Inday TrendingInday Trending
Binigyan ng Ama ng Magkaparehong Kwintas ang Magkapatid; Mapapatunayan Nito Kung Ano ang Napapala ng Pagiging Inggitera

Binigyan ng Ama ng Magkaparehong Kwintas ang Magkapatid; Mapapatunayan Nito Kung Ano ang Napapala ng Pagiging Inggitera

“Ang galing talaga ng Ate Cecilia mo, Cindy, ‘no? Mantakin mong siya ang kauna-unahang estudyanteng nakapagtapos ng may pinakamataas na karangalan sa kurso niya. Sigurado akong ipinagmamalaki ng mga magulang mo ‘yang ate mo!” sambit kay Cindy ng kaibigang si Liza habang pareho nilang pinagmamasdan ang galak ng mga magulang kay Cecilia sa graduation party nito.

“O, bakit nakasimangot ka at parang hindi ka naman masaya para sa ate mo? Naiinis ka ba dahil siya na naman ang bida ngayon?” dagdag pang tanong ni Liza

“Sinong hindi maiinis, tingnan mo nga at hindi man lamang nila maisip na mayroon pa silang isang anak! Hinayaan na lang nilang sila lang ang nagkakasiyahan sa harap ko. Sigurado akong pagtapos ng party na ito ay wala na namang gagawin ang mga magulang ko kung hindi ihambing ako d’yan kay Ate. Kailangan ay mapantayan ko man lang siya kung hindi ko man kayang talunin ang kaniyang narating,” pahayag naman ni Cindy.

“Alam mo, Cindy, hindi ka dapat nag-iisip ng ganyan sa kapatid mo. Dapat nga maging masaya ka dahil kung ano man ang narating niya sa buhay ay karangalan din ng pamilya n’yo. Saka ano pa ba ang kinaiinggit mo sa ate mo? Hindi ba mas bongga nga ang ika-labing walong kaarawan mo? Simple nga lang na salu-salo noong nag debut s’yang si Cecilia,” wika pa ng kaibigan.

“A, basta! Kung totoo ang sinasabi mong mas mahal ako ng mga magulang ko ay bakit nararamdaman kong si Ate Cecilia lang ang gusto nilang anak?” sambit pa ni Cindy.

Noon pa man ay malaki na talaga ang inggit nitong si Cindy sa kaniyang Ate Cecilia. Pakiramdam kasi niya ay lagi siya nitong nauungusan sa lahat ng bagay. Ngunit kung susumahin nga ay mas nakukuha pa niya ang kaniyang gusto kaysa sa nakakatandang kapatid.

Isang hiling at paglalambing lang niya sa kaniyang mga magulang ay agad na ibinibigay ng mga ito sa kaniya. Ngunit kung anuman ang mayroon kay Cecilia ay labis niyang kinaiinggitan.

Nang makita ng amang si Henry ang bunsong si Cindy na hindi nakikihalubilo sa kanila ay agad niya itong pinuntahan upang yayain.

“Halika at samahan mo kami na asikasuhin ang mga bisita. Ipapakilala ka rin ng ate mo sa mga propesor at mga kaibigan niya,” wika ni Henry sa anak.

“Dito na lang po ako, ‘pa. Kayo na lang po muna. May pinag-uusapan po kasi kami ni Liza tungkol sa mga gagawin naming proyekto sa pasukan. Susunod na lang po ako sa inyo,” magalang na tugon naman ng dalaga.

Hindi na pinilit pa ni Henry ang anak at bumalik na ito sa piling nina Cecilia at asawang si Janet.

Lalong nainis itong si Cindy. Halata sa kaniyang mukha ang pagkadismaya dahil hinayaan lamang siya ng ama.

Nang mga sumunod na araw ay sunud-sunod ang mga natanggap na tawag ni Cecilia sa ma kompanya upang anyayahan na doon siya magtrabaho.

“Tingnan mo nga naman, kapag talaga mataas ang pinag-aralan mo ay ang trabaho na ang lalapit sa’yo. Ang maganda pa doon ay hindi lang basta-bastang trabaho. Galing ito sa mga tanyag at nirerespetong kompanya. Ipinagmamalaki kita, anak,” saad ni Henry kay Cecilia.

“May napili ka ba kung saan ka magtatrabaho?” tanong pa ng ama.

“Pinag-iisipan ko pa po. Nais ko po kasi na maging magandang karanasan para sa akin ang magiging una kong trabaho,” tugon pa ng dalaga.

“Madali lang naman ‘yan kung tutuusin. Piliin mo lang ang may pinakamataas sa sahod,” sambit naman ni Cindy.

“Hindi lang naman ang kikitaing pera ang magiging basehan ng lahat. Dapat ay masaya ka rin sa ginagawa mo nang sa gayon ay mas maging kapakipakinabang ka sa kompanya,” wika pa ni Cecilia.

