Palaging Sawi sa Pag-Ibig ang Kaibigang Matagal nang Tinatangi ng Dalaga; Kaya Isang Gabi ay Ipinagkaloob Niya ang Sarili Rito

Palaging Sawi sa Pag-Ibig ang Kaibigang Matagal nang Tinatangi ng Dalaga; Kaya Isang Gabi ay Ipinagkaloob Niya ang Sarili Rito

HeartbreakingLoveStories

Musmos palang sina Mechie at Reo ay magkaibigan na sila. Nang parehong pumanaw ang mga magulang nila ay sila na ang naging magkaramay. Hindi rin sila naglilihim sa isa’t isa. Pati usaping puso ay bukas si Reo kay Mechie kaya alam ng dalaga na may nobya na ang kaibigan.

Minsan ay nagsabi si Reo na ipakikilala ang nobya kay Mechie subalit tila hindi na matutuloy.

“O, akala ko ba, ipakikilala mo ako sa nobya mo, Reo,” sabi ng dalaga sa kaibigan nang pumunta ito sa bahay niya.

Malungkot ang mukha ng lalaki.

“Parang duda siya, eh… ayaw niyang maniwalang magkaibigan lang tayo. Sa isip niya’y may namumuong relasyon sa ating dalawa,” sagot ng kaibigan.

“Aba, eh, tipong selosa pala ang nobya mo. Siyempre may relasyon tayong dalawa, relasyong magkaibigan ang tawag doon,” wika ni Mechie.

“Ganoon nga… pero dahil mahal ko siya, handa ko siyang unawain,” tugon ni Reo.

Nawala ang ngiti sa mga labi ni Mechie sa sinabi ng kaibigan.

“Napakasuwerte niya dahil ikaw ang nobyo niya, Reo. Napakasuwerte niya,” sabi ng dalaga sa kausap.

Ngunit ang pagkikita nilang iyon ay hindi na nasundan. Isang buwang hindi dumalaw si Reo sa bahay ni Mechie. Labis na pangungulila at lungkot ang naramdaman ng dalaga. Ang totoo’y siya pala ang naglilihim sa kaibigan, hindi niya magawang ipagtapat dito ang tunay na nasa loob ng puso niya. Mahal ni Mechie si Reo na higit pa sa kaibigan.

“P-pinagbabawalan siguro siya ng nobya na pumunta rito. Sana’y siya ang tamang babae para sa kanya,” sambit ni Mechie sa isip.

Matapat sa loob ni Mechie ang layuning iyon sa lalaki kahit na may nararamdaman siyang kirot sa puso.

Isang araw, bigla na lang nagpakita ulit si Reo sa kanya.

“R-Reo…” aniya.

“M-Mechie… huwag mo sana akong itatakwil bilang kaibigan,” sambit nito sa malungkot na naman ang tabas ng mukha.

Nahinuha agad ni Mechie na may problema ang kaibigan.

“A-ano’ng problema, Reo? Sabihin mo sa akin.”

“Ikaw lang ang alam kong makakatulong sa akin para madali kong malimot ang selosa kong nobya. Break na kami ni Milet,” sagot ng lalaki.

“H-ha?” gulat na sambit ng dalaga.

Nakikiramay ang isip ni Mechie sa pagkabigo ni Reo pero hindi ang kanyang puso dahil ang ibig sabihin noon, dadalas na naman ang pagdalaw nito sa kanya.

“S-sorry ha, kung ilang araw din akong hindi nagpakita sa iyo. Sinunod ko lang ang gusto niya na iwasan ka, pero wala eh, selosa pa rin siya,” paliwanag pa ng kaibigan.

“Wala iyon. Wala kang dapat panghinayangan sa kanya. Masyado siyang makasarili,” tugon ni Mechie.

Mula noon ay sumigla na ulit si Reo at unti-unti nitong nakalimutan ang dating nobya. Palagi ulit silang magkasama ng lalaki. Ang akala tuloy niya ay uunlad pa sa higit sa magkaibigan ang relasyon nila ngunit nagkamali siya dahil makalipas ang ilang buwan ay…

“M-Mechie, si Cindy, nobya ko,” bungad ni Reo nang bumisita ito sa kanya na may kasamang babae.

