Na-stroke ang Dalaga sa Araw ng Kanyang Pagtatanghal; Diyos ang Naging Sandigan Niyo Upang Makabangon
Umiikot ang buhay ni Fiona sa iisang bagay, sa pagsasayaw. Bata pa lamang siya ay nagsasanay na siyang maging bihasa sa larangang ito. Ang nag-iisa talento na kaniyang pinagmamalaki at hinulma niya ng maraming taon. At ngayon ang oras para ilabas niya ang higit pa sa isang daang porsyento ng kaniyang kakayahan para makakuha siya ng scholarship sa isang prestiyosong dance school sa Amerika.
“Ayos ka lang ba?” Tanong ng isang dalagitang tumulong kay Fiona nung muntik na siyang mawalan ng balanse habang siya’y naglalakad patungo sa entablado. “Ok la dy lo.” Bulol na sagot ni Fiona sa dalagitang tumulong sa kaniya.
Kanina pa siya nakakaramdam ng pananakit ng ulo pero mas matindi na ang pananakit nito ngayon. Pero kailangan niyang magsayaw kaya ipinagsawalang bahala niya ang sama ng kaniyang pakiramdam kung hindi ay masasayang lang ang pagkakataong mabingwit niya ang scholarship sa pinakaaasam niyang dance school. Pero nung nagsimula nung tumunog ang musikang sasabayan niya imbes na magsayaw ay bigla na lang siyang natumba bago siya tuluyang nawalan ng malay.
Ang ilang taong pageensayo ay nauwi sa wala. Tinangay ng hangin ang pagkakataon ng dalaga na makapasok sa pinapangarap niyang dance school. Na-stroke si Fiona. Isang pangyayari na bihirang mangyari sa mga taong tulad niya na bata pa. Sa isang iglap ay biglang nagbago ang buhay niya.
“Hindi ba kayo makakaintindi? Gusto kong mapag-isa! Bakit kasi hindi na lang ako namatay kung wala kwenta na rin ang buhay ko!” sigaw ni Fiona sa kaniyang mga magulang.
Simula nung na-stroke si Fiona ay naging miserable na ang kaniyang buhay. Hindi niya matanggap na kailangan siyang alalayan kahit sa pinakasimpleng bagay tulad ng pag-upo mula sa pagkakahiga. Higit sa lahat ay hindi niya matanggap na hindi na siya makapagsasayaw. Dahil dito ay naging iritable si Fiona. Palagi siyang galit. Galit sa sarili, galit sa mga taong nagmamalasakit sa kaniya, galit sa mundo, galit sa Diyos.
“Hindi ko na alam kung ano gagawin! Ayaw nang mabuhay ng anak natin! Hindi ko kakayanin pag mawawala siya!” hagulgol ng ina ni Fiona sa kaniyang asawa.
Lingid sa kanilang kaalaman ay gising ang kanilang anak at naririnig nito ang kanilang usapan. Base sa mga narinig ni Fiona ay hindi lang siya ang nahihirapan bagkus pati ang mga taong nagmamahal sa kaniya. Kung hindi siya matututong lumaban sa hamon sa kaniya ng buhay ay hihilahin din niya pababa ang mga taong nakapaligid sa kaniya.
“Sa tingin mo makakaya ko pang magsayaw ulit? Maaabot ko pa ba ang aking mga pangarap?” Tanong ni Fiona sa nobyo niyang si Tristan. Araw-araw siyang binibisita ng binata pero ngayon lang siya nagkaroon ng lakas ng loob para harapin ito. Tulad ng kaniyang mga magulang ay hindi rin siya sinukuan ni Tristan. Ipinaalala nito sa kaniya ang sabi ng doktor na pansamantala lang ang kaniyang kalagayan. At nangako ang binata na tutulungan siya nitong bumalik sa normal ang kaniyang buhay. Na hindi siya titigil hangga’t hindi niya naabot ang kaniyang pangarap.
“Konti pa. Malapit ka na. Ilang hakbang na lang.” Pagpapalakas ng loob ni Tristan sa kaniyang nobya. Hindi nagtagal ay inumpisahan na ni Fiona ang kaniyang therapy session para manumbalik ang lakas ng kaniyang mga muscles. Hindi maiiwasan na panghinaan pa rin siya ng loob paminsan-minsan pero agad na nakaalalay ang mga taong nagmamahal sa kaniya para muling palakasin ang kaniyang loob. Mahigit isang taon ang lumipas bago tuluyang bumalik sa normal ang kaniyang buhay. Patuloy na lumaban si Fiona hanggang sa nabalikan niya ang dati niyang hilig, ang pagsasayaw.
Mataimtim na nagdasal si Fiona sa simbahan matapos ng misa. Importante ang araw na ito para sa kaniya. Ito ang pangalawa niyang pagkakataon para subukang makakuha ng scholarship sa isang prestisyosong dance school sa Amerika. Handa na siyang abutin muli ang kaniyang mga pangarap. Sa pagkakataong ito ay hindi lang ang kaniyang talento at puso sa pagsasayaw ang bibitbitin niya. Kasama din niya dadalin ang damdamin ng mga taong nagmamahal at patuloy na sumusuporta sa kaniya.
“Congratulations, Fiona!” sigaw ng mga magulang ng Fiona at ni Tristan habang yakap-yakap nila ng mahigpit ang dalaga. Naudlot man ang pagsungkit ni Fiona sa matagal na niyang inaasam na scholarship ay nakuha din niya ito sa bandang huli. Sa tulong ng mga mahal niya sa buhay ay muli bumangon ang dalaga mula sa madilim na bahagi ng kaniyang buhay at buong tapang na hinarap ang mga hamon sa kaniya. Ang kaniyang karanasan ay nagsilbing inspirasyon sa iba na patuloy na lumaban para maabot ang kanilang mga pangarap.