Inday TrendingInday Trending
Pinagbintangang Magnanakaw ng Lalaki ang Matandang, Nagulat Siya nang Puntahan Siya Nito sa Kanyang Bahay

Pinagbintangang Magnanakaw ng Lalaki ang Matandang, Nagulat Siya nang Puntahan Siya Nito sa Kanyang Bahay

Napabuntong hininga si Arnold, kabababa niya lamang kasi ng tricycle at alas siyete na ng umaga. Alas siyete y media ang kanyang presentation sa opisina, tiyak niyang male-late na siya dahil wala pa ring bus papuntang Maynila, galing pa siya rito sa Cavite.

“Kamalas-malasan nga naman oh! Kung kelan kailangan pumasok na maaga saka naman walang masakyan!” Nakabusangot niyang sabi habang naghihintay ng masasakyan. Nangangawit na ang kanyang kaliwang braso dahil sa dami ng kanyang dala, may laptop rin kasi roon dahil maghahanda sila ng kanyang mga ka-opisina para sa kanilang presentation bukas.

Ilang sandali pa ay may natanaw na siyang aircon na bus, nga lamang ay parang zombie ang mga tao na unahang makasakay. Sinuwerte siyang nakasingit kahit papaano, ang laki nga lang ng kaba niya dahil sobrang ipit na siya at baka masira ang kanyang laptop.

“Alam mo namang nasa laptop mo yung mga files natin, dapat mas maaga kang gumising!” sabi ng isa sa mga ka-team niya sa opisina. Halos 8:30 na kasi siya nakarating at hindi na siya umabot sa presentation.

“Pasensya na, hindi kasi talaga maunawaan ang traffic sa Cavite. Minsan sobrang aga, minsan sobrang late naman,” paliwanag niya.

Pumagitna naman ang kanilang boss, “Stop arguing, bibigyan ko nalang kayo ng isa pang chance para mag-present. Tomorrow, same time. Pero gusto ko wala nang late at last na ito ha?” sabi nito.

Masaya namang napatango si Arnold at ang kanyang mga ka-team. Pero dahil siya ang dahilan kaya nagka-aberya, matabang ang turing ng mga kasamahan niya sa kanya maghapon. Hindi siya pinagkikibo ng mga ito at sa kanya iniiwan lahat ng mahihirap na trabaho.

Pag uwi niya tuloy ay talagang ubos ang enerhiya nya at lupaypay siya sa pagod. Nakasabit sa kanyang balikat ang kanyang bag habang bitbit niya naman sa kaliwang kamay ang isa pang bag na kinalalagyan ng laptop.

Pagbaba niya ng bus sa waiting shed ay madalang na ang tao at wala nang tricycle.

“Diyos ko po, napakalayo kung lalakarin ko..” halos nauupos nang sabi niya, gustung gusto niya nang umuwi at matulog.

Naupo nalang siya sa waiting shed at inilapag muna ang isang bag sa kanyang tabi habang naghihintay ng tricycle. Nagulat na lamang siya nang mula sa kanyang likuran ay may mahina siyang mga kalabit na naramdaman.

Paglingon niya ay naroon ang isang matandang pulubi, nakatingin ito sa kanya.

“Toy, baka pwedeng malaman kung anong oras na,” sabi nito.

Hindi niya ito kinibo at tumingin siya sa malayo, pero tinabig niya ang kamay nito. Aba, baka mamantsahan pa ng grasa sa kamay nito. Isa pa, baka modus lang nito iyon tapos ay hahablutin ang cellphone niya o ang relong suot niya. Hindi na naman nangulit ang matanda, sumandal na lamang ito sa isa pang mahabang upuan sa waiting shed at akmang matutulog na.

Buti na lamang ay may dumating nang tricycle, sa wakas! Agad tumayo si Arnold at sinabi sa driver kung saan ang kanila. Ang saya niya, sa wakas ay makakapahinga rin.

Pag uwi sa bahay, hihiga na lamang siya nang maisip niyang tila ba may nalimutan siya, hindi niya matukoy kung ano. Cellphone, wallet.. anak ng puto!

Naiwan niya ang laptop!

Naroon lahat ng files na kailangan nila sa pagpe-present at bukas na ang huling chance nila sa boss. Nai-imagine niya na kung paano siya susumbatan ng mga kasama at kung paano siya papagalitan ng kanilang amo.

Palabas na siya ng bahay, halos alas onse na ng gabi nang makarinig siya ng mga katok. Nang buksan niya iyon ay nagulat pa siya nang makita ang matanda.

“Ah talagang sumunod kayo rito para bwisitin ako wala akong panlimos! Diyos ko manong, nagbabahay bahay pa kayo natutulog na ang mga tao mangbuburaot kayo!”bulyaw niya, dito niya naibunton ang inis at pagkaktaranta niyang nararamdaman.

“Pasensya ka na kung nagising kita, kalahati na ang nalalakad ko, buti nalang ay nasalubong ko yung tricycle driver na naghatid sayo kaya naitanong ko kung saan itong inyo. Naiwan mo lang ito..” sabi ng matanda at iniabot sa kanya ang kanyang bag na naglalaman ng laptop.

Tulala naman si Arnold, kung tutuusin ay maaari na nitong ibenta iyon at pagkakitaan. Pero mas pinili nitong iabot iyon sa kanya.

Pahiyang pahiya siya, porke pulubi kasi ang matanda ay pinag isipan niya na ito ng masama.

“Sorry manong,” nasabi nalang niya.

Inalok niya itong pumasok sa kanilang bahay upang kumain dahil halata namang wala itong matitirhan pero tumanggi ang matanda, maglalakad na raw ito pabalik dahil baka maunahan ng ibang pulubi sa waiting shed.

Kinabukasan pag uwi ni Arnold mula trabaho ay talagang hinintay niya ang lolo, binilhan niya kasi ito ng pagkain pauwi. Inabutan niya rin ito ng kaunting pera. Mula noon ay palagi niya na itong binibilhan ng siopao o kahit na anong makakain, kurot lang sa sahod niya pero malaking bagay na iyon sa isang taong nangangailangan.

Natuto na rin siyang huwag maging mapanghusga sa kapwa.

Advertisement