
Ibinenta ng Lasinggerong Ama ang Anak sa Isang Mayaman; Hindi Akalain ng Dalaga ang Pag-Ibig na Matatagpuan
Maagang natapos ang klase ng dalagang si Elise sa araw na iyon. Nais na sana niyang magpahinga dahil sa puyat na natamo sa pag-aaral. Ngunit nagdadalawang-isip siya kung uuwi na ba siya kaagad sa bahay.
Alam niya kasing dadatnan na naman niya sa bahay ang lasing niyang ama at siya na naman ang pagbubuntungan ng galit nito.
Nagpalipas muna siya ng ilang oras sa silid aklatan upang muling mag-aral. Nang bandang hapon ay naisipan na ring niyang tuluyan nang umuwi.
Nang makarating siya sa bahay ay agad na bumungad sa kaniya ang amang si Eddie at lasing na lasing.
“‘Tay, narito na po ako. Mano po,” saad ni Elise habang akmang kukunin ang kamay ng ama upang magmano.
Agad naman itong tinabig ng ama.
“Bakit umuwi ka pa? Hindi ba sabi ko sa iyo ay ayaw na ayaw kitang nakikita dito sa bahay! Saka huwag mo nga akong tatawaging tatay. Ni hindi ko nga alam kung ako ba ang tunay mong ama! Bakit kasi hindi ka pa sinama ng malandi mong ina at iniwan ka pa sa akin!” sambit ng lasing na lasing na si Eddie.
Hindi na lamang ito pinansin ng dalaga. Dumeretso na siya sa kaniyang silid. Kahit nasasaktan ay kailangan niyang tiisin na lamang ang ginagawang ito ng kaniyang ama. Wala din naman kasi siyang matutuluyan at isa pa’y naaawa siya sa kaniyang tatay kung iiwan niya ito ng mag-isa.
Pilit na inilalapit ni Elise ang sarili sa kaniyang ama. Alam niya kasing sa matigas na puso nito ay nagtatago ang pagmamahal para sa nag-iisang anak.
Hindi naman ganu’n dati si Eddie. Isa itong OFW at masipag itong magtrabaho para itaguyod silang mag-ina ngunit isang araw ay bigla na lamang silang nilisan ng kaniyang maybahay. Ang sabi ng ilan ay sumama daw ito sa kaniyang kalaguyo. Simula noon ay hindi na ito matagpuan.
Labis na hapdi sa kalooban ang idinulot nito kay Eddie. Mula noon ay araw-araw na siyang naglalasing upang makalimot sa kahihiyan na dinala ng asawa. Hindi na ito nakapagtrabaho pang muli. Unti-unti nang naubos ang kaniyang ipon at nagkabaon-baon na din sa utang.
Sa kabilang banda ay si Elise naman ang kaniyang pinagbubuntungan. Naaalala daw kasi niya ang asawa sa tuwing nakikita niya ang dalagang anak.
Dahil dito ay hindi rin maiwasan ni Elise na magtanim ng sama ng loob sa kaniyang mga magulang.
Isang araw, habang naghahanda ng almusal, ay bigla na lamang siyang kinausap ng kaniyang ama.
“Gumayak ka. Mamaya ay may pupunta dito. Sumama ka na sa kanila,” sambit ni Eddie sa anak.
“A-anong pong ibig niyong sabihin, ‘tay? Darating po ba si nanay upang kuhain na ako?” nagugulumihanang tanong naman ng dalaga.
“Basta, gumayak ka at sumama ka na lang! Sa pag-alis mo dito ay magkakaroon ka na ng pakinbang sa akin!” muling sambit ng ama.
Hindi alam ni Elise ang kaniyang nararamdaman. Ang akala niya’y darating ang ina at tuluyan na siyang isasama nito. Masaya siyang muling makapiling ang ina ngunit nalulungkot din siya dahil maiiwan niya ang kaniyang ama.
Nang makatapos mag-ayos nitong si Elise ay matiyaga siyang naghintay sa kaniyang ina.
Ngunit laking gulat niya nang dalawang bruskong lalaki ang nagtangkang kuhain siya.
“S-sino kayo? S-saan niyo ako dadalhin?” pagpupumiglas si Elise.
“Sumama ka na lang ng maayos at huwag ka nang mag-eskandalo,” saad ng isang lalaki.
