Itinakwil ng Isang Ina ang Bunsong Anak; Kalauna’y Ito rin Pala ang Mag-Aalaga sa Kaniya
“Ang kapal talaga ng mukha mo, Mariz! Paano mong nagawa sa pamilya natin ang ganitong bagay? Puro kahihiyan na lang ang dala mo. Ano ngayon ang ihaharap mong mukha sa mga tao? Hindi mo alam baka mamaya ay pamilyado na ‘yang lalaking ‘yan! Ang malala pa ay nagpabuntis ka pa nang hindi man lamang ikinakasal! Anong klaseng babae ka?!” galit na galit na sambit ni Josie sa dalaga nang malaman nitong buntis ang bunsong anak.
“Ma, pasenisya na talaga kayo. Hindi ko naman alam na mangyayari ito. Pero nasa tamang edad naman na ako. Nakatapos naman ako ng pag-aaral at may trabaho na. Saka binata naman si Edgar. Sa katunayan nga ay pakakasalan daw niya ako,” umiiyak na tugon naman ni Mariz.
“Anong klaseng katwiran ‘yan, Mariz? Kung alam ko lang na kahihiyan ang dadalhin mo sa akin ay pinalaglag na lang dapat kita. Bakit hindi ka tumulad sa dalawang kapatid mo?! Maayos ang buhay nila! Pinag-aral kita sa magandang eskwelahan para lang pala sa wala! Lumayas ka nga sa harapan ko ngayon dahil ayaw kitang makita! Walang hiya kang malandi ka!” walang prenong bulyaw pa ng ina.
Labis na nasaktan si Mariz sa sinabi ng kaniyang ina. Hindi dahil sa panunumbat na kaniyang narinig kung hindi dahil sa tuwing siya ang may gagawing mali ay halos ipagduldulan ng kaniyang ina na sana ay hindi na lang siya binuhay nito. Alam niyang malaki ang kinalaman dito ng pagiging anak niya sa labas.
Iba kasi ang tatay nitong si Mariz. Nang naging balo kasi si Josie ay muli siyang nag-asawa sa pag-aakalang nakatagpo siya ng isa pang lalaking magmamahal sa kaniya nang wagas tulad ng kaniyang yumaong asawa. Ngunit malaki itong pagkakamali dahil pinagpalit lamang siya nito sa iba na mas bata.
Naiwan sa kaniya ang anak na si Mariz na noon ay ipinagbubuntis pa lamang niya. Bata pa lamang ang magkakapatid ay iba na talaga ang trato ng ginang kay Mariz. Sa tingin ng dalaga ay dahil naaalala ng kaniyang ina ang pasakit at panlolokong ginawa ng kaniyang ama sa tuwing siya ay makikita nito. Walang magaling para kay Josie kung hindi ang dalawang anak niya sa una.
Lalo pa ngayon na nabuntis nga itong si Mariz ng kaniyang nobyo.
Simula nang araw na nalaman ni Josie na nabuntis si Mariz ay ipinaramdam niya ritong hindi na ito kasapi pa ng pamilya. Sa tuwing papasok sa trabaho ang mga anak ay bukod tanging si Mariz ang hindi niya ipinaghahanda ng pagkain. Kahit na alam ni Josie na maselan ang pagbubuntis nito.
Dahilan upang lalong naging mahirap para kay Mariz ang kaniyang pagdadalantao.
Isang gabi, kakauwi pa lamang ni Mariz ay natanaw niya mula sa labas ng kanilang bahay kung gaano kasaya ang kaniyang ina na pinagsisilbihan ang dalawa niyang nakatatandang kapatid. Puno sila ng ligaya habang sabay-sabay na naghahapunan.
Pagpasok ni Mariz sa bahay ay tinangka niyang makisabay sa kaniyang ina at mga kapatid sa pagkain ngunit imbis na ipaghain ni Josie ang kaniyang anak ay ipinagtabuyan pa niya ito.
“Hindi ba may sarili ka nang pera? Bakit dito ka pa rin kakain? Kumain ka sa labas kung gusto mo dahil para sa amin lamang itong niluto ko!” pagtataray ng ina.
Nauunawaan ni Mariz na hindi pa rin siya napapatawad ng kaniyang ina sa pagkakamali niya ngunit hindi niya maiwasan na sumama ang loob.
Lumabas siya ng bahay habang bumubuhos ang kaniyang mga luha. Tinawagan niya ang kasintahan si Edgar para siya ay sunduin.
“Hindi ko na kaya pang manatili dito sa amin, Edgar. Baka makasama pa ito sa dinadala ko,” umiiyak na sambit ni Mariz sa nobyo.
“Dito ka na lang sa amin, Mariz. Ako na ang bahala sa inyo ng magiging anak natin. Ihanda mo na ang mga gamit mo at susunduin kita,” sambit pa ni Edgar.
Hindi pinigilan ni Josie ang pag-alis na ito ng kaniyang anak. Nakakuha pa nga ng masasakit na salita ang magkasintahan bago sila tuluyang umalis.
Mula noon ay nanuluyan muna si Mariz sa bahay nila Edgar. Doon ay labis siyang inalagaan ng mga magulang ng nobyo. Naiyak na lamang siya sapagkat kahit kailan ay hindi pa niya naranasan ang ganitong pag-aasikaso mula sa kaniyang ina.
Dumating ang araw ng kasal nina Edgar at Mariz. Hindi man lamang nagpunta si Josie at dalawang kapatid ni Mariz. Naging laman naman ng usapan ang hindi pagsipot ng kampo ng dalaga.
