Inday TrendingInday Trending
Hindi Sumipot sa Kasal ang Nobyo Kaya’t Pilit na Itong Kinalimutan ng Dalaga; May Isinakripisyo Pala Ito Para sa Kinabukasan Niya

Hindi Sumipot sa Kasal ang Nobyo Kaya’t Pilit na Itong Kinalimutan ng Dalaga; May Isinakripisyo Pala Ito Para sa Kinabukasan Niya

Labing walong taong gulang pa lamang si Raqi nang sagutin ang nobyong si Baste. Kahit mga bata pa at nagsisimula pa lamang magtaguyod ng karera ay hindi naging hadlang ang relasyon ng dalawa upang magsikap sa buhay.

Laki kasi sa hirap si Raqi. Basagulero at lasenggo ang ama niyang si Mang Rigor at sunud-sunuran lamang dito ang kaniyang ina na si Aling Irma maski pa wala na ito sa lugar.

Saksi si Raqi kung paano bugbugin ng ama ang ina tuwing ayaw na nitong magpabuntis pa ulit sa ama.

Napag-alamang gumagamit pala ito ng bawal na gamot kaya’t ganoon na lamang kabayolente ang ama.

Nagpapasalamat na lamang din si Raqi sa Diyos at hindi siya sinasaktan ng ama at ang anim pa niyang mga kapatid na puro mga babae.

Dahil takot sa sariling multo’y hindi naging boto kay Baste ang ama. Pinagbabawalan siya nitong makipagrelasyon kay Baste kahit pa hatid sundo pa nga siya nito sa trabaho at alagang-alaga nito ang dalaga.

Panay dala rin ng mga pagkain at kagamitan sa bahay nila Raqi si Baste. Palibhasa’y nakakaluwag sa buhay at mababait ang mga magulang ng binata kaya’t tinutulungan nila ang pamilya ng dalaga.

Lumipas ang limang taon at halos wala pa ring pagbabago sa buhay ni Raqi sapagkat pasan niya ang responsibilidad na ang ama niya dapat ang gumagawa. Malaki sana ang kaniyang sahod sa pinapasukang bangko at napromote na siya bilang manedyer ngunit tatlong kapatid pa niya ang nag-aaral sa kolehiyo. May malubhang karamdaman din sa atay ang kaniyang ina.

Samantalang si Baste naman ay isa nang ganap na lisensyadong engineer. Marami na itong natapos na proyekto kaya’t nakabili na ito ng sariling bahay at kotse.

“Marami na tayong pinagdaanan, mahal. May ipon na rin ako. Siguro ay ito na ang tamang panahon para magpakasal na tayo. Matanda na rin kasi sila mama at papa. Gusto na nilang magkaroon ng apo,” malambing na wika ni Baste habang nakaluhod hawak ang isang gintong singsing. Tila napakalaki ng bato noon.

“Alam mo naman na pinag-aaral ko pa ang tatlo kong mga kapatid. Pero mahal na mahal kita Baste at wala na akong ibang gustong makasama sa habangbuhay kundi ikaw lamang. Ah… Eh… Bahala na si Lord… Oo, Baste. Pakakasalan kita,” naluluha at nag-aalinlangang sagot ng dalaga.

Ilang beses nang sinubukang bigyan ni Baste ang nobya ng pera upang makatulong ngunit tinatanggihan iyon ng nobya.

Ito ang dahilan kung bakit botong-boto ang mga magulang ng binata sa nobya dahil kailanman ay ‘di naging oportunista si Raqi.

Napagkasunduan ng dalawa na iraos ng patago ang kanilang kasal at mga magulang lamang ng binata ang gagawin nilang witness. Tutal ay nasa wastong gulang naman na si Raqi at hindi na nito kailangan pang humingi ng basbas ng kaniyang mga magulang.

Makalipas ang isang lingo ay halos mamuti na ang mga mata ni Raqi sa kakahintay sa nobyo at mga magulang nito ngunit sarado na ang city hall ay walang sumipot na Baste.

Halos kaladkarin ng dalaga ang sarili pauwi sa kanilang bahay. Ilang beses na rin syang muntik masagasaan habang tulalang naglalakad.

