Inday TrendingInday Trending
Nakaisip ng Pakulo ang Ginang Upang Makita ang Tunay na Pagkatao ng Dalawang Anak na Tagapagmana; Buking na Buking ang Kaplastikan ng Isa

Nakaisip ng Pakulo ang Ginang Upang Makita ang Tunay na Pagkatao ng Dalawang Anak na Tagapagmana; Buking na Buking ang Kaplastikan ng Isa

Maagang naging balo ang ginang na si Adelaida. Sa edad na 40 ay mag-isa niyang itinaguyod ang pag-aaral ng dalawang anak na lalaki.

Hindi naman siya nahirapan sa aspetong pinansyal sapagkat may kaya ang pamilya ng kaniyang mister na si Bong.

Gayunpaman ay isa si Adelaida sa mga makakapagpatunay na talaga namang napakahirap maging isang single parent.

Magkapatid man ay ibang-iba ang ugali nila Angelo at Billy.

Si Angelo ay maangas at palaaway. Mahilig din itong sumagot sa ina. Sa kabilang banda’y magalang at maginoo naman si Billy. Mahal na mahal nito ang ina at tinitiyak niyang inaalagaan niya ito maski na siya’y abala sa trabaho.

Ngayon ay 60 taong gulang na si Adelaida at malaki na rin ang naipon nito. Plano talaga nila ng yumaong asawa na mamuhay ng masarap pagtungtong nila ng ganitong edad kaya naman napaghandaan niya itong mabuti.

Habang naglilinis ng banyo si Adelaida ay nararamdaman na naman niya ang pagkirot ng kaniyang tagiliran. Saglit siyang namahinga ngunit imbes gumaan ang pakiramdam ay lalo pang sumakit ang noon pa niyang iniindang tagiliran.

“Ang kulit niyo kasi. Sinabi nang huwag na kayong kumilos ng kumilos. Marami akong ginagawa sa trabaho kaya hindi ko kayo mababantayan. Huwag kayong parang bata na kailangan pang sinusubaybayan!”

Imbes na aluin ang ina ay sininghalan pa ito ni Angelo. Napapansin ng binata na matanda na nga talaga ang ina sapagkat ito’y nagiging makulit na at paulit-ulit ang sinasabi. Dahilan kaya’t lagi niya itong nasisigawan.

“Grabe ka kay mama! Noong bata ka pa, dinanas ni mama lahat ng hirap sa iyo dahil sakitin ka! Ito na ang chance mo para makabawi man lang sa sakripisyo ni mama sa atin!” galit na pangaral ni Billy sa nakatatandang kapatid.

“Huwag na kayong mag-away, mga anak. Bukas darating na ang pinsan kong si Lina at siya ang mag-aalaga sa akin. Magpapatingin na rin ako sa doktor kaya pinapunta ko siya rito para may kasama akong magpacheck-up,” pagputol ni Adelaida sa mainit na pag-uusap ng mga anak.

Napakamot na lamang sa ulo si Billy. Ganito palagi ang kaniyang ina. Maski mali na si Angelo ay hindi nito pinagsasabihan agad-agad. Hihintayin muna nitong hindi siya nakikinig at doon sisitahin ang mga pagsagot ng pabalang ng kuya niya. Hindi raw kasi maganda na may ibang nakakarinig kapag pinangangaralan ang anak.

Kinaumagahan ay agad tumungo sa ospital si Adelaida kasama si Lina.

Pag-uwi ng bahay ay dumiretso na siya sa kuwarto at doon humagulgol.

Sobrang sakit ng sinabi ng doktor sa kaniya. Anim na buwan na lamang daw ang nalalabi sa kaniyang buhay.

Sa sobrang laki ng tumor na tumubo sa kaniyang obaryo ay hindi na ito maooperahan pa.

“Angelo! Ang mommy mo, may malubhang sakit. May taning na ang buhay niya pero ayaw niya namang ipaalam sa inyo. Hindi ko naman kayang manahimik na lamang,” pagbabalita ni Lina sa pamangkin.

12 million pesos….

Ito agad ang pumasok sa isip ni Angelo imbes mag-alala sa ina.

Ito kasi ang naipong pera ng kanilang mga magulang. Alam niya iyon sapagkat palihim niyang sinusubaybayan ang bank transactions ng ina pati na rin ang passbook nito.

Mula noon ay tila naging ibang tao na si Angelo. Pirme nitong inaalalayan ang ina at sinasamahan pa tuwing sasailalaim ito sa radiation.

Napansin naman ni Adelaida na panay ang tanong ng panganay tungkol sa kaniyang bank account at iba pang mga nabiling lupain sa probinsya.

Biglang nagkaroon ng ideya ang ginang.

Pag-uwi galing trabaho ay pagod na pagod si Billy.

“Ma, huwag niyo na po akong asikasuhin. Ako na ang bahala. Mag-relaks kayo. Bibigyan ko pa kayo ng mga apo. Ma, yayayain ko na pong magpakasal si Nina. Kaya ko naman na. Nakapag-ipon na po ako,” buong-pusong pagbabalita ni Billy.

