Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Babae ay Nawalan ng Memorya ang Lalaki; Nang Magbalik ang Alaala Nito’y Biglang Natakot ang mga Magulang Niya

Dahil sa Babae ay Nawalan ng Memorya ang Lalaki; Nang Magbalik ang Alaala Nito’y Biglang Natakot ang mga Magulang Niya

“Aba, bakit nagsulputan ang mga ito?!” gulat na wika ni Roy nang biglang may mga hayop na tumawid sa daan.

“Eee! Ang mga alaga ko!” sigaw naman ng babae nang makitang babanggain ng kotse ang mga alaga niyang kambing na nakawala sa kulungan.

Nasapol ng sasakyan ni Roy ang tatlong kambing pagkatapos ay bumaranda ang kotse niya sa katabing kanal. Tumilapon naman ang mga kambing sa kabilang kalsada na wala nang mga buhay. Nawalan ng malay si Roy at duguan ang ulo sa nangyaring aksidente. Naawa ang babaeng nagmamay-ari sa mga nakawalang kambing at tinulungan ang lalaki. Inialis nito si Roy sa kotse at nagpatulong sa ama na dalhin sa kanilang kubo.

Ginamot ng matanda ang sugatang si Roy ngunit wala pa rin itong malay kaya napa-iyak na sa takot ang anak na si Miranda.

“Kailangang malapatan muna siya ng pangunahing lunas bago dalhin ang lalaking ito sa kabayanan bukas,” wika ni Mang Bianong habang nilalanggas ng halamang gamot ang sugat sa ulo ni Roy.

“Ako po ang may kasalanan sa aksidenteng ito, itay,” lumuluhang tugon ni Miranda sa ama.

“Eh, bakit mo naman kasi hinayaang makawala ang mga kambing natin?” tanong naman ng inang si Aling Chayo.

“Hindi ko naman po sinasadya, inay. Hindi ko nalamayan na wala palang kandado ang kulungan ng mga alaga nating kambing kaya nakawala ‘yung iba at biglang tumawid sa daan,” humihikbing sagot ng anak.

Nang matapos gamutin at maayos na ang lagay ng lalaki, isang portamonedang katad ang iniabot ni Miranda sa ama.

“Nalaglag ‘yan, itay sa kanyang bulsa nang buhatin niyo siya kanina,” sambit ng anak.

“A-Atorni…Roy Villaruz… Abogado pala siya, anak, at binata. Ayon dito sa kanyang sedula ay taga-Maynila ang lalaking ‘yan,” hayag ni Mang Bianong.

“Diyos ko! Tiyak na idedemanda niya ang anak natin kapag natauhan siya!” takot na takot na sabi ni Aling Chayo.

Halos magdamag na ‘di nakatulog si Miranda sa pagbabantay sa lalaki. Mabuti’t nang magbukang-liwayway na ay nagising na ito.

“B-bakit ako naririto?! S-sino ka?!” gulat nitong tanong.

“Huwag ho kayong malikot at baka dumugo ang sugat mo sa ulo. Ako nga pala si Miranda,” sagot ng babae.

Pilit na inalala ni Roy ang nangyari ngunit…

“M-Miranda? A-ako naman si…s-si…h-hindi ko matandaan ang aking pangalan! Nakalimutan ko!” sambit ni Roy na mistulang nahihilo pa.

“Nakalimutan niya na siya si Atty. Roy Villaruz… bunga marahil ng pagkakabagok ng kanyang ulo!” gulat na sabi ni Miranda sa isip.

Dali-dali siyang tumakbo sa mga magulang na nasa kusina na noo’y naghahanda ng almusal.

“Itay, inay, natauhan na siya… ngunit nakalimutan niya kung sino siya,” aniya.

“Ano kamo? Nagkaroon siya ng amnesiya! Mabuti ang nangyaring ‘yan, anak,” tugon ni Mang Bianong.

“Ano? Paanong naging mabuti?” tanong ni Aling Chayo.

“Itay, hindi ko kayo maintindihan. Maselan ang kalagayan niyang iyon. Bakit hindi natin siya dalhin sa ospital sa bayan?” nag-aalalang tanong ni Miranda sa ama.

“Upang mabunyag ang pangyayari? At humantong ka sa bilangguan, Miranda? Hindi ako papayag, anak! Ililihim natin sa kanya ang nangyari. Sabihin nating nakita natin siyang walang malay-tao sa ibaba ng burol. Ipinahila ko na rin sa alaga nating kabayo ang kanyang sasakyan at dinala sa masukal na lugar para walang ebidensiya,” hayag ni Mang Bianong.

“Bianong, natatakot ako sa balak mong ‘yan,” sabad ni Aling Chayo.

