Inday TrendingInday Trending
Nagtiis ang Isang OFW sa Pagmamalupit ng Amo para sa mga Anak; Magandang Buhay Pala ang Naghihintay Para sa Kaniya

Nagtiis ang Isang OFW sa Pagmamalupit ng Amo para sa mga Anak; Magandang Buhay Pala ang Naghihintay Para sa Kaniya

“Diana, buti naman at sumagot ka na. Ilang araw na kitang sinusubukang tawagan pero naka-off ang selpon mo. Ano bang nangyari sa’yo?” pag-aalala ni Teresa sa kaniyang nakababatang kapatid.

“Ayos lang naman ako, ate. Kinuha ng amo ko ang selpon ko. Mabuti na lang at natanggal ko ang sim bago niya ito gawin. Nakihiram muna ako sa kaibigan ko. Kasambahay din sa kapitbahay. Kailangan ko na ring magmadali kasi baka mamaya ay makatunog ang amo ko at kung ano na naman ang gawin sa akin,” natatakot na wika ni Diana.

“A-anong ibig mong sabihin? Sinasaktan ka ba ng amo mo, Diana? Umamin ka nga sa akin! Kung sinasaktan ka ay umuwi ka na lang dito sa Pilipinas bago ka pa tuluyang gawan niyan ng masama! Maghanap ka na lang ng ibang trabaho rito,” pagkumbinsi ni Teresa sa kapatid.

“Alam mo namang hindi maaari, ate. Kailangan ako ng mga anak ko. Isa pa, kailangan din ako ng asawa ko. Ayaw kong isipin niya na porket may sakit na siya ay pabigat siya sa akin. Kapag narito ako sa ibang bansa ay mas malaki ang kikitain ko,” wika muli ng kapatid.

“O siya, ate, ibababa ko na itong telepono dahil baka biglang dumating ang amo ko. Baka mamaya rin ay may makakita sa akin na gumagamit ng selpon at isumbong ako. Ikaw na muna ang bahala sa mga anak ko at sa asawa ko, ate. Darating din ang panahon na makakabawi ako sa’yo,” dagdag pa ni Diana.

Napilitang mangibang bansa upang magtrabaho itong si Diana simula nang maaksidente ang minamanehong trak ng kaniyang asawa. Dahil sa tindi ng pagkakabangga ay nabaldado ito at hindi na nakapagtrabaho pa. Naiwan naman ni Diana ang kaniyang tatlong anak. Ang kapatid naman niyang si Teresa ang nakakatulong sa pag-aasikaso sa mga ito.

Labis ang pangamaba ni Teresa nang malaman niya kung ano ang tunay na kalagayan ng kaniyang kapatid. Pilit man niya itong pauwiin ay batid niyang mas pipiliin na lamang ni Diana ang magtiis imbis na bumalik sa bansa at wala siyang mahanap na trabaho.

Panalangin na lamang ni Teresa sa sana’y isang araw ay bumuti ang pangyayari sa buhay ng kaniyang kapatid.

Pagkatapos ng tawag na iyon ay mabilis na tinanggal ni Teresa ang kaniyang sim card sa selpon ng kaibigan.

“Maraming salamat sa’yo, Marites. Babalik na ako sa bahay baka mamaya ay dumating ang amo ko,” nagmamadaling sambit ni Diana.

“Diana, nais sana kitang makausap kung maaari. Narinig ko kasi ang amo ko at ang amo mo na nag-uusap noong isang araw. Ngayon lang ako nakatyempo na kausapin ka kahit sandali lang sana,” wika pa ni Marites.

“Tungkol saan ba ang bagay na iyon?” pagtataka naman ni Diana,

Ngunit hindi pa man nakakasagot itong si Marites ay bigla na lamang dumating ang isa pa nilang kaibigan.

“Diana, pumasok ka na sa bahay at malapit na ang amo mo! Baka mamaya ay kung ano na naman ang gawin sa’yo!” sambit ng kaibigan.

Nagmamadaling bumalik ng bahay itong si Diana at agad na nagpatuloy sa kaniyang paglilinis.

Nang buksan ng amo ang pinto ay agad niyang binato ng sapatos ang ginang. Hindi lamang iyon ang sinapit ni Diana, hinablot ng amo ang kaniyang buhok at saka siya inuntog sa pader. Nalaman pala kasi nito ang paglabas na ginawa ni Diana mula sa isang kaptibahay.

Simula noon ay ikinulong na siya ng amo. Kinakandado siya sa loob na walang kahit anong pagkain. Kung aalis ang kaniyang amo ng dalawang araw ay doon pa lamang siya makakakain.

Nais man ni Diana na umuwi ay wala na siyang magagawa ngayon.

Hanggang sa isang araw, pagdating ng amo ay may kasama pa itong isa rin banyagang babae. Habang natutulog sa sahig itong si Diana ay sinipa siya ng amo upang magising.

“This is your new master. I sold you to her already! Get up there and get your things!” galit na sambit ng amo.

