si Alicia sa sinabi ng lalaki. Pakiramdam niya ay parang nagbibigay ito ng motibo.

Nang mga panahong iyon ay nag-propose na rin ng kasal si Billy sa kaniya ngunit bigla siyang nadismaya nang sabihin ng nobyo na simpleng kasal lang ang maibibigay nito. Sa isip niya ay hindi iyon ang gusto niyang kasal, ang gusto niya ay isang engrandeng kasal na kagaya ng mga napapanood niya sa mga teleserye at pelikula. Muling nabuhay sa pagkatao ni Alicia ang kaniyang pangarap, ang makapangasawa ng mayaman na mag-aahon sa kaniya sa hirap at hindi ang lalaking magbibigay lang sa kaniya ng pipitsuging kasal.

Mula noon ay nanlamig ang pakikitungo niya kay Billy at mas napalapit naman siya sa boss niyang si Frank. Kung dati, araw-araw siyang nagpapahatid at nagpapasundo kay Billy, ngayon ay ayaw na niya. Ang palagi na niyang kasa-kasama ay si Frank na araw-araw namang nagbibigay sa kaniya ng iba’t ibang regalo. Binibilhan din siya nito ng mga bagong sapatos, damit, gadgets at iba pa. Binibigyan siya ng lalaki ng mga materyal na bagay na siya naman niyang kahinaan.

Isang araw ay kinumpronta na siya ni Billy tungkol sa kanilang relasyon.

“Seryoso ka pa ba sa ating dalawa, Alicia? May pakialam ka pa ba sa relasyon natin? Tapatin mo nga ako, totoo bang nakikipagmabutihan ka kay Sir Frank?” sunud-sunod na tanong ng lalaki.

Nagulat si Alicia. Wala siyang kamalay-malay na may nalalaman na pala ito sa lihim na relasyon nila ni Frank.

“P-patawarin mo ako, p-pero napag-isip-isip ko na si Frank ang lalaking makapagbibigay sa akin ng mas maganda at maayos na buhay. Siya ang mas makapabibigay sa akin ng engrandeng kasal na matagal ko nang pinangarap. Ang totoo’y ang katulad ni Frank ang gusto kong maging asawa,” pagtatapat niya.

Hindi napigilan ni Billy na maiyak sa ginawang pag-amin ni Alicia. Nilakasan nito ang loob bago muling nagsalita.

“Minahal kita, Alicia. ‘Di ko akalain na magagawa mo ito sa akin. Porket hindi kita mabibigyan ng engrandeng kasal ay basta mo na lang akong iiwan at ipagpapalit sa iba, p-pero kung iyan ang desisyon mo ay irerespeto ko dahil mahal kita. Kung mas sasaya ka sa piling niya ay ako na ang magpapaubaya,” hayag ni Billy.

Nakunsensiya si Alicia sa ginawang pakikipagkalas sa kasintahan. Napagtanto niyang napakabuti ng puso ng lalaki.

Naging maayos ang paghihiwalay ng dalawa at nagpatuloy ang relasyon niya kay Frank hanggang yayain na siya nitong magpakasal.

“Ano, tinatanggap mo na ba akong maging asawa?” tanong ni Frank na inilahad sa harap niya ang isang mamahaling singsing.

“Oo, Frank, tinatanggap kong maging asawa mo,” sagot niya.

Natuloy ang kasal nina Alicia at Frank at nagsama silang mag-asawa sa iisang bubong ngunit isang araw ay nagulat na lang siya nang maabutan niya ito sa kanilang kwarto na may kasip*ng na lalaki!

“A-anong I-ibig sabihin nito, Frank?!”

Nagsalita ang lalaking kasama ng asawa niya sa kwarto.

“Siya ba ang asawa mo kuno, babe?”

Pawisan namang tumango si Frank.

“Dapat siguro ay malaman mo na ang katotohanan, girl. Ako si Darius at ako ang totoong asawa ni Frank. Hindi straight guy si Frank, isa siyang binab*e at kasal kami sa ibang bansa. Pinakasalan ka lang niya para may maipakita siya sa mga magulang niya na may asawa siyang babae at para makuha ang mana niya pero ang totoo ay peke ang kasal niyo. Hindi ka naman niya talaga mahal, ginamit ka lang niya para makuha ang mana niya. Kami ang totoong nagmamahalan. Ngayong nakuha na niya ang lahat ng mana niya ay nakahanda na siyang hiwalayan ka. Huwag kang mag-alala dahil bilang pampalubag loob ay may matatanggap ka namang limampung libong piso,” hayag ng totoong asawa ni Frank.

Napahagulgol na si Alicia sa mga nalaman niya.

“T-totoo ba ang lahat ng sinabi niya, Frank?”

“Oo, Alicia. Totoo lahat ang sinabi ni Darius. Siya talaga ang mahal ko at ginamit lang kita para makuha ang aking mana. Patawarin mo ako,” sambit ni Frank.

Halos madurog ang puso ni Alicia sa katotohanang sumambulat sa kaniya. Ilang linggo lang ay hiniwalayan na siya ni Frank at tuluyan na itong sumama kay Darius. Wala siyang nagawa para pigilan ang dalawa, wala siyang habol dahil peke naman ang kasal nila.

Ang akala niya ay iyon lang ang matutuklasan niya ngunit isang katotohanan pa ang sasalubong sa kaniya. Nang minsang nagpatingin siya sa doktor dahil may mga kakaiba siyang nararamdaman sa kanyang katawan ay ikinagulat niya ang sinabi nito.

“Sorry, miss, pero H*V positive ka,” wika ng doktor.

Parang gumuho ang mundo ni Alicia nang malamang nahawaan siya ng sakit. Napag-alaman niya na si Frank ang nakahawa sa kaniya. Hindi rin nito sinabi sa kaniya na may H*V ito.

Labis ang pagkasuklam niya sa dating asawa. Pagkatapos siyang lokohin ay binigyan pa siya ng sakit.

“Diyos ko, nagkamali ako sa pinili kong lalaki,” bulong niya sa sarili habang patuloy ang paghikbi.

Ngayon ay nagsisisi si Alicia kung bakit si Frank pa ang pinili niyang maging kabiyak. Nabalitaan din niya na ikinasal na rin sa ibang babae ang dati niyang nobyo na si Billy. Nalaman niya na masaya ang buhay may asawa ng lalaki at asensado na rin ito. Sobra siyang nanghihinayang kung bakit hindi ito ang pinili niya, masaya sana ang naging buhay at maganda ang naging kapalaran niya.

Ayan ang napapala ng mga wala sa lugar ang pagiging ambisyosa!

Advertisement