“Tama ang ate mo, Cindy. Kaya ikaw huwag kang padalos-dalos ng mga desisyon sa buhay. Maaari kang kumunsulta sa amin ng mommy mo o hindi kaya ay dito sa ate mo,” wika pa ng ama.

Tila napahiya na naman si Cindy sa sinabi ng kaniyang ama. Lalo tuloy nadagdagan ang inis niya sa kaniyang ate.

Sa kabilang banda naman ay napapansin na ni Henry ang ugaling ito ng bunsong anak. Nakikita niya kung paano tratuhin ni Cindy ang kaniyang Ate Cecilia. Ramdam na ramdam niya sa dalaga ang inggit sa nakatatandang kapatid.

Kinausap ni Henry ang anak tungkol dito.

“Hindi naman ako naiinggit kay ate, pa. Ayaw ko lang talaga na pinapamukha sa akin na parang mas magaling siya. Saka hindi naman ako magkakaganito kung hindi n’yo siya laging pinupuri sa harap ko. Laging siya na lang ang magaling sa paningin n’yo. Lagi niyang nakukuha ang lahat ng gusto niya!” wika pa ni Henry.

Alam ng ama na lahat ng sasabihin niya sa pagkakataon na iyon ay hindi tatanggapin ni Cindy. Kaya upang maliwanagan ang isipan ng dalaga ay may naisip siyang paraan.

Pinatawag niya ang dalawang anak na pumunta ng sala dahil may nais siyang ibigay sa mga ito.

Inuna ni Henry na bigyan ng isang maliit na kahon itong si Cindy at sumunod naman ay si Cecilia.

“Regalo ko ang mga iyan sa inyo. Sabay n’yong buksan,” wika ni Henry sa mga anak.

Pagbukas pa lang ni Cecilia ay nanlaki na ang mga mata nito nang makita ang isang simpleng kwintas. Abot tenga ang ngiti ng dalaga at napayakap pa sa ama dahil sa lubusang pasasalamat.

“Salamat po, papa. Napakagandang kwintas nito. Hayaan n’yo po, hindi ko huhubarin ito kahit kailan,” saad ni Cecila kay Henry.

Nang makita naman ni Cindy ang kwintas na para sa kaniya ay nagpasalamat lamang siya sa ama. At hindi maiwasan ng dalaga na tingnan ang kwintas ng kaniyang ate. Para sa kaniya ay mas maganda ito.

Sa labis na tuwa ni Cecilia ay pumunta ito sa kaniyang ina upang ipakita ang regalo ng ama.

Naiwan naman si Cindy sa tabi ni Henry.

“Bakit, Cindy? Hindi mo ba nagustuhan ang kwintas na regalo ko sa’yo?” pagtataka ng ama.

“Parang mas maganda po kasi ‘yung kay ate kaysa sa akin. Parang mas bagay sa akin ang kwintas na nasa kaniya,” saad naman ng dalaga.

Napailing na lamang si Henry.

“Sa totoo lamang ay parehas lang ang disenyo ng kwintas na ibinigay ko sa inyong dalawa. At kung hindi ka nakatuon sa regalo ng iba ay mapapansin mong mas espesyal ang sa’yo. Tunay na ginto ang kwintas na iyan at peke lamang ang ibinigay ko sa ate mo. Pero hindi ko inaasahan ang kaibahan ng reaksyon n’yong dalawa,” wika pa ni Henry.

“Napakasaya ng ate mo kahit hindi niya alam kung tunay o peke ba ang kwintas. Samantalang ikaw at naiinggit pa sa kung ano ang mayroon ang ate mo. Sa loob ng mahabang panahon ay mas ikaw ang nabibigyan namin ng mommy mo. Isang hiling mo lang ay bigay kami agad. Samantalang ang ate mo ay nais niyang pinaghirapan ang mga bagay. Ngunit hindi mo ‘yun napapansin dahil nakatuon ka sa biyaya ng iba. Ngayon sana ay mapagtanto mo kung bakit karapat-dapat ang ate mo sa mga bagay na mayroon siya. At sana rin simulan mo nang baguhin ang sarili mo. Kapatid mo ang Ate Cecilia mo. Iisa lamang ang dugong nananalaytay sa inyo. Huwag mong hayaang sirain ng inggit at inis ang ugnayan ninyong dalawa,” muling pahayag ng ama.

Labis na nahiya si Cindy sa kaniyang inasal. Dahil sa ginawang iyon ni Henry ay napagtanto ng dalaga ang pagkakaiba ng kanilang ugali ng kaniyang ate. Napagtanto rin niyang nasa kaniya ang mali at wala sa ibang tao.

Mula nang araw na iyon ay ginawang simbolo ni Cindy ang kwintas bilang paalala na dapat siyang magpasalamat sa lahat ng biyayang kaniyang natatanggap, maliit man o malaki, at dapat ay hindi niya bigyan ng puwang sa kaniyang puso ang inggit at inis sa ibang tao.

Advertisement