Inday TrendingInday Trending
Inilaan na Lamang ng Ginoo ang Buhay sa Pagtulong sa Kaniyang Pamilya; Isang Surpresa ang Naghihintay sa Kaniya

Inilaan na Lamang ng Ginoo ang Buhay sa Pagtulong sa Kaniyang Pamilya; Isang Surpresa ang Naghihintay sa Kaniya

“Kumusta kayo diyan sa Pilipinas, Cathy? Sila nanay at tatay ba patuloy na nakakainom ng gamot? Baka naman nagbubulakbol lang kayo ni Lorenz at hindi n’yo pinagbubuti ang pag-aaral n’yo?” tanong ni Rolly sa kapatid habang kausap niya ito sa telepono.

“Ayos naman kami dito, kuya! Huwag mo kaming alalahanin. Ayos din naman sina nanay at at tatay. Pagkakuha ko ng padala mo ay agad ko na silang binilhan ng gamot at masusustansiyang pagkain. Ikaw ang kumusta na diyan sa Dubai? Ayos ka lang ba? Baka lagi kang nagpapakapagod?” wika naman ng nakababatang kapatid.

“Ayos lang ako dito. Sanay naman na ako sa buhay dito sa Dubai. Saka alam n’yo namang malakas ang kuya n’yo kaya hindi ako kayang patumbahin ng mga trabaho dito,” saad muli ni Rolly.

“O, sige na. Kailangan ko nang bumalik sa trabaho ko at tinatawag na ako sa loob. Mag-iingat kayo lagi at huwag matigas ang ulo n’yo. Kapag sumweldo ako sa katapusan ay bibilhan ko kayo ni Lorenz ng bagong sapatos,” saad pa ng ginoo.

Mag-aapat na pung taong gulang na itong si Rolly pero magpahanggang ngayon ay hindi pa rin siya nag-aasawa. Siya kasi ang tumatayong padre de pamilya simula nang magkasakit ang kaniyang mga magulang.

Tinitiis niya ang mawalay sa kaniyang pamilya upang magtrabaho sa ibang bansa bilang isang dishwasher sa isang restawran. Hindi man kalakihan ang kaniyang kita ay ito lang kasi ang alam niyang paraan para makapagbigay siya sa kaniyang mga mahal sa buhay.

Hindi lamang sinasabi ni Rolly ngunit hindi lang basta dishwasher sa restawran ang kaniyang ginagawa. Madalas ay taga-buhat din siya ng mabibigat na mga karne at gulay na kailangan sa restawran. Kasama rin sa kaniyang trabaho ang paglilinis ng buong pasilidad. ‘Ika nga, all around siya dito.

Ang tanging nagpapaligaya lamang kay Rolly ay sa tuwing naririnig niya ang tinig ng kaniyang pamilya. Sapat na itong dahilan para lalo niyang paghusayan ang kaniyang trabaho.

Samantala, sa Pilipinas naman ay labis ang pag-aalala ng kapatid na si Cathy sa kanilang kuya.

“Kapag nakausap natin si Kuya Rolly sa susunod, huwag ka nang hihingi ng kahit ano. Parang napansin ko sa kaniya na nangangayayat siya,” saad ni Cathy kay Lorenz.

“Ibig bang sabihin niyan, h’wag na nating tanggapin ang mga ibinibigay sa atin ni kuya? Sayang, maganda pa naman kung pumili ng sapatos si kuya!” wika naman ni Lorenz.

“Kung ano na lang ang iabot ng kuya ay pagkasyahin natin. Tingnan mo at hindi na nga nagkanobya pa si kuya dahil lang sa pag-intindi niya sa pamilya natin. Isang taon na lang at matatapos na rin ako ng pag-aaral. Kapag nakapagtrabaho ako ay tutulungan ko na si kuya,” saad pa ng dalaga.

Hindi pinapahalata ni Cathy ang kaniyang nararamdaman tungkol sa kaniyang kapatid. Baka kasi maging dahilan pa ito para kaawaan ng kuya niya ang kaniyang sarili.

Sa kabilang banda naman ay laging nag-iisip si Rolly ng mga paraan para lang kumita ng mas malaki.

“Ang hirap talaga ng buhay natin dito sa ibang bansa, ano? Mantakin mo hindi naman nila alam ang hirap natin pero kapag nagpadala tayo patuloy pa rin ang daing nila. Ang dami nilang gusto, ang dami nilang kailangan,” saad ng kaibigan ni Rolly sa kaniya.

“Maswerte ako at hindi ganyan ang mga kapatid ko. Nauunawaan nila kung ano ang kaya kong ibigay. Parang ako nga lang itong laging nag-iisip na kulang pa,” wika naman ng ginoo.

“Palagi kang mag-ipon, Rolly. Hindi mo alam kung hanggang kailangan ka na lang dito sa abroad. Saka kung kailan pa kakayanin ng katawan natin ang lahat ng ito. Tatanda rin tayo. Mahirap kung aasa tayo sa iba. Paano natin sila aasahan para sa buhay natin gayong sila nga ang nakaasa sa atin?” sambit pa ng katrabaho.

Sa totoo lang naman ay napapaisip din naman si Rolly tungkol sa kaniyang pagtanda. Ngunit hanggang kaya niya ay magtatrabaho siya para sa pamilya. Hindi naman siya humihingi ng kapalit sa lahat ng kaniyang ginagawa.