“Ayokong sumama sa inyo! ‘Tay! ‘Tay! “Tay, tulungan mo ako!” walang patid sa pagsigaw ang dalaga.
“Ibinenta ka na ng tatay mo sa boss ko. Kaya sumama ka na sa amin!” dagdag pa ng lalaki.
Napaiyak na lamang si Elise nang marinig niya ito sa kaniyang ama. Sa puntong ito ay napatunayan niyang wala talagang pagpapahalaga sa kaniya ang kaniyang tatay. Wala nang nagawa pa ang dalaga kung hindi sumama na lamang sa mga kalalakihan.
Sakay ng malaking van ay nagtungo sila lalaking bumili kay Elise. Kinakabahan man at puno ng takot ay nangingibabaw pa rin ang lungkot dahil sa ginawa sa kaniya ng ama.
Walang patid ang pagluha ng dalaga. Nang huminto ang sasakyan ay agad siyang pinababa ng mga kalalakihan.
“Huwag kang matakot. Hindi masamang tao ang amo namin. Sa katunayan ay nais lamang niyang tumulong sa iyo,” saad ng lalaki.
Lalong naguluhan ang isip ni Elise.
Nang makapasok na sila sa napakalaking bahay na iyon ay labis ang kaniyang pagkagulat nang makita niya ang isang pamilyar na mukha.
“Elise, ako ang nagbayad sa tatay mo upang makuha ka,” saad ni John, ang pinakamayaman niyang kamag-aral sa kolehiyo at matagal nang may lihim na pagtingin sa kaniya.
“N-ngunit paanong –” hindi na alam ni Elise pa ang sasabihin.
“Madalas kasi kitang subaybayan sa paaralan. Matagal na kitang gusto lapitan at kaibiganin ngunit ilag ka sa lahat. Kaya inutusan ko ang mga tauhan ng daddy ko para malaman ang tunay na nangyayari sa iyo.
Doon ay nalaman kong matagal ka nang pinagmamalupitan ng iyong ama. Nang malaman ko ang sitwasyon mo na ito ay nais kitang tulungan ngunit hindi ko alam kung sa paanong paraan. Kaya naisip na lamang naming bilhin ka sa tatay mo dahil alam naming baon na siya sa utang.
Hindi naman namin inakala na kakagatin ito ng tatay mo,” wika pa ng binata.
Napaiyak muli si Elise.
“Bata pa lamang ako ay wala na akong hinangad kung hindi makaramdaman ng tunay na pagmamahal ng magulang. Ngunit hindi ko akalain na kayang-kaya pala akong ibenta ng tatay ko!” pagtangis ng dalaga.
“Huwag kang mag-alala, Elise. Ngayon ay hindi ka na masasaktan pa ng tatay mo. Tutulungan din kita upang mahanap mo ang nanay mo,” sambit pa ni John.
Pinatira ni John si Elise sa isang condo na kaniyang pag-aari. Ang pamilya na rin niya ang sumagot ng lahat ng gastusin niya sa paaralan at iba pa niyang pangangailangan.
Makalipas ang ilang buwang paghahanap sa ina ni Elise ay natunton nila ito sa isang probinsiya. May bago na itong pamilya. Ang sabi nito ay napilitan daw siyang umalis dahil sa pananakit at laging paghihinala ng ama sa kaniya. Lubos itong nagsisisi sa pang-iiwang ginawa niya sa nag-iisang anak.
Unti-unting natanggap ni Elise ang sinapit ng kaniyang pamilya ngunit umaasa pa rin siya na isang araw ay matatanggap siya ng kaniyang ama.
Samantala, tuluyan nang inamin ni John ang kaniyang nararamdaman para kay Elise. Matiyaga siyang naghintay upang tuluyan niyang makamit ang matamis na oo ng dalaga.
“Sino ba naman ang hindi mahuhulog sa isang katulad mo? Maraming salamat sa iyo, John. Kung hindi dahil sa iyo ay miserable pa rin siguro ang buhay ko. Salamat at dumating ka,” wika pa ni Elise kay John.
Makalipas ang ilang taon ay nauwi rin sa kasalan ang kanilang relasyon.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si Elise na sa lahat ng pinagdaanan niya sa buhay ay may naghihintay pa rin palang magandang kinabukasan sa kaniya.