Lumipas ang mga taon at tila tuluyan nang kinalimutan ni Josie si Mariz bilang kaniyang anak. Kahit na ilang beses humingi ng patawad si Mariz ay hindi man lamang siya magawang harapin ng ina.
Inggit na inggit si Mariz nang makita ang mga larawan sa kasal ng dalawa niyang kapatid at kung gaano ipinagmamalaki ni Josie ang mga ito.
Nalungkot pa siya nang marinig niyang dalawa lamang daw ang anak ng kaniyang ina.
Sa puntong iyon, masakit man ay tinanggap na lang ni Mariz na hindi na siya kinikilala ng kaniyang sariling ina. Tinigilan na rin niya ang pagpilit na makausap o makaharap man lamang ang ina. Wala siyang ginawa kung hindi ituon na lamang ang sarili sa kaniyang mga anak at sa negosyo nila ng kaniyang asawa.
Hanggang sa tuluyang nagtagumpay sa buhay itong si Mariz at si Edgar.
Isang araw ay nakatanggap ng tawag si Mariz mula sa isang kamag-anak.
“Mag-isa na lang ang nanay mo sa bahay. Iniwan na siya ng mga kapatid mo at hindi na magawang madalaw pa. Ang sabi ay laging abala. Saka nakaaway rin ng mama mo kasi ang asawa ng kuya mo kaya hindi man lamang siya makapunta do’n. Tapos yung ate mo naman ay hindi rin siya magawang maipagtanggol sa asawa. Naaawa ako sa mama mo dahil matanda na at madalas nang magkasakit pero walang tumitingin sa kaniya,” saad ng tiyahin ni Mariz.
Hindi pa man tapos na magsalita ang kaniyang tiyahin ay agad na umalis ng bahay itong si Mariz.
“Saan ka pupunta at nagmamadali ka?” tanong ni Edgar sa asawa.
“Pupuntahan ko ang mama ko. May sakit daw at mag-isa lang sa bahay,” tugon naman ng ginang.
“Ipagpipilitan mo na naman ba ang sarili mo sa mama mo? Baka mamaya ay masaktan ka na naman dahil hindi ikaw ang nais niyang makita. Baka ipagtabuyan ka na naman niya. Hindi ko na maaatim na saktan pa niya ang kalooban mo, mahal. Pabayaan mo na lang ang dalawa mong kapatid na umasikaso sa mama mo dahil sila naman din ang nakinabang sa kaniya noong malakas pa siya,” pahayag ni Edgar.
Ngunit hindi nagdalawang-isip si Mariz na magtungo sa ina upang tingnan ang kalagayan nito. Pagbukas pa lang ng pinto ng luma nilang bahay ay muling nagbalik sa alaala ni Mariz ang lahat ng masasakit na ginawa sa kaniya ng kaniyang ina.
Ngunit ang lahat ng ito ay naglaho nang makita niya ang matandang ina na may sakit.
“A-anong ginagawa mo rito?” nauutal na sambit ni Josie sa anak.
“Ma, alam kong ayaw nyo akong makita at hanggang ngayon ay hindi n’yo pa rin ako napapatawad. Pero hindi ko kakayanin na makita kayo sa ganitong kalagayan. Sumama na po kayo sa akin. Doon muna kayo tumira sa bahay namin ni Edgar. Kami na po ang bahala sa inyo. Aalagaan po namin kayo do’n,” naiiyak na wika ni Mariz.
Napaluha naman si Josie sa tinuran ng anak.
“Bakit kahit na naging masama akong ina sa’yo ay kaya mo pa rin akong alagaan? Wala akong ipinakita sa iyo kung hindi kasamaan. Hindi man lamang kita inalagaan at minahal tulad ng dalawa mong kapatid. Ngunit bakit ikaw ang narito at wala sila?” pagtangis ng ina.
“Dahil kahit ano po ang gawin n’yo ay kayo ang mama ko at ako ang anak n’yo. Kahit ano pa ang nangyari sa atin sa nakaraan ay hindi naman nabawasan ang pagmamahal ko sa inyo bilang anak. Utang ko pa rin sa inyo ang aking buhay. Huwag na kayong mag-alala, ma. Narito na po ako at hindi ko kayo pababayaan,” saad pa ni Mariz.
Dahil sa sinabing ito ni Mariz ay hindi na napigilan pa ni Josie ang maluha at yakapin ang anak.
“Patawarin mo ako sa lahat ng nagawa ko sa’yo. Patawarin mo ako sa lahat ng masasakit na mga nasabi ko noon. Alam kong hindi sapat ang salitang patawad pero ngayon ay wagas ang pagpapasalamat ko sa Diyos dahil binigyan niya ako ng anak na kagaya mo. Sana isang araw ay mapatawad mo ang lahat ng ginawa ko,” patuloy sa pagtangis si Josie.
“Kinalimutan ko na po ang lahat ng iyon, ma. Hayaan n’yo pong magsimula tayong muli, ma. Mahal na mahal ko po kayo at hindi na ‘yun magbabago,” saad pa ng anak.
Mula nang araw na iyon ay nanirahan na si Josie sa bahay nila Mariz at Edgar. Inalagaan ng mag-asawa si Josie hanggang sa bumuti ang kalagayan nito. Hindi na nila ito pinauwi pa sa dati nitong tinitirhan at hinayaan na lamang na makisama sa kanila. Labis naman ang pasasalamat ni Josie sa anak.
Hindi matatawaran ang pagmamahal na ipinakita ni Mariz sa kaniyang ina. Marahil isa ito sa mga dahilan kung bakit mas lalong pinagpapala ng Panginoon ang ginang at ang kaniyang pamilya.