“Kaysa naman makulong ang anak mo. Nanaisin mo ba ‘yon?” sagot ng lalaki sa asawa.

Hindi na nakatutol ang mag-ina sa pakana ni Mang Bianong.

Lumipas pa ang mga araw at tuluyang gumaling ang sugat sa ulo ni Roy sa ulo na ngayon ay kilala sa tawag na Anselmo. Pinangalanan nila ang lalaki dahil hindi nga nito maalala ang totoo nitong pangalan kaya iyon ang naisip nilang itawag dito.

“Sayang naman ang bukid ninyong ito kung nakatiwangwang lang,” sambit ni Roy nang mapansin ang lupang sakahan sa likod-bahay nina Miranda.

“Hindi na kasi kayang asikasuhin nina itay at inay. Sakitin na sila dahil sa katandaan. Hindi na nila kayang mag-araro at isa pa, namat*y na rin ang kalabaw naming ginagamit noon sa pag-aararo sa bukid. Sayang nga, eh, mahalaga pa naman ang bukid sa kanila,” sagot ng dalaga.

“Ako na lang kaya ang mag-araro sa bukid?” tanong ng lalaki.

“Naku, hindi uubra! Mukhang hindi ka sanay sa bukid, eh,” natatawang tugon ni Miranda.

Sa maikling panahon na nakilala at nakasama ni Miranda si Roy ay nalaman niyang mabait pala ito at may mababang kalooban. Ganoon din si Roy kay Miranda, napagtanto ng lalaki na bukod sa gandang panlabas ay busilak din ang puso ng dalaga. Ang pagiging malapit ng dalawa sa isa’t isa ay hindi naman lingid sa mag-asawang Bianong at Chayo.

“Mukhang nagkakaunawaan na sila, Chayo. Hindi ako tutol kay Anse…este kay Roy… mabait at magalang siyang lalaki,” wika ni Mang Bianong sa asawa.

“Ako man, Bianong. Ang ikinakatakot ko lang ay paano kung magbalik sa dating kaispan si Roy? Tiyak na kapopootan niya tayo lalo na si Miranda,” sagot ng maybahay.

Samantala, magkasamang namamasyal sina Roy at Miranda nang magtapat na ang lalaki.

“Hindi ko man alam ang aking nakaraan, Miranda, ngunit sapat na ang kasalukuyan upang makilala ka at paka-ibigin. Gusto kita, Miranda. Mahal kita,” hayag ng lalaki na hinawakan ang mga kamay ng babae.

“Iniibig din kita, Anselmo… sa pagiging Anselmo at hindi ang iyong nakaraan,” sagot ni Miranda. “Diyos ko, kung kasalanan mang maituturing ay ipahintulot niyo na pong manatili si Anselmo sa kaisipang ito at tuluyan na niyang makalimutan ang kanyang kahapon. Mahal na mahal ko na siya,” saad pa niya sa isip.

Kinaumagahan, natigilan na lang ang mag-anak ni Mang Bianong nang ‘di na nila nagisnan si Roy. Bigla na lang itong umalis at ‘di nagpaalam. Ngunit isang liham ang natagpuan nila sa kuwarto nito. Agad na binasa iyon ni Miranda sa harap ng magulang.

“Babalik ako! Roy,” saad nito sa liham.

Namutla ang dalawang matanda matapos malaman ang nilalaman ng liham ng lalaki.

“Diyos ko! Roy ang kanyang inilagay na pangalan sa sulat! Kung gayo’y…” sambit ni Mang Bianong.

“Malaking gulo ito, Bianong…tiyak na pagbalik niya ay may kasama na siyang mga pulis,” nag-aalalang sabi ni Aling Chayo.

Si Miranda naman ay nag-iiyak at patakbong lumabas ng kanilang kubo.

“Miranda! Saan ka pupunta?” sigaw ng ama.

“Hayaan mo siya… siguradong pupunta iyon sa bukid na palagi nilang pinupuntahan na dalawa. Doon niya marahil itatangis ang kanyang naunsyaming pag-ibig kay Roy. Kawawa naman ang anak natin,” naluluha na ring sambit ni Aling Chayo.

Nang sumunod na araw ay mas lalo silang nagulat nang may mapanood sila sa telebisyon. Kitang-kita nila sa balita na nahanap na ang anak ng sikat na mag-asawang negosyante na matagal nang nawawala. Hindi sila makapaniwala na ang lalaking nahanap na ng mayamang magulang ay walang iba kundi si Atty. Roy Villaruz na anak pala ng mag-asawang Rodrigo at Cecilia Villaruz na mga kilalang business tycoon sa bansa. Halos atakehin sa puso ang mag-asawang Bianong at Chayo sa natuklasan.

