Tinapos ng Estudyante ang Kanyang Buhay Dahil sa Pinag-iinitan at Ipinapahiya Siya ng Guro
Nagtuturo sa mga third year high school student si Ms. Merla Dela Cruz, kilala siyang masungit at terror. Ayaw niya ng tatanga-tanga sa klase niya, wala siyang pakialam kung magalit ang magulang at talagang namamahiya siya ng estudyante.
Isang araw ay kabado ang lahat dahil graded recitation nila, may isang garapon si Merla na naglalaman ng pangalan ng mga estudyante at kung sino ang mabunot niya ay iyon ang sasagot sa unahan.
“O, pag sinuswerte nga naman. Yung laging absent, may natututunan pa kaya ito? Tayo na! Adela!” tawag niya sa estudyante. Naghagikgikan ang marami at napapahiyang tumayo ang dalagita, nakatungo pa ito na naglakad papunta sa unahan.
“What is an alebraic expression?” paunang tanong niya.
Namutla ang dalagita, napangisi naman si Merla. Halatang halata naman kasing di nito alam ang sagot. Kadalasan, kapag limang segundo na ay pauupuin niya na ang estudyante at mamarkahan na lamang ng zero ito pero iba ngayon, nais niya talagang pahiyain si Adela.
“O? Di mo alam?” malakas na sabi niya, napapahiya naman itong tumango.
“Pasensya na ho, ang notebook ko-“
“Di ka mahal ng mama mo?” sabi niya dahilan upang matawa ang iba, nangilid naman ang luha ng dalagita at hindi nakasagot.
“An algebraic expression is an expression built up from integer constants, variables, and the algebraic operations- addition, subtraction, multiplication, division and exponentiation by an exponent that is a rational number! Di mo naintindihan no?” sabi niya rito.
Ilang sandali pa ay di niya pa rin pinapaupo ang dalagita, nakatayo lamang ito habang nagkaklase siya.
Palagi niya nang ginaganoon si Adela dahil palagi rin itong di makasagot.
Isang hapon ay pauwi na si Merla, ikinalawit niya lamang ang pintuan ng kanyang classroom. Ibinilin niya naman sa janitor na ikandado na lamang iyon bago ito umuwi.
Nasa pasilyo na siya palabas ng gate nang mapansin niya si Adela kaya napairap siya. Ang ibang estudyante ay kanina pa nakauwi samantalang ito ay nakatayo doon, baka naghihintay sa boyfriend.
“Ang bata bata mo pa malandi ka na,” bungad niya rito.
“Ma’am?” gulat namang sabi nito.
“O diba? Kaya di ka pa nauwi? Walang mangyayari sa buhay mo, pangako ko yan sayo. Malandi ka kasi,” sabi niya at tinalikuran na ito, dumiretso na siya sa kanyang kotse.
Kinabukasan ay abalang nagsusulat ang mag estudyante nang mapasigaw si Merla dahil wala ang kanyang laptop. Iniiwan niya lamang iyon sa cabinet sa kanyang classroom dahil mabigat kung iuuwi niya palagi sa bahay.
P*nyatera, naroon ang kanyang mga lesson plan!
“Malaman ko lang na isa sa inyo ang magnanakaw, humanda talaga sa akin!” sigaw niya.
Pilit siyang nag isip, at isa lang ang na-realize niya. Isang estudyante lang ang nakita niyang nananatili pa rito kahit nakauwi na ang lahat.
“Adela!”
Takot naman na napatayo ang bata. “Tignan mo! Sindak na sindak ka! Ninakaw mo yung laptop ko pang-date nyo ng boyfriend mo!”
“M-ma’am wala ho akong boyfriend,” umiiyak na sabi nito.
“Malikot ang kamay mo! Nagkakaila ka pa, alam mo kung ako ang nanay mo iiwanan kita! Pababayaan kita kasi malandi kang bata ka!” sabi niya at di napigilang mahampas ito.
Sa sobrang pagkapahiya ay tumakbo palabas ng classroom ang dalagita, “Wag ka nang babalik! Magnanakaw! Malandi!” sigaw niya.
Kinabukasan ay naka-leave si Merla kaya nakapahinga siya nang kaunti.
Pagbalik niya sa eskwelahan ay nanlaki ang mata niya nang mapasulyap sa likuran ng kanyang kotse bago siya bumaba. Naroon ang kanyang laptop! Marahil ay nakaligtaan niya lamang na inilagay niya pala doon. Hindi man lang siya nakaramdam ng konsensya sa pagbibintang at pamamahiya niya kay Adela, wala namang kwenta ang estudyanteng iyon kaya di na siya hihingi ng tawad.
Nagulat pa siya dahil medyo maraming magulang ang naroon. Ang sama ng tingin ng ilan sa kanya.
“Kawawa nga eh. Dito nalang daw masaya sa eskwelahan, binubully pa ng mismong teacher,” sabi ng isa sa mga ito.
Dire-diretso siya sa paglalakad at bago pa siya makarating sa kanyang classroom ay hinarang na siya ng principal, “Doon tayo sa opisina ko Merla.” seryoso ito.
“Ma’am, narinig ko na ang usap usapan. Tungkol ito sa estudyante kong si Adela diba? Hayaan nyo na sya kung gusto nyang mag drop out, wala na rin namang patutunguhan ang buhay ng batang iyon.” sabi niya.
“Hindi mo naiintindihan Merla.” naguguluhang sabi nito.
“Palamuti lang ho iyan sa klase ko Ma’am, simpleng tanong ay di makasagot.” sabi niya pa.
“Nagpakamatay si Adela.”
“H-ho?” nagsimulang kumabog ang kanyang puso.
“Iniwan daw ng nanay, ginagahasa pala ng amain kaya ayaw umuwi. Tapos, dito daw sa school kahit papaano ay nakakatakas siya sa masalimuot niyang buhay, pero nabu-bully pa.”
Hindi na alam ni Merla ang mga sumunod na sinabi ng punong guro dahil parang nabingi na siya, kinakain siya ng konsensya niya at ng pagsisisi.
Siya na ang kusang nag-resign, bigo siya sa kanyang tungkulin. Hindi niya nagampanan ang layunin ng isang tunay na guro, ang gumabay sa mga estudyante at linangin ang kanilang pagkatao.
Higit sa lahat, hindi niya napanindigan ang pagiging ‘ikalawang ina’ para dito.