Inday TrendingInday Trending
Kakaiba ang Among Ito; Naghahanap Siya ng Kasambahay na Mahusay Magluto ng Lugaw; May Mahanap Naman Kaya Siya?

Kakaiba ang Among Ito; Naghahanap Siya ng Kasambahay na Mahusay Magluto ng Lugaw; May Mahanap Naman Kaya Siya?

Masyadong pihikan sa paghahanap ng kasambahay si Nick, 28 taong gulang, certified bachelor. Bukod sa pagiging CEO ng isang kompanya, talaga namang pangarap siya ng sinumang mga babae dahil sa angking kaguwapuhan, kakisigan, at kahusayan sa trabaho.

Kaya lang, hindi nagtatagal ang mga kasambahay na nakukuha niya. Karaniwang dalawa o tatlong araw lamang, kahit masipag o mapagkakatiwalaan pa ito. Kagaya ngayon. Labis ang iyak ni Aling Lourdes, ang kapitbahay ni Mylene, 27 taong gulang, simpleng kusinera sa isang hotel, dahil dalawang araw pa lamang siya sa paninilbihan kay Nick, ay pinauwi na siya nito.

“May ginawa ho ba kayong pagkakamali?” tanong ni Mylene kay Aling Lourdes. Malapit sa kanila ito dahil kaibigan ito ng kaniyang inang si Aling Minda.

“Hindi, wala naman. Mabait naman si sir, kaya lang may hinahanap daw siya sa akin at sa mga nagiging kasambahay niya eh, na hindi raw niya nakita sa akin,” sagot ni Aling Lourdes.

“Hinahanap na hindi nakita? Ano po?” tanong ni Mylene kay Aling Lourdes.

“Pinagluto niya ako ng lugaw. Matapos niyang tikman ang niluto ko, hayun, pinauwi na niya ako.”

Muntik nang matawa si Mylene sa dahilan ng pagkakatanggal sa trabaho ni Aling Lourdes. Para sa kaniya, napakababaw nito. Tatanggalin mo ang isang masipag na kasambahay dahil lamang sa lugaw?

“Hindi po ba siya nasarapan sa lugaw na niluto ninyo?” pinipigilan ni Mylene ang kaniyang sarili na matawa. Baka kasi masaling ang damdamin ni Aling Lourdes sa kaniya; nawalan na nga ng trabaho.

“Weirdo nga eh. Hindi ko alam sa kaniya. Eh Mylene, kung ikaw kaya ang mamasukan sa kaniya? Tutal naman sarado ang hotel na pinapasukan mo dahil sa pandemya?

Oo nga ‘no?

Isa pa, gusto rin niyang matuklasan kung bakit tinatanggal ng naging amo ni Aling Lourdes ang mga nagiging kasambahay nito, matapos matikman ang lugaw na ipinapaluto nito.

Kaya naman, nag-aplay si Mylene bilang kasambahay. Mabuti na lamang at wala pa itong nakukuha. Napasinghap si Mylene nang makita niya kung gaano kaguwapo at kakisig si Nick. Subalit napakaseryoso nito. Parang napakasungit.

“7,000 piso ang bayad kada buwan, puwede ka bumale, bukod pa sa libreng pagkain, at mga benepisyo kagaya ng SSS at PhilHealth. May isang araw na day off. Maaari mong galawin ang lahat dito sa bahay maliban sa kuwarto ko. Isa pa kailangang mahusay magluto,” paliwanag ni Nick.

“Areglado, sir. Kusinera po talaga ako sa isang hotel. Nawalan po ng trabaho dahil nagsara ang hotel na pinagtatrabahuhan ko, dahil sa pandemya. Pero asahan po ninyo sir na sanay na sanay po ako sa mga gawaing-bahay,” paliwanag naman ni Mylene.

