Sobra kung Pagmalupitan ng Lalaki ang Anak; Sa Bandang Huli ay Ito pa ang Makakasama Niya sa Kaniyang Pagtanda
Palaging pinagbubuhatan ng kamay ni Mang Gaspar ang anak na si Bobet.
“Aray, itay! Maawa po kayo sa akin, tama na po!” hagulgol ni Bobet habang galit na galit na pinapalo ng sinturon ng kaniyang ama.
“Wala ka nang ibinigay sa akin kundi sakit ng ulo, dapat lang sa iyo ‘yan! Ilang beses kong sasabihin sa iyo na ayokong lumalabas ka para maglaro?!” wika ng lalaki.
Mahilig kasing lumabas sa kalsada si Bobet at nakikipaglaro sa mga batang ka-edad niya ngunit iyon ang ayaw na ayaw ng ama. Ang gusto nito ay pirmeng sa bahay lamang siya.
Labis namang ipinagtataka ni Bobet kung bakit ganoon na lang ang trato sa kaniya ng sariling ama. Bakit ang iba niyang kapatid ay pinapayagang makapaglaro sa labas samantalang siya ay hindi. Sa kanilang magkakapatid ay siya lang ang nakararanas ng palo pero ang mga kapatid niya ay kailanma’y hindi pinagbuhatan ng kamay ng ama.
Isang araw, nahuli na naman siya ni Mang Gaspar na nakikipaglaro ng patintero sa tapat ng kanilang bahay. Agad siya nitong hinila papasok sa kanilang bahay at itinali sa haligi.
“Siguro naman ay magtatanda ka nang bata ka? Kapag umulit ka pa, isang linggo kitang itatali riyan at hindi rin kita bibigyan ng pagkain!” sabi ng ama.
Napaluha si Bobet nang makita niyang masayang nakapaglalaro sa labas ang kaniyang mga mas batang kapatid samantalang siya ay nakatali ng lubid ang mga kamay at buong katawan at hindi makagalaw.
Kahit hindi niya maintindihan ang sitwasyon ay wala siyang nagawa kundi ang sundin ang ama.
Nang sumunod na araw ay umuwing lasing na lasing si Mang Gaspar. Nagulat si Bobet dahil bigla siya nitong ginising sa mahimbing na pagkakatulog niya at walang awa siya nitong pinagpapalo ng walis tambo.
“Aray, aray, itay! Tama na po! Wala naman po akong ginawang masama. Maghapon din po akong hindi lumabas ng bahay, ano po ang kasalanan ko?” iyak niya.
“Buwiset ka kasi, eh, ikaw ang malas sa pamilyang ito!” sambit ng ama na ayaw pa ring tigilan ang pagpalo sa kaniya.
Tanging iyak at hikbi ang ginawa niya ng gabing iyon. Hinayaan na lang niyang tanggapin ang bawat palo at hagupit sa kaniya ng ama kahit wala siyang kasalanan dahil mahal niya ito.
Mabilis na umusad ang panahon, matanda na si Mang Gaspar. Hindi na ito makabangon sa higaan dahil mahina na ang pangangatawan. Ang tatlo niyang kapatid ay may sarili nang mga pamilya at matagal nang bumukod ng tirahan. Tanging si Bobet na lang ang naiwan na kasama niya.
“Itay, narito na po ako. May dala akong pagkain at gamot para sa inyo. Tara na po at sabay na tayong kumain!” bungad na bati ng binata.
Kakauwi lang ni Bobet galing sa trabaho. Mayroon na siyang magandang trabaho sa Pasig. Siya lang kasi ang nakapagtapos sa pag-aaral. Ang tatlo niyang kapatid ay nagsipag-asawa nang maaga kaya hindi nakapagtapos sa pag-aaral ang mga ito.
“Salamat, anak. Mabuti ka pa, hanggang ngayon ay narito pa samantalang hindi na ako binibisita ng mga kapatid mo,” sambit ni Mang Gaspar.
“Abala po siguro sila sa mga pamilya nila, itay. Hayaan niyo at dadalaw rin sila rito sa atin,” tugon ni Bobet.
“Bakit sa kabila ng ginawa ko sa iyo noon ay hindi mo ako iniiwan? Kahit naging malupit ako sa iyo ay napakabuti mo pa rin sa akin,” naiiyak na sabi ni Mang Gaspar.
“Itay, huwag ka na pong umiyak. Kalimutan na po natin ang nakaraan,” wika ni Bobet.
“Patawarin mo ako, Bobet. Siguro ay kailangan mo nang malaman ang katotohanan. Hindi kita tunay na anak. Anak ka ng iyong ina sa ibang lalaki kaya palagi kitang sinasaktan. Kamukhang-kamukha mo kasi ang tunay mong ama na dating nobyo ng iyong ina na nang naglaon ay iniwan din naman siya at ipinagpalit din sa iba. Mula nang pumanaw ang aking asawa at iyong inang si Leonora ay sa iyo ko na ibinunton ang lahat ng aking galit at sama ng loob. Ayaw na ayaw din kitang nakikitang lumalabas ng bahay dahil ayokong nakikita ka ng mga kapitbahay natin. Palagi kasi nila tayong pinagtsitsismisan na anak ka ng iyong yumaong ina sa iba at ako’y iniputan lang sa ulo. Patawad, anak, sa kabila ng lahat ay hindi mo pa rin ako tinalikuran at itinuring mo pa rin ako na iyong ama. Pinagsisisihan ko na ang aking mga nagawa,” hayag ni Mang Gaspar.
“Kaya po pala palagi niyo akong pinapalo kahit wala akong kasalanan. Kaya po pala iba ang pakikitungo niyo sa akin kumpara sa aking mga kapatid dahil hindi niyo pala ako tunay na anak, pero kahit ganoon po ang nangyari ay nagpapasalamat pa rin po ko sa iyo, itay, dahil kinupkop niyo pa rin ako, pinakain at pinag-aral. Ang akala ko’y hindi ko na maririnig sa mga labi niyo na tawagin akong anak. Salamat po at narinig ko na ang salitang iyon sa inyo. Kalimutan na po natin ang nakaraan. Kahit hindi niyo po ako tunay na anak ay mahal na mahal ko kayo bilang aking ama. Tama na nga po ang drama at kumain na po tayo!” sagot ni Bobet na walang pagsidlan ang kasiyahan.
Labis ang pasasalamat ni Mang Gaspar kay Bobet. Nakaranas man ito ng kalupitan sa kanya ay lumaki pa rin ito na isang mabuting tao. Kung sino pa ang inapi niya noon at hindi niya tunay na anak ay ito pa pala ang makakasama niya habang siya ay nabubuhay.