Hindi Naniwala ang Ina sa mga Sumbong ng Anak na OFW; Laking Gulat Niya nang Makita ang Kalagayan ng Anak
“Nelia, bakit ilang araw na kaming tumatawag ay ngayon mo lang sinagot? Hindi ka ba magpapadala? Aba’y kailangan ding kumain ng mga anak mo! Sa akin mo na lang ba lagi iaasa ang mga ito?” saad ni Anita sa kaniyang anak na nasa abroad.
“P-pasensiya na po kayo, ‘nay. Medyo mahirap lang talaga ang trabaho ko dito. Ngayon lang din ibinalik ng amo ko ang selpon ko kaya ngayon ko lang kayo nakausap. Hindi pa nga rin ako sumusweldo,” pahayag naman ni Nelia sa kaniyang ina.
“Baka hindi mo kasi ginagawa nang maayos ang trabaho mo kaya ka hindi pinapasweldo? Ano ang gagawin ko niyan ngayon? Hindi naman pwedeng hindi ko pakainin ang mga anak mo! Punong-puno na ako ng utang dito!” galit na sambit pa ng ina.
Wala nang magawa si Nelia kung hindi manghingi ng pasensiya sa ina.
“‘Nay, iniisip ko po kasi, paano kung umuwi na lang kaya ako? Kahit anong trabaho diyan sa Pilipinas ay gagawin ko. Basta hindi na po dito sa Saudi. Nais ko rin kasing makasama ang mga anak ko,” pahayag ng ginang.
“At ano? Pare-pareho tayong sumakabilang buhay dahil sa gutom. Kaya ka nga nangibang bansa ay dahil hindi sapat ang kinikita mo rito para sa mga anak mo pa lang. Tapos ay ganyan ang sasabihin mo. Parang hindi ka nag-iisip. Paghusayan mo ang trabaho mo nang hindi ka pinapagalitan ng amo mo!” wika pa ni Aling Anita.
Ang hindi alam ni Aling Anita ay hindi maganda ang trato ng mga amo ni Nelia sa kaniya. Madalas siya nitong sigawan, murahin at pagbuhatan ng kamay. Madalas nga ay dalawang beses hanggang sa isang beses lamang siya pakainin at wala pa sa oras. Sa sahig na lamang ng kusina natutulog si Nelia. Ngunit lahat ng ito ay tinitiis niya para may maipadala lang sa kaniyang mga anak.
Ilang beses nang tinangka ni Nelia na kausapin ang kaniyang ina tungkol sa pag-alis niya bilang domestic helper sa Saudi. Ngunit mariin itong tinututulan ni Aling Anita dahil lamang sa perang kinikita ni Nelia.
Isang araw habang mag-isang naglalampaso ng sahig itong si Nelia ay bigla na lamang siyang sinipa ng babaeng amo. Pinagbibihis siya nito dahil kailangan daw nito ng alalay sa pagpunta sa bahay ng ina.
Nakiusap si Nelia na kung maari ay pakainin muna siya nito bago umalis ngunit lalo siya nitong sinigawan at minaliit.
Naiiyak man ay walang nagawa itong si Nelia kung hindi sumunod sa kaniyang amo.
Pagdating pa lamang sa bahay ng ina ng amo ay laking gulat na ni Nelia nang agad siyang inutusan nito upang linisin ang buong kabahayan. Nalula siya sa laki ng kaniyang lilinisin. Mabuti na lamang ay may ilang kasambahay rin na naroon.
Mahigpit na ipinagbabawal ng amo ni Nelia ang pakikipag-usap niya sa kapwa Pilipino. Kaya nang lapitan siya ng isang kasambahay ay todo ang pag-iwas niya. Napansin kasi ng kasambahay ang mga pasa ni Nelia sa katawan.
“Sinasaktan ka ng amo mong babae, ano? Malupit talaga sa mga katulong ang pamilyang ‘yan! Kung ako sa’yo hanggang may pagkakataon ka pa at nasa iyo pa ang pasaporte mo ay pumunta ka na ng embahada at humingi ng tulong,” sambit ni Karen kay Nelia.
Pinipigilan ni Nelia ang kaniyang pagluha ngunit sa unang pagkakataon ay may isang taong nag-alala para sa kaniya.
“Hindi ko magagawang umalis dahil kailangan ng pamilya ko ang pera. May mga anak ako sa Pilipinas,” sagot ng ginang.
