Nilason ng Babae ang Matandang Kano na Ka-Chat Para Makuha ang Yaman Nito, Sa Kulungan ang Bagsak Niya nang Mabuking Siya
Apat na taon nang nagsasama ang mag-asawang Karen at Jasper. Mayroon silang isang anak na tatlong taong gulang, walang trabaho si Jasper at ganoon rin si Karen, pero nabibili nila lahat ng kanilang luho.
Bagong gawa ang bahay nila, kung dati ay kahoy lang ngayon ay bato na ito at magaganda pa ang mga appliances, iyon ay dahil kay Karen. May ka-chat kasi siyang Kano, tatlong taon niya na itong nobyo at nagpapadala rin ito sa kanya ng pera buwan-buwan.
“Yes daddy, I want the..” sabi ni Karen sa videocall, saglit pa siyang sumulyap kay Jasper.
Bumulong naman at sumenyas ang lalaki, “Microwave oven.” sabi nito.
“Ah! I remember ahm, I want microwave oven cause I want to bake here in Philippines so if you come home here I bake cake for you.” malambing na sabi niya sa Amerikano.
Hindi lihim kay Jasper ang pakikipagrelasyon niya sa iba, magkakuntsaba pa nga sila sa panloloko. Ang mahalaga sa lalaki ay nagagatasan nila ang pensyonadong kano at hindi na niya kailangang magtrabaho, gaganda na ang buhay niya.
“That’s okay, I can send money. Honey, I wouldn’t be able to visit Manila anytime soon,” sagot naman ni Jimmy, ang matandang kano na ka-chat ni Karen.
“Ah, I’m sad daddy, but how about I visit you? If only I have money I will visit you daddy and I will live there with you and take care of you,” nagpanggap pang nalulungkot si Karen.
“That’s a good idea, go ahead and fix your papers, I’ll send extra money for it.” sabi ng kano.
Napangiti naman si Karen, akalain mong microwave lang ang hinihiling niya ay makakarating pa siya sa Amerika ngayon! Ilang minuto lang ang nakalipas ay natapos na rin ang tawag, nagulat pa si Karen nang pagsulyap niya kay Jasper ay nakasimangot ito. Tinaasan niya ito ng kilay at itinanong kung ano ang sinisimangot nito.
“Baka naman mahal mo na yang uto-utong matandang yan? Bakit ka pupunta sa Amerika? Syempre gagalawin ka nyan,” sabi ng lalaki sa kanya.
“Tignan mo tong gunggong na ito. Di ka nag iisip no? Kung galawin man ako nyan, baka isang beses lang kasi mahina na yan. At ano naman? Kung galawin ako lalong mahuhulog sa akin yan, pakakasalan ako tapos pag citizen na ako doon, kukunin ko kayo ng anak natin.” mabilis gumana ang isip ni Karen, hindi naman kasi sila kasal ni Jasper.
“Paano mo kami kukunin edi nabuking tayo?”
“Shunga! Edi sasabihin ko pinsan kita, wala na akong ibang kamag anak kundi ikaw kaya kukunin kita para di ako maho-home sick. O edi pag namatay ang kano sa akin lahat ng pera, doon tayo magpakasal. Maniwala ka sa akin, malapit nang mamatay yan. Itsura palang eh.” nakangisi pa siya.
Napangiti na rin ang lalaki, ayos nga ang planong iyon.
Dahil maraming pera ay mabilis na nalakad ng babae ang mga papeles niya at ilang buwan lang ang hinintay ay nasa airport na siya ngayon sa Amerika. Ang sumundo sa kanya ay mga anak ni Jimmy na may mga edad na rin. Mababait ang mga ito, pag uwi niya sa bahay ni Jimmy ay napangiti pa siya sa sitwasyon ng matanda.
Hindi na ito makatayong mag-isa, mukhang malapit na ngang mamatay.
“Hi my Karen, it’s nice to see you.” mahinang sabi nito.
“Hi Daddy,” malambing naman na sagot ni Karen.
Naging mabait sa kanya ang pamilya ni Jimmy at binibigyan pa rin siya ng pera ng matanda kahit pa kasama na siya nito sa bahay. Perang hinahati niya sa pagpapadala sa kanyang mag ama, at sa pambili ng lason.
Oo, hinahalo niya ang lason sa bawat pagkain ni Jimmy para unti-unting manghina ang matanda. Nitong mga nakaraan ay kitang-kita na ang epekto noon sa katawan nito.
“My daddy Jimmy, I want to marry you. I want to prove how much I love you,” sabi niya rito. Tumango naman ang matanda, bagamat lango sa gamot ay naiintindihan ang sinasabi niya.
Pero kapag minamalas nga naman, bago sila maikasal ay pumanaw na si Jimmy kaya hindi na naituloy iyon. Nang gabing iyon ay agad niyang tinawagan si Jasper sa Pilipinas, ang kapal ng kanyang mukha dahil gamit niya pa ang laptop ni Jimmy.
“Hi honey my darling, I think you should practice english already because you and our daughter coming here!” sabi niya rito.
“Why? I thought he dead? Does him, does him marry you?” barok na sabi ng lalaki, mayabang ito.
“No, the old bastard was not able to marry me, but it is okay. I have enough money, I will steal his belongings in this house, his children wouldn’t notice. See? They did not even notice that I poisoned their dad.” natatawang sabi niya, aba, straight na siya mag Ingles, bagay na bagay nang tumira rito.
Pero ganoon na lamang ang panlalaki ng mata niya nang marinig niyang may pumalakpak sa kanyang likod, paglingon niya ay naroon ang bunsong anak ni Jimmy, si Caitlyn.
“C-caitlyn,” kinakabahan siya. Bakas sa mukha ng babae na narinig siya nito dahil galit na galit ito at namumula ang tenga. Pinipigil rin ang pag iyak.
“I knew it. I knew it!” sabi lang nito.
“Caitlyn, I am just joking with my auntie in Philippines-“
“Don’t move! Don’t you dare move! I’m calling the cops,” sabi nito.
Maya-maya pa ay dumating na ang mga pulis at inaresto ang babae, malakas ang ebidensya dahil lingid sa kaalaman niya ay may hidden camera sa kwarto ni Jimmy upang mabantayan kung maayos ba itong inaalagaan ng private nurse nito.
Ngayon ay nasa Amerika pa rin siya, nakakulong nga lang. Ikinanta niya rin si Jasper pero wala siyang balita kung ano na ang nangyari rito sa Pilipinas. Dinudulog pa ngayon ang kaso niya, pero alam niya sa sarili niyang mahina ang tsansa na makalaya pa siya.
Inihanda niya na ang sarili na pagbayaran ang kasalanan habangbuhay.