Inday TrendingInday Trending
Tinulungan ng Dalagang Likas na Mabuti ang Puso ang Guwapong Delivery Rider na Umano’y Napagtripan ng Kaniyang Customer; Napaiyak na Lamang Siya sa Kaniyang Nalaman

Tinulungan ng Dalagang Likas na Mabuti ang Puso ang Guwapong Delivery Rider na Umano’y Napagtripan ng Kaniyang Customer; Napaiyak na Lamang Siya sa Kaniyang Nalaman

Likas na mabuti ang puso ni Amelie. Mapagbigay siya sa mga nangangailangan. Kahit hindi niya kakilala, tinutulungan niya, basta makita niyang kailangan siya. Bagama’t maganda namang katangian ito, madalas din ay kinakakagalitan siya ng mga mahal niya sa buhay. Baka raw may makilala siyang isang taong samantalahin ang kaniyang kabaitan at saktan lamang siya.

“Hindi naman siguro. Ang tao, kapag pinakitaan mo ng kabaitan, kahit gaano pa kasama ‘yan, susuklian ka rin ng kabaitan,” iyan ang laging sinasabi ni Amelie bilang depensa sa kaniyang sarili.

“Depende sa tao, Amelie. Wala namang masama sa pagtulong at pagiging mabait sa kapwa, pero syempre, tatantiyahin mo rin. Hindi puwedeng bigay ka lang nang bigay, baka mamaya niyan sinasamantala ka na. Hindi masama ang mag-ingat,” paalala sa kaniya ng matalik na kaibigang si Loisa.

“Oo na po, Nanay,” pabirong saad ni Amelie.

Isang araw, napukaw ang atensyon ni Amelie sa isang lalaking nakabisikleta sa daan. Nasa tapat ng kaniyang bahay. Sa biglang tingin, iisiping isa itong delivery rider. Napansin din ni Amelie na guwapo ang lalaki. Hindi naman ako nagpa-deliver ah? Saad niya sa kaniyang isip.

“Tao po… tao po…”

Lumabas si Amelie upang estimahin ang delivery rider.

“Ano po ‘yon?”

“Dito po ba nakatira si Ma’am Amelia Dumapat?” tanong nito.

“Ako ho. Bakit ho?”

“Ma’am, package n’yo po, order n’yo po sa Lazadee,” saad nito.

Nangunot ang noo ni Amelie. Wala naman siyang delivery app. Hindi siya mahilig sa online shopping dahil mas gusto niyang nakikita muna ang isang produkto bago bilhin.

“Baka nagkakamali ho kayo. Hindi ho ako umorder ng kahit ano.”

Inilabas ng delivery rider ang mga impormasyon ni Amelie. Tama nga ang address na nakalagay pati na ang numero.

“Paano naman mangyayari ‘yon Kuya? Hindi naman ako umoorder ng kahit na ano…”

Napakamot sa ulo ang guwapong delivery rider. “Ma’am, mga beauty products at shorts po ang inorder ninyo, at aabot po sa tatlong libong piso.”

“Tatlong libong piso? Susmaryosep! Kuya, hindi ako mamimili ng ganiyang mga kamahal na produkto para lang sa beauty products. Baka na-scam ka. pasensya ka na pero hindi ko po kukunin ‘yan,” matigas na sabi ni Amelie.

Tila binangag na aso ang hitsura ng delivery rider.

“Ma’am, maawa naman po kayo sa akin… malayo pa po ang pinanggalingan ko. May mga anak po ako. Kaya po ako nagtatrabaho para mabigyan ng magandang buhay ang mga anak ko. Yung tatlong libong piso po na ‘yan, kasyang-kasya na pong budget iyan sa amin sa kalahating linggo. Kung talagang na-scam ako, baka po puwedeng bilhin na lang ninyo,” pakiusap ng delivery rider. Punumpuno ng desperasyon ang kaniyang mukha.

Ano ka hilo Kuya? Huwag mo akong daanin sa mga pa-cute mo! Porke’t guwapo ka lang? Manigas ka… sigaw ng isip niya.

“Ganoon ba Kuya? Puwede bang makita ang products muna bago ako magdesisyong bilhin ‘yan?” tanong ni Amelie sa delivery rider. Gusto niyang pagalitan ang sarili. Iba ang sinasabi ng isip niya sa puso niya.

Ipinakita naman ng delivery rider ang mga items. Sumakto namang lahat ay ginagamit din naman niya. Naawa siya kaya napagdesisyunan niyang bilhin na lamang ito.

“Maraming salamat po, Ma’am,” nakangiting sabi ng delivery rider. Kumindat pa ito sa kaniya at lumitaw ang mga biloy sa pisngi. Sumakay na ito ng motorsiklo at sumibad na.

Hindi rin niya alam kung bakit napapayag siya ng guwapong delivery rider. Iba kasi ang karisma nito. Nang tiningnan niyang mabuti ang mga beauty products, nagulat siya nang mapagmasdan ang mga ito. Natungkab kaagad ang mga laman, mga peke lamang ang nasa loob. Lusaw rin ang mga lipsticks, at huli na nang mapansin niyang mali-mali pa ang ispeling ng brands.

Naloko na. Naloko siya.

Lipad sa hangin ang tatlong libong piso. Napaiyak na lamang siya.

Hiyang-hiya sa kaniyang sarili si Amelie. Ni hindi niya nakuha ang pagkakakilanlan ng delivery rider. Palibhasa, kumbaga’y lumalabas na sinalo lamang niya ang delivery, ayon na rin sa sinabi nitong sa kaniya nakapangalan ang mga detalye ng delivery items.

Nakadagdag pa sa pagkaawa niya rito na nakabisikleta lamang ito. Nagpadala siya sa mga paawa epek nitong may anak at kailangang-kailangan para sa pamilya.

Minabuti ni Amelie na sarilinin na lamang ang nangyari sa kaniya, dahil nakakahiya, lalo na sa kaniyang kaibigang si Loisa. Tama nga naman si Loisa. Minsan, ikapapahamak pa ang pagiging labis na mabait. Hindi naman masamang maging maingat lalo na sa panahon ngayong maraming mapagsamantala.

Makalipas ang dalawang linggo, napanood na lamang sa balita ang tungkol sa modus operandi ng isang delivery rider na kunwari ay na-scam ng kaniyang customer, at magmamakaawang bilhin na lamang ang kaniyang produkto. Ang naturang lalaki ay walang iba kundi ang mismong delivery rider na nanloko kay Amelie.

Napangiti na lamang si Amelie. Napagtanto niya pa ring kapag kabutihan ang ibinigay mo sa tao, babalik din ito sa iyo. Ang tatlong libong nawala sa kaniya ay nanganak pa dahil sa bonus ng kompanya sa kaniya, dahil sa magandang performance niya kada buwan.

Kapag kasamaan naman ang ginawa mo, mabilis din itong babalik at mas masakit pang sasampal sa mukha mo. Kagaya na lamang sa nangyaring pagkakasukol sa manlolokong delivery rider.

Advertisement