Labis ang takot na nararamdaman ni Diana. Hindi siya makapaniwala na tila isa siyang hayop na basta na lang ibinenta ng kaniyang amo sa iba. Nanginginig si Diana habang binabalot niya ang kaniyang mga damit. Para sa kaniya ay malaki ang posibilidad na saktan at pagmalupitan din siya ng bago niyang amo.

Habang nasa sasakyan si Diana ay hindi niya maiwasan ang maluha habang iniisip niya ang kaniyang mga anak. Naaawa siya sa mga ito dahil maliliit pa lamang ay baka mawalan na ng ina kung sakaling may mangyari sa kaniyang masama.

Huminto ang sasakyan sa isang malaking bahay. Marami nang pumasok sa isip ni Diana na hindi magagandang maaaring mangyari sa kaniya. Pero hindi siya susuko sa ngalan ng pagbibigay niya ng magandang kinabukasan para sa kaniyang mga anak.

Nanginginig pa rin ang buong katawan ni Diana sa takot habang binabagtas ang daan patungo sa loob ng mansyon. Hanggang sa hindi na siya nakatiis pa ay kinausap na lamang niya ang banyagang bumili sa kaniya.

“Please do not hurt me. I have kids. My husband is sick,” pilit na nakikiusap si Diana.

Marahan siyang nilapitan ng banyang babae at saka ito tumugon.

“I am not your boss. Our boss is inside this mansion. Come, so you could know her,” sambit pa ng babae.

Pagpasok niya sa mansyon ay hindi siya makapaniwala nang ang isang maganda at mayamang babae sa kaniyang harapan ay biglang nagsalita ng Filipino.

“Ako si Ayesha. Isa rin akong Pilipino kagaya mo. Ang ama ko man ay isang lokal dito, ang nanay ko naman ay purong Pilipino. Tulad mo ay dati din siyang kasambahay,” bungad ng bagong amo.

“Kaibigan ng aking ina ang isa sa mga kapitbahay n’yo. Nang malaman ng kapitbahay mo na pinagmaltratuh@n ka ng amo mo ay agad niya itong sinabi sa amin. Nagpanggap siya at kinumbinsi niya ang amo mo na ibenta ka sa amin nang sa gayon ay makalaya ka sa kaniya. Matagal na namin itong ginagawa ng mga mga magulang ko. Tumutulong kami sa mga kasambahay na minamaltr@to ng kanilang amo. Maaari kang mamili kung nais mo nang umuwi sa Pilipinas o manatili dito upang magtrabaho dito sa aming mansyon. Ano man ang iyong piliin ay maluwag kong tutuparin,” wika pa ni Ayesha.

Napaiyak na lamang si Diana. Hindi pa rin kasi siya makapaniwala sa lahat ng pangyayaring ito. Ang lahat ng kaniyang takot ay biglang napalitan ng lakas ng loob. Muli ay nasa isip niya ang kaniyang mga anak.

“Buong akala ko ay mawawalan na ng ina ang mga anak ko. Marami pong salamat sa tulong na ito. Kung maaari po ay mananatili po ako upang makabayad din sa ginawa n’yo para sa akin. Sa wakas ay tuluyan na akong nakalaya sa amo ko!” walang patid sa pagluha itong si Diana.

“Wala kang dapat bayaran sa amin, Diana. Sa totoo lang ay nahihiya kami dahil sa nangyaring ito sa iyo dito sa aming bansa. Nawa’y ang pananatili mo dito sa aming mansyon ang makapagpabago nito. Dito ay hindi ka sasaktan at magiging malaya kang kausapin ang mga mahal mo sa buhay. Pasusuwelduhin ka rin namin ng tama at magkakaroon ka rin ng bakasyon sa Pilipinas nang sa gayon ay makasama mo rin ang iyong pamilya,” sambit pa ng amo.

Hindi na alam ni Diana ang kung paano pa siya magpapasalamat sa bagong among si Ayesha.

Masayang ibinalita ni Diana kaagad sa kaniyang kapatid, anak, at asawa ang nangyari sa kaniya. Mula noon ay hindi na nakaranas pa ng kahit anong pagmamaltr@to o pang-aapi itong si Diana.

Dahil din sa kaniyang kabutihan, sipag, at dedikasyon sa trabaho ay nagpatuloy ang kaniyang pamamasukan sa mayamang pamilyang ito. Napaayos na niya ang kanilang bahay at hindi na niya problema pa ang pag-aaral ng kaniyang mga anak. Maging ang kaniyang asawa ay bumubuti na rin ang kalagayan dahil sa natutugunan na ang pangangailangang medikal nito. Maging ang kaniyang Ate Teresa ay naabutan na rin ni Diana ng tulong.

Hindi nawalan ng pag-asa itong si Diana. Hindi man niya tuluyang makakasama sa ngayon ang kaniyang mga anak at asawa ay batid niyang sa piling ng bagong amo ay mayroong magandang kinabukasan para sa kaniya at sa kaniyang pamilya.

Advertisement