Biniro ng Babae ang Kaniyang Nobyo sa April Fool’s Day sa Pamamagitan ng Pagsasabing Nabuntis Siya Nito; Bakit Kaya Siya ang Nabigla sa Halip ang Nobyo?
Mahilig sa prank si Estelle kaya naman lagi niyang nabibiktima ang kaniyang nobyong si Fred, na mabuti na lamang ay malawak naman ang pang-unawa sa kaniya. Alam kasi niyang mahal na mahal siya nito kaya hindi ito magagalit sa kaniya.
“Lagi mo na lang akong pina-prank babe ah,” kunwari ay nagtatampong sabi ni Fred sa kaniyang nobya na si Estelle.
“Galit ka na niyan? Ikaw naman. Huwag ka naman agad magtampo. Alam mo namang hilig ko lang talaga ang mag-prank. Pagbigyan mo na ako,” sabi na lamang ni Estelle sa kaniyang nobyo.
Kaya naman kinagagalitan siya ng kaniyang bestfriend na si Nina sa tuwing nagkikita sila.
“Hoy ikaw ha, tigil-tigilan mo na ang pagpa-prank kay Fred. Grabe, ang galing-galing mo pa namang umarte minsan. Akala mo totoong-totoo,” saad ni Nina sa kaniyang kaibigan.
“Parang hindi naman siya sanay sa akin! Prank lang naman iyon. Saka iyan naman ang uso ngayon sa social media. Hindi naman siguro masama,” depensa naman ni Estelle sa kaniyang sarili.
“Hay naku Estelle, basta binalaan na kita ha? Tigil-tigilan mo na iyan. Ikaw rin. Baka makarma ka sa mga ganiyan mo,” payong-kaibigan naman ni Nina.
Hanggang sa dumating ang unang araw ng Abril. Nakaisip na naman siyang mag-prank sa kaniyang nobyo. Mukhang nagtatampo pa rin si Fred sa kaniya dahil hindi na sila nagkikita nitong mga nagdaang buwan. Kung nakikipagkita man siya rito, lagi itong nagdadahilan sa kaniya.
Naisipan ni Estelle na biruin ulit si Fred. Tutal, April Fool’s Day naman. Sasabihin niya rito na mukhang magiging ama na ito dahil napag-alaman niyang buntis siya. Hindi lamang ito basta prank dahil titingnan din niya kung ano ang magiging reaksyon ni Fred, at kung pananagutan ba siya nito kung sakaling totoo nga.
Maya-maya, tinawagan na nga niya si Estelle. Nagkunwari siyang seryoso at problemado upang mas pakabahin pa ito. Maya-maya, sumagot na si Fred.
“F-Fred, babe… can we talk?” paunang sabi ni Estelle sa kaniyang nobyo. Palihim siyang natatawa dahil kilala niya si Fred kapag kabado ito, at kahit hindi niya nakikita ang mukha nito, ramdam niya ang kaba nito sa kabilang linya.
“A-ano?” nauutal na tanong ni Fred kay Estelle.
“Babe, magiging ama ka na…” mahinahong sabi ni Estelle. Limang segundong katahimikan.
“A-alam mo na…” naiiyak na untag ni Fred. Si Estelle naman ang napakunot-noo.
“Na…?” walang kamalay-malay na tanong ni Estelle.
Bumuhos na ang emosyon ni Fred. Hindi na niya napigilan ang pagtulo ng kaniyang mga luha at pag-amin sa kasalanan niyang nagawa.
“Hindi ko sinasadya, Babe. Isang gabi lang iyon, malungkot kami ni Nina, ang bestfriend mo. Hindi ko sinasadya. Magiging ama na ako ng dinadala niya. Patawarin mo ako…”
Bahagyang natawa si Estelle. At mukhang siya pa ngayon ang pina-prank ni Fred! Sakyan kaya niya?
Bilang ganti, tumawa lamang nang tumawa si Estelle.
“Grabe Fred! Alam ko naman na April Fool’s Day ngayon at puwedeng-puwedeng mag-prank, pero huwag namang ganiyan na idadamay mo pa si Nina. Bestfriend ko ‘yon! Pero sige na nga, alam ko naman na it’s a prank eh.”
“Hindi ako nagbibiro, Estelle. Hindi ako nanti-trip. Totoo ang mga sinabi ko. Hindi ko sinasadya. Nabuntis ko si Nina…”
Tila binuhusan ng malamig na tubig, dinaganan ng langit si Estelle. Agad niyang ibinaba ang linya nila ni Fred at tinawagan si Nina. Naka-ilang pa-ring siya bago ito tuluyang sagutin.
“Estelle… napatawag ka?”
“Si Fred kasi mukhang gumaganti. Mukhang nagpa-prank sa akin. Alam mo ba ang sabi niya? Nabuntis ka raw niya. Nakakatawa ‘di ba?” pilit na tumawa si Estelle ngunit tila may kutob siyang nararamdaman lalo na sa katahimikan ng kausap niya sa kabilang linya. Hindi kumibo si Nina. Sa halip, narinig na lamang niya ang impit na pag-iyak nito.
“E-estelle, patawarin mo kami ni Fred. Hindi prank ‘yon. Totoo. Totoong may nangyari sa amin. Mga panahong nagsasabi siya ng sama ng loob niya sa akin tungkol sa iyo. Lasing kami ng mga sandaling iyon…” humihikbing paghingi ng paumanhin ni Nina sa kaniyang bestfriend.
At saka lamang nag-sink in kay Estelle ang lahat. Naalala niya ang sinabi at ginawa sa kaniya ni Nina na pinagsabihan siya nito dahil napipikon na raw si Fred sa kaniyang mga prank. Ibig sabihin ba, nag-uusap silang dalawa? Kailan pa? Nagkakilala lamang naman sina Fred at Nina dahil sa kaniya. Bakit kinakausap ni Fred si Nina? Kailan pa? Kailan pa?
Hindi siya makapaniwala na may lungkot na gatid sa kaniya ang April Fool’s Day. Literal. Pinagmukha siyang tanga ng kaniyang matalik na kaibigan at kasintahan.
Dalawang relasyon ang nasira. Relasyon nina Fred at Estelle bilang magkasintahan. Relasyon nina Nina at Estelle bilang matalik na magkaibigan. Pinanagutan ni Fred ang pinagbubuntis ni Nina habang si Estelle ay nagpakalayo-layo na lamang at nagpokus sa kaniyang career; pinilit na ibinabaon sa limot ang dalawang kataksilang naranasan sa iisang sitwasyon lamang.