“H-Ha?!”

Ikinagulat talaga ni Mechie ang pagpapakilalang iyon ng lalaki kay Cindy. Halos hindi siya nakapagsalita at parang gusto nang maiyak sa kinatatayuan pero pinigilan pa rin niya ang sarili at hindi nagpahalata.

“A, eh, nice meeting you, Cindy,” tangi niyang nasambit.

Nang makaalis ang magkasintahan ay laking pagtataka ng mga ito.

“Nabigla yata ang kaibigan mo, Reo,” sabi ng babae.

“O-oo nga, eh… wala kasi akong inililihim sa kanya, eh. Nahihiya nga ako dahil ngayon ko lang sinabi sa kanya na tayo na,” sagot ni Reo sa nobya.

Nang muling magkausap ang magkaibigan ay humingi ng paumanhin si Reo kay Mechie na binigla niya ito.

“S-sorry, Mechie kung inilihim ko sa iyo ang tungkol kay Cindy.”

“N-nabigla lang ako, Reo. Hangad ko na siya na talaga ang babae para sa iyo. Napag-usapan niyo na ba k-kung kailan kayo lalagay sa tahimik? I mean, kung kailan kayo magpapakasal?” tanong ni Mechie.

“Ayaw pa niya, eh… pero tatapatin kita, nagsasama na kami, eh. Doon na rin siya nakatira sa condo unit ko,” tugon ni Reo.

Napapikit si Mechie sa pagtatapat na iyon ng kaibigan. Tahasang sinabi ng lalaki na nagsasama na ito at ang nobya sa iisang bubong.

“G-ganoon ba? Masaya ako na masaya ka na ulit, Reo, pero sana maisip mo rin na kung siya na ang tamang babae para sa iyo, magawa mo siyang iharap na sa altar,” hayag ni Mechie na sa loob ay nagdurugo ang puso.

Nang makaalis si Reo ay hindi na niya napigilan pa ang umiyak sa sobrang sama ng loob. Wala na siyang pag-asa pa sa puso ng lalaki. Sa tingin niya ay iyon na ang kanyang huling pagluha para rito. Handa na siyang magpaubaya para sa ikaliligaya nito.

Ngunit makalipas ang tatlong linggo ay muli na namang dumalaw sa kanya si Reo, lasing na lasing ito at umiiyak.

“Ang malas-malas ko talaga, hik!” lulugu-lugong sabi ng lalaki na susuray-suray pa sa paglalakad.

“R-Reo… a-anong nangyari? Bakit ka naglasing?” nag-aalalang tanong ni Mechie na inalalayan na ang kaibigan.

“Akalain mo… kaya pala ayaw pakasal sa akin si Cindy dahil may balak palang sumama sa ibang lalaki, hik!” lumuluhang tugon ng lalaki.

“A-ano?!” gulat na gulat na sambit ng dalaga sa sinabi ng kausap.

Nang bigla siya nitong niyakap nang mahigpit. Hindi na siya nakatanggi.

“B-bakit hindi ako makatagpo ng babaeng tulad mo, hik!” anito.

“R-Reo…”

“Huwag mo akong itatakwil, Mechie, hik!” wika pa ng lalaki na pilit na tinanggal ang suot niyang damit pantulog habang hinahalikan siya nito sa pisngi, sa leeg, sa dibdib.

“H-huwag, Reo…” pagpigil ng talaga sa gustong mangyari ng lalaki ngunit sadyang mahigpit ang yakap ng mga bisig nito sa katawan niya hanggang sa tuluyan na siyang nadarang sa ginagawa sa kanya nito.

“Tulungan mo akong makalimot, hik!” bulong pa nito sa tainga niya.

Kahit ano ay ibibigay ni Mechie para kay Reo. Kung makakatulong iyon sa lalaki ay handa niyang gawin kahit pa ang kaytagal niyang iningatan na pagkababae pa ang kapalit.