“Mainam kung gayon. Mula Lunes hanggang Biyernes, wala ako sa bahay dahil may trabaho ako. Minsan, work from home, depende. Bilang panghuling requirement ko sa iyo, puwede mo ba akong paglutuan ng lugaw na may goto? Wala kang poproblemahin sa mga rekados. Buksan mo lamang ang refrigerator,” unang utos ni Nick kay Mylene.

Tumalima naman si Mylene. Inihanda na niya ang request na lugaw ng amo. Nagtataka talaga siya; na tila requirement ito upang matanggap siya bilang kasambahay. Aroma pa lamang ng kaniyang niluluto, talaga namang kagutom-gutom na. Tinuruan siya ng kaniyang yumaong ama kung paano magluto ng masasarap na putahe, kaya naman naging kusinera siya.

Inihain na ni Mylene ang isang mangkok ng lugaw na goto. Umaaso pa sa init. Nilagyan niya ito ng ginadgad na chicharon at tinadtad na pritong bawang.

“Mukhang masarap sa hitsura pa lang. Tingnan natin ang lasa,” saad ni Nick.

Kinuha nito ang isang calamansi at piniga sa lugaw. Kinuha ang kutsara. Hinalo-halo ang lugaw. Dumakot nang kaunti, inamoy-amoy at napasulyap kay Mylene. Pagkaraan, isinubo. Nilasap-lasap. Napatingin ulit kay Mylene. Kinakabahan naman ang dating kusinera na ngayon ay nag-aaplay bilang kasambahay.

Niligis ni Nick ang itlog. Kinain ito. Tumango-tango. Ilan pang salok ng lugaw at kinain.

“M-Masarap… tanggap ka na!”

Tuwang-tuwa naman si Mylene. Sa wakas, may trabaho na siya! Araw-araw at gabi-gabi, iisa lamang ang request ni Nick: ang paglutuan siya ng lugaw ni Mylene. Sarap na sarap siya talaga rito, masarap naman talaga kasing magluto si Mylene.

Hindi lamang lugaw ang nagustuhang luto ni Nick, kundi maging ang iba pang mga ulam gaya ng adobo, tinola, menudo, mechado, puchero, kare-kare, at marami pang iba.

Sabi nga, ‘To win a man’s heart is through his stomach.” Iyan ang nangyari kay Nick. Nahulog ang kaniyang kalooban kay Mylene, at ganoon din naman si Mylene kay Nick. Crush na niya ang amo, una pa lamang niya itong nakita. Mula sa pagiging mag-amo, sila ay naging magkasintahan.

“Kaya mo ba ako pinakasalan dahil mahusay ako magluto?” tanong ni Mylene sa mister matapos ang kanilang simpleng kasal. Bawal pa kasi ang mga salo-salo.

“Medyo,” matipid na pabirong sagot ni Nick sa misis. Lumabi naman si Mylene. “Pero isa lang iyan sa mga dahilan. Mahal na mahal kita.”

“Bakit nga pala lugaw ang pinapaluto mo sa mga nagiging kasambahay mo, at kapag hindi nakapasa sa iyo ang lasa, tinatanggal mo?” naalalang itanong ni Mylene sa mister.

Napangiti naman si Nick.

“Noong bata ako, madalas akong lutuan ng aking Mama ng lugaw. Sakitin kasi ako noon. Tandang-tanda ko, iyon ang pinakamasarap na lugaw na natikman ko. Kaya lang, maaga siyang kinuha ng Diyos. Hinanap-hanap ko ang lasa ng lugaw na iyon. At natagpuan ko sa luto mo. Naalala ko si Mama sa tuwing natitikman ko ang lugaw na luto mo,” paliwanag ni Nick.

Niyakap ni Mylene ang kaniyang mister. May malalim na kuwento pala kung bakit naghahanap ito ng isang kasambahay na mahusay magluto ng lugaw, yaman din lamang na mag-isa ito sa buhay. Ipinangako ni Mylene sa kaniyang sarili na araw-araw niyang paglulutuan ng lugaw ang dating amo, na ngayon ay kabiyak na niya.

Advertisement