“Lagot na tayo, Bianong! Para tayong bumangga sa pader,” mangiyak-ngiyak nang sabi ni Aling Chayo sa asawa.

“Malay ko bang ubod pala ng yaman ang pamilya niya. Ano nang mangyayari sa atin ngayon?” kinakabahang tugon ng lalaki.

Ngunit walang anu-ano’y ginulantang ang mag-asawa ng malakas na busina ng sasakyan sa labas ng kanilang kubo.

“S-si Roy na iyan, Chayo!” natatarantang wika ni Bianong.

“Diyos ko po! Anong ikakatwiran natin sa kanya?” takot na takot na tugon ng asawa.

Halos panabay na dumungaw ang dalawa sa bintana para tingnan ang dumating at gayon na lang ang kanilang pagtataka nang masilayan si Roy.

“Itay, inay! Tingnan niyo itong mga kalabaw na binili ko sa kabayanan! Bukas ay traktor naman ang dadalhin ko rito para masimulan nang buhayin ang pat*y na bukid ninyo!” sigaw ng lalaki na may dalang dalawang kalabaw.

“Ang akala namin ay galit ka sa amin dahil inilihim namin ang totoo sa iyo. Patawarin mo kami, hijo. Natakot lang kami na baka ipakulong mo ang anak naming si Miranda sa nangyaring aksidente,” wika ni Mang Bianong.

“Hinding-hindi ko po magagawang magalit sa inyo lalung-lalo na kay Miranda dahil napamahal na kayo sa akin. Umalis ako para ipaalam sa aking mga magulang na ako’y ligtas at walang anumang nangyari sa akin. Bumili rin po ako ng mga kalabaw na magagamit niyo sa pag-aararo sa bukid dahil sinabi sa akin ng inyong anak na mahalaga raw po ang bukid na iyon sa inyo. Huwag po kayong mag-alala, umupa rin ako ng mga taong tutulong upang muling buhayin ang napabayaan niyong bukid. Sinabi ko rin po sa aking mama at papa na kayo ang tumulong sa akin at dito ko nahanap ang babaeng paka-iibigin ko habang ako’y nabubuhay,” sagot ni Roy sa mag-asawa.

Sa mga sinabing iyon ng lalaki ay napanatag na sina Bianong at Chayo.

“Kung gayon ay sundan mo si Miranda sa bukid, hijo. Nang umalis ka’y palagi na siyang nagpupunta roon para itangis ang kanyang kalungkutan sa iyong pagkawala,” tugon ni Aling Chayo.

“Dali-daling nagtungo si Roy sa bukid at natunton nga niya roon si Miranda na umiiyak.

“Miranda!” sigaw niya.

Agad na napalingon ang babae. Tumigil ito sa pag-iyak nang makita siya. Laking tuwa nito sa kanyang pagbabalik.

“Ansel… R-Roy!” malakas na hiyaw ni Miranda sabay yakap sa lalaki. “Patawarin mo kami sa pagkakaila sa iyo ng katotohanan. Natakot kasi si itay na ako’y iyong ipakulong,” naluluhang sambit ng dalaga.

Natawa ang lalaki.

“Patawarin mo rin ako, sa aking pagkukunwaring may amnesia. Ginawa ko iyon dahil ayaw ko nang malayo sa iyong piling, mahal ko,” bunyag ni Roy saka hinawakan ng mga palad ang magkabilang pisngi ni Miranda.

“A-ano?!”

“Oo. Wala talaga akong sakit sa limot. Nang masilayan kita noong ako’y magising ay nagkunwari na akong mayroong amnesia para matagal akong manatili sa inyo. Una palang kitang nakita ay tumibok na sa iyo ang aking puso,” pag-amin pa ni Roy.

“O, Roy… ikaw talaga, mahal ko!”

Sa natuklasan ay ‘di napigilang mapabungisngis ni Miranda sabay kurot sa tagiliran ng lalaki.

‘Di nagtagal ay ipinakilala ni Roy si Miranda at ang pamilya nito sa mga magulang niya. Napag-alaman naman ng pamilya ng babae na mabubuting tao ang magulang ng lalaki. May pinagmanahan pala ang pagiging mabait at simpleng tao ni Roy dahil ganoon din ang ama at ina ng lalaki na kahit mayaman at sikat ay ‘di matapobre. Makalipas ang ilang linggo ay idinaos naman ang kanilang marangyang kasal na kinainggitan nang marami dahil napakasuwerte raw ni Miranda na napangasawa ang magaling na abogado na si Atty. Roy Villaruz na nagmula sa tinitingalang angkan sa bansa.

Sadyang pinagbuklod ng langit ang dalawang pusong nagsimula sa kasinungalingan ngunit tunay na pag-ibig naman ang kinahantungan.

Advertisement