Inday TrendingInday Trending
Palaging Inuunahan ng Isang Lalaki ang Isang Ambulansiya; Hindi Niya Akalain na Isang Araw ay Siya Pala ang Magiging Laman Nito

Palaging Inuunahan ng Isang Lalaki ang Isang Ambulansiya; Hindi Niya Akalain na Isang Araw ay Siya Pala ang Magiging Laman Nito

“Ano ba namang trapik ito, hindi na gumalaw-galaw! Huling-huli na ako sa opisina!” naiinis na sambit ni Roger habang hindi mapakali sa pagtingin sa kaniyang orasan.

“Anak ng teteng talaga kung kailan ka naman nagmamadali ay saka ngayon pa magkakatrapik ng ganito!” muli niyang bulyaw.

“Umayos ka nga riyan, Roger. Alam mo namang trapik talaga dito sa Pilipinas. Sana ay inagahan mo ang alis natin. Huwag mo na akong ihatid sa trabaho at mamamasahe na lamang ako. Tumuloy ka na sa trabaho mo,” sambit ng kaniyang asawang si Jane.

“Gano’n din naman kapag sumakay ka ng pampublikong sasakyan ay hindi pa rin ito uusad. Umupo ka na lang diyan at maghintay. Huwag mong sabayan ang init ng ulo ko!” galit pang saad ng mister.

Maya-maya ay nakakita na siya ng daan upang makausad siya nang biglang may ambulansya namang paparaan.

Kinailangan niya tuloy muling bumaling at sa pagkakataong ito ay naipit na naman siya sa trapiko.

“Letseng, ambulansiya ‘yan! Dapat ay inunahan ko na talaga siya mas mabilis naman akong magmaneho diyan! Nakakairita akala mo kung sinong hari ng kalsada,” patuloy na pagbubugnot ni Roger.

“Tumahimik ka na nga riyan, Roger. Huwag mong sirain ang araw mo dahil lang dito. Tanggapin mo nang mahuhuli ka ngayon sa opisina. Kaya ang mabuti pa ay tumawag ka na sa boss mo at humingi ka ng despensa,” mungkahi ni Jane sa asawa.

Napailing na lamang si Roger.

Talagang mainitin at mainipin si Roger at sanay na dito ang kaniyang misis na si Jane. Ang ginang na lamang ang umiintindi dahil alam niyang hindi magpapatalo ang asawa.

Minsan lamang ay talagang nakakainis na ito ngunit mas nangangamba si Jane sa kung ano ang pwedeng mangyari dahil sa mabilis mag-init ang ulo nito lalo na sa usad ng trapiko kapag ito ay nagmamaneho,

Pakiramdam kasi ni Roger na sa tuwing naaaksaya ang kaniyang oras ay nawawalan din siya ng kikitain.

Isang oras na nahuli si Roger sa kaniyang trabaho sa araw na iyon. Habang nagpapaliwanag pa siya sa kaniyang boss ay hindi nito tinanggap ang kaniyang paliwanag.

“Matagal na ang usad pagong na trapiko sa Pilipinas, Roger. Dapat ay umalis ka ng mas maaga lalo sa araw ng Lunes,” sambit ng amo.

Naalala niya ang laging sinasabi ng kaniyang misis. Dahil napahiya ay lalong nag-init ang ulo nito.

Kinabukasan ay ganito na naman ang nangyari kay Roger habang nagtatrabaho. Nang makakita muli siya ng daan ay siyang dating muli ng ambulansya. Ngunit sa pagkakataong ito ay inunahan na niya ang naturang sasakyan.

‘Bakit mo ginawa iyon, Roger? Delikado ang ginawa mo, ‘di mo ba alam? Gusto mo bang mahuli tayo ng pulis? Saka hindi mo man lamang inisip ang laman ng ambulansya na iyon. Dapat ay pinauna mo na sila,” sambit ni Jane.

“Alam ko na ang mga taktika ng ambulansya na iyon. Wala naman talagang laman ang mga iyan at nagmamadali lamang sila at ayaw din maipit sa trapiko. Saka nakaraan naman sila, a. Umiwas lang ako sa trapik para hindi tayo mahuli sa opisina, ano ang nirereklamo mo riyan?” galit na sambit ni Roger.

Napailing na lamang si Jane.

“Maaaring nakatakas ka ngayon, Roger, ngunit sa susunod na gawin mo pa ‘yan ay hindi mo alam kung anong pwedeng mangyari sa iyo. Kaya huwag mo nang uulitin,” paalala ng ginang.

Ngunit hindi nadala si Roger. Lagi niyang inuunahan ang mga ambulansiya o hindi naman kaya ay sinusundan niya ito upang makaiwas siya sa pagkakaipit sa trapiko.

Isang araw ay pinuntahan na lamang ni Jane ang kaniyang asawa sa pulisya. Muntik na kasing makabanggaan ni Roger ang isang ambulansya na magtangka itong unahan ang sasakyan.

“Hindi ba sinabihan na kita na huwag nang uulitin ‘yon, Roger? Bakit mo ginawa ulit? Tignan mo tuloy ang nangyari sa iyo!” inis na saad ng ginang.

“Wala namang laman ang ambulansya! Humingi na nga ako ng tawad ka pwede ba paalisin niyo na ako dito!” galit na sagot pa ng ginoo.

Kinausap ni Jane ng maayos ang mga pulis at pinakiusapan na palayain na ang kaniyang asawa.

“Mabuti na lamang ginang at walang laman ang ambulansya. Pero pabalik na siya ng ospital. Sa lahat ng pagkakataon ay kailangan natin itong paraanin dahil buhay ang maaaring maging kapalit kapag naipit ito sa trapiko. Kaunting bigayan lamang po. Sana ay hindi na ito maulit pa,” saad ng pulis.

Imbis na magpakumbaba ay parang si Roger pa ang galit. Inaway pa nito ang drayber ng ambulansya dahil ginagamit lamang daw niyang dahilan ang sasakyan upang makaraan.

“Dapat nga ay siya pa ang magbayad dahil nagasgasan ang kotse ko!” sambit ng ginoo.

“Tumigil ka na, Roger. Hindi na maganda ang ipinapakita mo. Kung magpapatuloy ka sa ganiyan ay baka tuluyan kang kasuhan. Humingi ka na ng tawad!” pahayag naman ni Jane.

Ngunit wala kang mababanaag na pagsisisi kay Roger sa mali niyang ginawa. Pinaninindigan niyang siya ang tama at ang drayber ng ambulansya ang nagkamali.

Ilang buwan pa ang nakalipas, habang nasa veranda at nagbabasa ng diyaryo at umiinom ng mainit na kape ay bigla na lamang inatake sa puso itong si Roger.

Nang matagapuan siya ng kaniyang asawa na nakahandusay ay agad itong tumawag ng ambulansiya. Agad namang rumensponde ang naturang ambulansiya ngunit nang papunta na sila sa ospital ay bigla silang naipit sa trapiko.

Walang kahit sino ang nais magbigay ng daan upang makaraan ang ambulansya at madala ang pasyenteng sakay nito sa ospital.

Dahil natagalan ang pagdala kay Roger sa ospital ay idineklara na itong walang buhay nang nasa ambulansya pa lamang.

Labis na panlulumo ang naramdaman ng kaniyang asawa. Lalo na nang mapagtanto niya na sa ganitong paraan niya palaging pinagsasabihan ang kaniyang asawa.

Nagsilbing-aral sa lahat ang nangyaring ito kay Roger. Importante na paunahin ang ambulansiya sapagkat hindi mo alam na baka isang araw ay ikaw na pala ang laman nito.

Advertisement