Pagkatapos nang nangyari sa kanila ay walang kaalam-alam si Reo. Inilihim niya sa lalaki ang isang gabing namagitan sa kanila. Nang magising nga ito ay wala itong matandaan sa nangyari. Ang sabi na lamang niya ay sa bahay niya ito nakatulog sa sobrang kalasingan.

Samantala, dahil sa kagustuhan ni Reo na makalimot sa sakit na pinagdaanan sa dating nobya ay nagdesisyon siyang magtungo sa Maynila upang doon magtrabaho ngunit ilang buwan lang ay bumalik na ulit siya sa probinsya dahil hindi sanay sa buhay sa lungsod. Sa kanyang pagbabalik ay nagulat siya nang makitang malaki na ang tiyan ni Mechie na nasa ikasiyam na buwan na ng pagbubuntis.

“S-sino’ng ama niyang dinadala mo, Mechie? ‘Di mo ibinalita sa akin na may nobyo ka na pala?” tanong ng lalaki nang puntahan nito ang bahay ng kaibigan.

Hindi na nakapagkaila pa si Mechie.

“A-ang totoo’y wala akong nobyo o asawa, Reo. I-ikaw ang ama nitong ipinagbubuntis ko. Naaalala mo ba nung lasing na lasing kang pumunta rito? May nangyari sa atin noon at ito ang naging bunga,” bunyag ni Mechie saka itinuro ang tiyan.

“A-ano?! B-bakit hindi mo sinabi sa akin?” gulat na tanong ng lalaki.

“Kasalanan ko rin naman, eh, nagpaubaya ako sa iyo. Wala kang dapat ipag-alala, hindi ko naman ipapaako sa iyo ang anak ko. Wala kang pananagutan sa akin dahil ginusto ko naman ang nangyari,” sagot pa ng kaibigan.

“Bakit mo pinayagang mangyari ‘yan sa iyo? Sana’y sinampal mo ako o sinuntok ng ubod lakas para natauhan ako noon,” giit pa ng lalaki.

“Wala naman akong pinagsisisihan dahil mahal kita, Reo. Oo, inaamin ko nang mahal kita noon pa. Ibinigay ko sa iyo ang aking sarili dahil noon pa man ay may pagtingin na ako sa iyo. Hindi ko na hinahangad na suklian mo ang pag-ibig ko, may naibigay ka naman sa akin na magandang alaala,” tugon pa ni Mechie sabay himas sa nakaumbok na tiyan.

Namalayan na lang ni Reo na pumapatak na ang luha sa mga mata niya. Nalaman niya na matagal na pala siyang iniibig ng kanyang kaibigan ngunit hindi man lang niya ito binigyang pansin.

“Patawarin mo ako, Mechie kung hindi ko naiparamdam sa iyo ang nararamdaman mo sa akin noon, pero hayaan mong iparamdam ko ito sa iyo ngayon. Anak natin ang nasa sinapupunan mo kaya may pananagutan na ako sa iyo at sa kanya. May karapatan ako sa dinadala mong ‘yan dahil ako ang ama. Alam ko na ang sagot kung bakit hindi ako makatagpo ng babaeng tulad mo, dahil ikaw na mismo ang hinahanap ko. Ikaw ang babaeng karapat-dapat kong mahalin at iharap sa dambana. Bumalik ako rito sa probinsya dahil hindi ko pala kayang mawalay sa piling mo. Mahal din kita, Mechie. Papakasal tayo at gagampanan ko ang pagiging asawa at ama sa inyong mag-ina,” hayag ni Reo kay Mechie sabay yakap na mayroong pagmamahal na higit pa sa kaibigan.

“O, Reo… salamat,” masayang tugon ni Mechie na sa wakas ay nakamtam na ang pag-ibig na inaasam sa lalaking matagal din niyang hinintay na ibalik ang pag-ibig niya.

Ilang araw matapos nilang maikasal ay isinilang na rin ni Mechie ang kanilang anak na pinangalanan nilang Richard. Nasundan pa iyon ng tatlo pang anak hanggang sa umabot ng walo ang kanilang mga naging supling. Naging napakasaya ng kanilang tahanan na puno ng pagmamahalan.

More Stories