Lumipas ang panahon at napagtapos ni Rolly ang kaniyang kapatid. Ngunit bilang isang klerk ay maliit lamang ang kinikita ni Cathy. Malayo pa ang pinagtatrabahuhan nito. Lumala pa ang kalagayan ng kanilang ama kaya kailangang todo kayod pa rin si Rolly.

“Nagtatrabaho na ang kapatid mo pero umaasa pa rin sa’yo? Ibang klase talaga ang pamilya natin sa Pilipinas, ano? Saka huwag mong sabihin sa aking pati ang mga bag na yan at sapatos ay para pa rin sa mga kapatid mo. ibang klase ka na talaga, Rolly!” saad ng kaibigan ng ginoo.

“Kaarawan kasi ng kapatid ko at madalang naman ‘yung bumili ng para sa sarili niya kaya binilhan ko siya ng bag. S’yempre hindi pwedeng mawalan din ng sapatos ang kapatid kong bunso. Mapagmahal naman ang mga kapatid ko kaya ayos lang,” tugon ni Rolly.

“Tingnan mo nga ang suot mo. Ni hindi ka nga makabili ng bagong polo at pantalon tapos ay binibili mo nang binibili ang mga kapatid mo. Huwag kang magsisisi pagdating ng panahon at wala kang mahugot dahil lahat ay ibinibigay mo sa pamilya mo,” babala pa ng kaibigan.

Ngunit kahit kailan ay hindi pinag-isipan ni Rolly ng masama ang kaniyang pamilya. Tanggap na rin naman niyang baka hindi na rin siya magkaroon ng sariling pamilya. Ayos lang naman kasi kay Rolly na ituon na lang niya ang kaniyang sarili sa kaniyang mga magulang at mga kapatid.

Ilang taon pa ang lumipas at hindi na rin kinakaya ni Rolly ang pagtatrabaho. Isa pa ay nagkaroon din ng problema ang retawran na pinapasukan ng ginoo at dahil nga may edad na ay napili siya na tanggalin at mapauwi sa ‘Pinas.

Tiningnan niya ang pera niya sa banko at alam niyang hindi ito sasapat para maisalba ang kaniyang pamilya. Nagmamakaawa siya sa ibang restawran na tanggapin siya para makapagtrabaho ngunit mas nais ng mga ito ang mas batang tauhan.

Napilitan si Rolly na umuwi ng Pilipinas. Hindi niya alam kung paano sasabihin sa kaniyang may sakit na mga magulang ang nangyari. May trabaho man ang kaniyang dalawang kapatid ay ayaw rin nilang maging pasanin.

Matagal ding hindi umuwi itong si Rolly sa Pilipinas kaya gano’n na lang ang kaniyang pagtataka dahil ibang bahay na ang nakatayo sa dating tirahan. Hanggang sa nakita niya mismo si Cathy na lumabas ng bahay na ‘yun.

“Kuya! Bakit hindi ka man lang nagsabi na uuwi ka? Sana ay nasundo ka namin sa paliparan!” masayang sinalubong ni Cathy ang kaniyang kapatid.

Nang malaman din ni Lorenz na naroon si Rolly ay maligaya din itong sumalubong sa nakatatandang kapatid.

“Ito na ba ang bahay natin? P-paanong nangyari ang lahat ng ito? Hindi naman sapat ang mga ipinapadala ko para makapagpagawa kayo ng bahay. Saka hindi ba, ‘di naman din malaki ang kita n’yo sa mga trabaho n’yo?” pagtataka ni Rolly.

“Alam mo, kuya, dapat talaga ay pauuwiin ka na namin dito sa Pilipinas. Kaso naunahan mo kami. Katas lahat ‘yan ng paghihirap mo sa Dubai. Saka mayroon ka ring pera sa bangko. Kasi alam namin ni Lorenz na isang araw ay kakailanganin mo rin ng pera,” paliwanag pa ni Cathy.

“Hindi ko maunawaan. Paano nangyari ang lahat ng ito?” hindi pa rin makapaniwalang sambit ni Rolly.

“Nagtatrabaho na rin naman kami, kuya, kaya lahat ng kailangan dito sa bahay ay sinagot na namin. Nagtulong kami ni Lorenz. Saka isa pa, ‘yung mga pinapadala mong sapatos, bag, relos, selpon at kung anu-ano pa ay binebenta na lang namin at inilalagay namin sa banko. Iniipunan ka namin ng pera noon pa, kuya. Alam kasi naming gagawin mo ang lahat para lang makapagbigay sa pamilya kahit wala nang matira sa’yo,” pahayag pa ni Cathy.

Kahit na malungkot si Rolly mula sa pagkakatanggal niya sa trabaho ay labis namang naantig ang kaniyang kalooban dahil sa ginawang ito ng kaniyang mga kapatid. Hindi niya akalaing susuklian nila Cathy at Lorenz ang kaniyang kabaitan.

“Maraming salamat sa’yo, Kuya Rolly. Ibinigay mo ang sarili mo para maitaguyod ang pamilyang ito. Labis ka naming ipinagmamalaki dahil mabuti kang anak at kapatid. Mahal na mahal ka namin kuya, at kung kailangang kami naman ang magtrabaho para sa iyo ay gagawin namin nang bukal sa aming mga puso,” saad pa ni Cathy sa kapatid.

Hindi na mapigilan pa ni Rolly ang maluha sa sinabi ng kaniyang kapatid.

Isang pagpapatunay ang kwento ni Rolly na kung ano ang iyong itinanim ay siya mo ring aanihin.

Advertisement