Matalas ang tingin ni Lina sa pinsan at tila sumesenyas ito na ipagtapat na sa anak ang tungkol sa kaniyang kalusugan ngunit nagmatigas si Adelaida na huwag itong ipaalam sa bunso.

Lumipas ang limang buwan at araw-araw na nagpapasiklab si Angelo sa ina.

Tila nananabik pa ito na mawala ang ina. Panay tanong niya sa doktor ukol sa kalagayan ng ina.

Ang hindi alam ni Angelo ay unti-unti nang bumubuti ang kalagayan ng ina at himalang nawala na rin ang tumor na tumubo sa obaryo nito.

Sa eksaktong ika-anim na buwan ng taning ng ina ay nagpaalam na siya sa mga anak.

Hindi makapaniwala si Billy sapagkat kabisado na niya ang ina tuwing may karamdaman ito. Para bang may bumubulong sa kaniya na may hindi tama sa nangyayari.

Kinabukasan ay lugmok na lugmok pa rin si Billy at hindi ito umaalis sa tabi ng ina.

Hindi naman nagpatalo si Angelo at ginagalingan pa nitong lalo ang pag-arte.

Maya-maya ay tinawag ni Lina ang magkapatid. Kailangan raw nilang pirmahan ang ilang mga dokumento ukol sa mga maiiwang ari-arian at salapi ng ina.

“Ang laki ng naipong pera ng mama ninyo. Talagang napakasuwerte ninyo sa mga magulang,” wika ni Lina.

Dahil sa sinabi ni Lina ay hindi na binasa pa ni Angelo ang nakasulat doon at agad nitong pinirmahan ang sampung pahinang dokumento.

Samantalang si Billy naman ay napatakip ng bibig sa nabasa ngunit agad rin nitong pinirmahan ang mga dokumento.

“Wala na si Ate Adelaida!!!” malakas na sigaw ni Lina.

Kunwari pang nagsusuntok sa pader si Angelo ngunit sa isip niya’y sa wakas, hindi na siya maaabala pa ng makulit at matandang ina.

Nang sinabi ni Lina na nawala na ang ina ay saglit lamang sinilip ni Angelo ang katawan nito sa kama at agad itong umalis upang makipag-inuman sa kaniyang barkada.

Naiwan naman doon si Billy at nag-aabang sa tabi ng kama ng ina.

“Mama, bakit? Alam mong kahit kailan ay hindi ko pinagdiskitahan ang ipon ninyo ni papa. Sapat na sa akin na maayos ang inyong kalagayan at ang tanging hiling ko lang ay makasama pa kayo ng matagal,” lumuluhang wika ni Billy.

Halos malaglag sa upuan si Billy nang sumagot ang ina.

“Ito na nga ang inaasahan kong mangyayari, anak… Masakit ngunit ito ang totoo. Pera lamang ang mahal ng kuya mo. Lumaki siyang walang pagmamahal at malasakit sa akin,” wika ni Adelaida.

Nakasaad sa pinirmahan nilang dokumento na wala silang makukuhang magkapatid ni singko sa pera ng ina dahil ipapamana nito ang lahat sa charity bilang may sarili namang ipon at trabaho ang kaniyang mga anak.

“Peke lang ang dokumento na ito, Billy. Lumabas ang tunay na kulay ni Angelo. Akala ko pa naman ay nagbago na siya,” paliwanag ni Lina.

Kinabukasan ay agad tumawag si Angelo kay Lina upang itanong kung kailan makukuha ang mana nila ng kaniyang kapatid.

Pinapunta siya ni Lina sa kanilang bahay upang maibigay na raw ang lahat ng mga papeles at mailipat na lahat sa kaniyang pangalan.

Pagdating ni Angelo sa bahay ay nanlaki ang mga mata niya sa nakita.

“Ma… Mama???”

Halos maihi ito sa salawal sa takot.

“Malinaw na sa akin ang lahat, anak. Hindi naman ako nagkulang sa iyo ngunit hindi ko alam kung bakit wala kang tunay na malasakit at pagmamahal sa akin,” lumuluhang wika ng ina.

Ipinagkatiwala na ni Adelaida ang lahat ng ari-arian kay Billy at wala itong ibinigay ni singkong duling kay Angelo.

Galit na galit si Angelo sa ginawa ng ina.

Lumipas ang limang taon at hindi na nagpakita pa si Angelo sa ina dahil sa kahihiyan.

Kahit ganoon ay hinihintay lamang ni Adelaida na humingi ng patawad ang anak at tuluyan itong magbago ngunit kung magmamatigas ito ay wala na siyang magagawa pa.

Kahit nag-asawa na si Billy at may dalawa na itong anak ay hindi nila iniwan si Adelaida. Punong-puno ng pagmamahal ang puso ni Adelaida na ngayon ay nag-aalaga sa kaniyang mga magagandang apo na sina Chelsea at Charry.

Advertisement