Batukan Lamang Daw ang Lalaki Noong Araw Kaya’t ‘Di Siya Isinali ng mga Kabarkada sa Negosyo; Sila Pa Pala ang Hihingi ng Pabor sa Kaniya sa Huli
Tahimik at mahilig magbasa ng magazine si Dino noong nasa bata pa lamang siya. Kaya naman tumaas nang tumaas ang grado ng kaniyang mga malalabong mata.
Suot ang pagkakapal-kapal at sira-sirang salamin at ang madilaw na dating puting polo na ipinamana lamang ng kaniyang pinsan sa kaniya’y hindi naging hadlang ito upang magkaroon ng mataas na marka sa klase si Dino.
‘Yon nga lamang ay wala siyang ni isang tunay na kaibigan. Matapos kopyahan ay uutusan pa siya ng mga kabarkada na pumila sa kantina upang bumili ng pagkain tuwing recess. Siya rin ang taga-gawa ng mga takdang aralin at proyekto ng mga ito.
Lumipas ang dalawang dekada at halos ganoon pa rin ang ugali ni Dino.
Lahat ng mga itinuturing niyang mga kaibigan ay nagkaroon na ng pamilya at ang gaganda pa ng asawa ng mga ito.
Ginagawa lamang siyang utusan ng mga kaibigan tuwing magkikita-kita sila. Si Dino ang taga-bili ng beer, yelo at pulutan. Siya na rin ang nagliligpit at naghuhugas ng kanilang mga pinag-inuman maski saang bahay sila mag-inuman.
Sa makatuwid ay isang talunan si Dino sa mata ng kaniyang mga tinatawag na kaibigan ngunit taos puso niya silang minamahal at pinagbibigyan sa lahat ng pabor na hinihingi.
Anak si Dino ng isang foreigner at ang ina naman niya ay bayarang babae sa isang bar sa Pampanga.
Usap-usapan na anak lamang siya sa pagkadalaga at hindi raw sineryoso ng ama ang nanay niya dahil sa trabaho nito.
Ang hindi alam ng mga ito’y marami nang ipon si Dino ngayon dahil matapos hindi magpakita ng ama ng mahabang panahon ay may nakuha pala itong malaking mana nang sumakabilang buhay ito.
Akala nila’y ordinaryong empleyado lamang siya ngunit ang totoo’y milyones na ang kinikita nito ngayon sa stock market. Forte kasi ni Dino ang mga numero at dahil nagkaroon ng pampuhunan ay mas napalago niya pa ang namanang salapi.
Bukod doon ay mayroon din siyang kasintahan na isang Russian. Maganda, matangkad at sexy ito kaya’t walang naniniwala na kasintahan niya ang babae.
Nagkakilala sila sa isang seminar kung saan nagle-lecture si Dino. Dahil hindi naman tumitingin sa pisikal na anyo ang babae ay nahulog ang loob nito kay Dino. Limang taon na rin silang mag-on ngunit isang buwan na silang ‘di nagkikita sapagkat kinailangang dalawin ng kasintahan sa Russia ang kapatid na kakapanganak lamang.
Pinagtatawanan lamang siya ng mga kaibigan kapag nagkukuwento siya sa mga ito tungkol sa kaniyang love life.
“Kaya hindi ka namin sinama sa business na pinagplaplanuhan namin e. Hindi ka kasi realistic. Pinaghahalo mo ang pantasya at realidad,” wika ng kaibigang si Gary habang naghahalakhakan naman ang iba pa.
“Ano ba’ng hindi kapani-paniwala doon, palagi naman kaming magkausap at magka-video call,” malungkot na sagot ni Dino.
Tuwing may meeting ang mga kaibigan ukol sa negosyo ay ginagawa lamang siyang tila waiter ng mga ito at tuwing papayuhan niya sila na huwag tumuloy ay nagtatawanan lamang ang mga kaibigan.
“Hindi dahil pala-aral ka ay maaapply mo iyan sa business. Hindi sa academics nababatay ang tagumpay. Tingnan mo ikaw, hanggang ngayon empleyado ka pa rin. Dahil yan sa pagbabasa at pag-aaral mo ng walang tigil. Hanggang eksam at test ka na lang nangunguna. Hindi mo naman yan ikinayaman,” pambabara ng isa pa niyang kaibigan na si Gilbert.
Tumahimik na lamang si Dino ngunit hindi niya maitatanggi na nasasaktan na siya sa mababang pagtingin sa kaniya ng mga ito. Katwiran niya’y sanay naman na siya sa ganoong trato.
Dumating ang unang araw ng operasyon sa tinayong construction business ng mga kaibigan at nagbabangayan na agad ang mga ito. Pataasan ng ihi at payabangan kung sino ang dapat masunod.
Ang hindi nila alam ay isang malaking scam lamang ang lahat gaya ng babala ni Dino.
Lumipas ang isang buwan at parang bulang naglaho ang malaking puhunan ng mga kaibigan sa pag-aakalang isang daang porsyento ang magiging balik ng kanilang kapital.
Doon lamang siya naisip lapitan ng isa pang kaibigang si Jerome.
“Pare, bakit sure na sure ka na scam ang pinasok namin? Totoong-totoo ang mga sinabi mo noon. Sana nakinig na lang ako sa ‘yo. Ngayon ay ayaw nang magpakasal sa akin ni Gretchen dahil nalimas ko ang lahat ng ipon namin.”
Agad namang ipinaliwanag ni Dino ang lahat at ipinakita niya ang lagay ng construction company na pinag-invest-an ng pera ng mga kaibigan.
Kitang-kita sa kaniyang analysis na pitong taon na itong walang kinikita at nito lang ay nagdeklara na ito ng bankruptcy.
At dahil napakadaldal ng kaibigang si Jerome ay isa-isa nang lumapit ang mga kaibigan kuno niya kay Dino.
Natuklasan na rin kasi nila sa isang online group na matunog na pala ang pangalan ni Dino sa mga financial advisors dahil sa angking galing nito.
Pahiyang-pahiya silang lahat sa nalaman at sising-sisi ngayong wala nang natira sa kanilang mga kakarampot na ipon.
Nang kasal ni Dino at nobya nitong si Irina ay nagpuntahan ang lahat ng kaniyang mga kaibigan at lahat sila’y ‘di makapaniwala.
Kahit ganoon na lamang ang naging trato nila kay Dino ay tinulungan pa rin sila nitong makaahon.
Labis ang kanilang pagsisisi sa nagawa sa pobreng kaibigan.
Ngayon ay mayroon nang sariling kumpanya si Dino at lahat ng kaibigang nanglait, naghamak, at ginawa siyang katatawanan ay mga empleyado na niya.
Ang dating pobre at weirdong Dino ay isa na ngayong astig at bigating boss.