“‘Nak, kumain ka na. Halika na,”

Gulat na gulat si Raqi nang una niyang marinig ang malambing na tinig ng ama.

Sa tanang buhay niya ay hindi niya naranasang maalagaan at pagsilbihan nito.

Pansin rin niyang nagbago ang pakikitungo nito sa kanilang ina. Alagang-alaga nito ang asawa kaya’t ilang lingo lamang ay ang laki na ng inayos ng kalagayan nito.

Nang magising si Raqi upang pumasok sa opisina ay para syang nakakita ng multo.

“‘Tay? Bakit ho kayo gising?” tanong niya habang nauutal.

“Ay anak, nagpapasok ako sa kumpare ko sa terminal. Magkukundoktor ako. Malaki ang sahod anak,” sagot ng ama.

Tila nananaginip si Raqi sa mga nasasaksihan at naririnig. Matagal na niyang pinagdarasal ang mga nasasaksihan. Ang magkaroon ng isang tunay na ama.

Maski nililibang ni Raqi ang sarili ay lugmok na lugmok pa rin ang kaniyang pagkatao ngunit wala naman siyang mapagsabihan sa mabigat na dinadala.

Umayos ang ama niya ngunit wasak naman ang puso niya.

Lumipas ang dalawang taon at tila nagkaroon ng himala sa buhay ni Raqi.

“Anak, pinag-aralan ko ang stock market. Para tayong jumackpot.” Ipinakita ng ama ang kaniyang lumang laptop. Halos ilang milyon na pala ang kinikita ng kaniyang ama. Isang taon pa lamang ang lumipas. Palibhasa’y isa itong accounting student ngunit ‘di ito nakatapos nang malulong sa bawal na gamot.

Pilit pinag-aralan ni Raqi ang ginagawa ng ama upang maalis ang bigat ng kaniyang damdamin. Napatitig siya sa karag-karag na laptop nito at naisip niyang regaluhan na ito ng bago.

“Opo, basta tuloy-tuloy niyo lang po ang pagbabago. Nandito lang kami para suportahan kayo. Gagawin ko po ang lahat para kay Raqi. Mahal na mahal ko po ang anak ninyo.”

Nanlaki ang mga mata ni Raqi sa nabasa.

Si Baste…

Si Baste ang ka-chat ng kaniyang ama.

“‘Nak, yong laptop ko? Nasaan na?” tila tarantang saad ng ama kausap ang bunso niyang kapatid na si Fatima.

“Yong laptop, tatay! Na kay ate!!!” mahina ngunit natatarantang sagot ng kapatid.

Biglang namula ang ama at lahat ng kaniyang mga kapatid ay naglapitan sa kaniya pati ang kaniyang ina.

“Patawad, ate…”

Gulong-gulo na si Raqi sa nagaganap.

“Patawarin mo ako, anak. Limang araw bago ang kasal ninyo ni Baste ay pinuntahan ako ng mga magulang niya. Bilang respeto sa amin ay hiningi nila ang basbas namin sa inyong kasal. Nang makita ko kung gaano sila kabuti ay nakiusap ako kay Baste na layuan ka muna at bigyan ako ng pagkakataon na maging mabuting ama sa iyo bago man lamang kita ipagkatiwala sa lalaking makakasama mo habambuhay. Humingi ako ng oras para makita mo ang aking pagbabago at masaksihan mo kung ano ba talaga dapat ang katangian ng isang tunay na asawa at ama. Ayaw ni Baste na sisihin mo ako kung bakit hindi matutuloy ang inyong kasal kaya’t nagsakrispisyo siya. Alam niya kasi na matagal mo nang pinapangarap ang magkaroon ng responsableng ama,” mahabang paliwanag ng ama.

Gulong-gulo man ang isip ni Raqi ay naunawaan naman niya ng lubos ang ginawa nito.

Sinamahan siya ng mga magulang at mga kapatid at sila na mismo ang namanhikan sa bahay nila Baste.

Sa huli’y natuloy rin ang kasal nila Raqi at Baste. Akala niya’y sa panaginip lamang niya mararanasan ang magkaroon ng masayang pamilya ngunit nakamit niya iyon sa tulong ng pinakamamahal na asawa.

Labis ding naging malapit si Baste ang ang ama ni Raqi.

Advertisement