“Aanhin mo ang pera kung pag-uwi mo ay nakakahon ka na? Tumakas ka na hanggang may pagkakataon ka pa. Hindi mo alam ang pwedeng gawin ng pamilya nila sa mga tulad natin,” dagdag pa ng kasambahay.
Nagpatuloy ang pagmamaltrato ng amo kay Nelia. Pinagbantaan siya nitong kapag nagsumbong sa kahit sino ay gagawin ng kaniyang amo ang lahat para baliktarin siya. Labis ang takot ang pangamba ni Nelia para sa kaniyang buhay.
Hindi naglaon ay kinuha na rin ng amo ang kaniyang pasaporte at selpon. Hindi na rin siya pinayagang lumabas at madalang na rin siya kung pakainin. Naluluha na lamang si Nelia sa kaniyang sinapit. Ngunit kahit na kumakalam ang kaniyang sikmura at nananakit ang katawan ay ang kaniyang mga anak pa rin ang nasa isipan ng ginang.
Isang araw, habang wala ang kaniyang amo ay nagkaroon ng pagkakataon si Nelia upang makuha ang kaniyang selpon. Agad siyang tumawag sa kaniyang ina upang ipaalam ang nangyari.
“‘Nay, pinagmamalupitan ako ng amo ko. Parang awa n’yo na po tulungan n’yo akong makauwi. Hindi ko na po kaya ang ginagawa sa akin dito,” nangangatog na pagtangis ni Nelia sa ina.
Ngunit imbis na kahabagan siya ni Aling Anita ay pinagalitan pa niya ang anak.
“Nag-iinarte ka na naman! Sinasabi mo lang ‘yan dahil ayaw mong magpadala dito ng pera para sa mga anak mo! Ang dami ko nang pagkakautang kahit kanino para lang mapakain ko ang mga ito! Magpadala ka na agad dahil wala nang mas nahihirapan pa sa sitwasyong ito kung hindi ako!” bulyaw pa ng ina.
Nais pa sanang kausapin ni Nelia ang inang si Anita ngunit binabaan na siya nito ng telepono. Hindi na niya alam kung sino pa ang kaniyang tatawagan para malapitan. Hanggang sa narinig na lang niya ang yabag ng amo. Dali dali niyang itinago ang selpon upang ibidyo ang ginagawang pagmamaltrato sa kaniya.
Hanggang sa hindi na kaya pa ni Nelia ang ginagawang pananakit sa kaniya ng amo at siya’y tuluyan nang lumaban dito. Itinulak niya ang babaeng amo hanggang sa ito ay nadulas at natumba. Tumama ang ulo nito sa sahig at nawalan ng malay.
Dahil hindi niya alam ang gagawin ay agad siyang tumawag ng ambulansya. Binuksan na lamang niya ang kanilang bahay. Kinuha niya ang nakatagong telepono at saka siya tumakas papuntang embahada ng Pilipinas.
Doon ay sinuko ni Nelia ang kaniyang sarili. Upang mas maging matibay ang kaniyang dahilan na depensa lamang ang nangyari ay pinakita niya sa mga ito ang bidyo. Buhay naman ang amo ng ginang ngunit nakaratay ito. Imbis na makasuhan si Nelia ay tinulungan siya ng embahada ng Pilipinas na mapauwi sa bansa.
Lubos naman ang pagkagulantang ni Aling Anita nang malaman ang sinapit ng kaniyang anak sa ibang bansa. Labis ang paghingi niya ng tawad sa anak dahil palagi niya itong pinag-iisipan ng masama.
“Patawad, anak. Patawad kung hindi ako naniwala sa’yo. Kasalanan kong lahat ng ito. Kung hindi kita pinilit mag-abroad ay hindi mangyayari ito sa’yo!” umiiyak na sambit ni Aling Anita.
“Nagpapasalamat ako sa Diyos at ito lang ang sinapit ko. Kakayanin ko ang lahat para sa mga anak ko pero kailangan kong manatiling buhay para sa kanila. Lalaban ako para lang maitaguyod ko ang mga anak ko,” umiiyak ding sambit ni Nelia.
Malaking dagok sa buhay ni Nelia ang pangyayaring ito at napakahirap para sa kaniya na makalimutan ang lahat ng mapait na sinapit. Ngunit buo ang kaniyang loob na bumangon muli para sa mga anak na umaasa sa kaniya.