Mayabang daw ang Balikbayan Nilang Kaanak Dahil Nagpaparangya Ito ng Kaniyang mga Naipundar; Kayabangan nga ba Talaga Niya ang Problema?

Mayabang daw ang Balikbayan Nilang Kaanak Dahil Nagpaparangya Ito ng Kaniyang mga Naipundar; Kayabangan nga ba Talaga Niya ang Problema?

FamilyHeartbreakingStories

Ipinatawag mula sa barangay ang pamilya nina Aling Winona. Ayon kasi sa isa sa mga kawani roon ay nagrereklamo raw ang kaanak nilang si Rodora dahil palagi na lamang nila siyang itsinitsismis na ‘mayabang’ simula nang ito ay magbalik-bayan mula sa pagtatrabaho nito sa ibang bansa bilang isang care giver.

Totoo naman iyon. Mainit na talaga ang mga mata nina Aling Winona sa kaniyang pamangkin lalo pa at ni minsan ay hindi siya nakatikim ng padala mula rito, kahit na humingi siya. May galit kasi si Rodora sa mga kamag-anak nilang ito, dahil noong mga panahong walang-wala sila ng kaniyang ina ay hindi man lang sila tinulungan ng mga ito, bagkus ay ginipit pa nga sa pamamagitan ng pagpapalayas sa kanila sa bahay at lupa ng kaniyang ama.

Matagal na inilaban nina Rodora at ng kaniyang mama ang karapatan sa bahay ng kaniyang ama laban kina Aling Winona, ngunit mabuti na lamang at nanalo sila sa kaso. Iyon ang dahilan kung bakit pinagtuunan ni Rodora ng atensyon ang pagpapaganda ng kanilang bahay. Pinalaki niya ito. Pinagara at pinalagyan ng maraming gamit, tutal at dadalawa lang naman sila ng kaniyang ina sa buhay. Hindi niya muna binigyang atensyon ang pag-aasawa upang wala siyang maging abala habang tinutupad niya ang pangarap nila ng ina.

Bumili siya ng sasakyan at nagpatayo ng negosyong bigasan sa bayan. Tiniis niya ang lahat ng paghihirap niya sa abroad para lamang ito ay maisakatuparan. Nang makaipon na ng malaki-laking pera si Rodora ay nagpasya na siyang umuwi na upang makasama ang kaniyang ina. Tutal ay ginawa naman niya ang lahat ng iyon para dito at hindi para iparangya sa mga kaanak nilang nang-api sa kanila noon.

Sadyang mga inggitera lamang sina Aling Winona. Palibhasa ay alam nilang may ginawa silang kasalanan sa mag-ina noon kaya ngayon ay hindi sila makalapit sa mga ito kahit na sobrang hikahos nila sa buhay. Inggit na inggit sina Winona sa mag-ina dahil pinatunayan nilang kaya nilang bumangon mula sa pang-aapi ng mga ito sa kanila.

“Ipinapatawag daw tayo sa barangay. Nakarating na yata kina Rodora ’yong tsismis na ipinakalat natin doon sa labasan,” pag-iimporma ni Winona sa kaniyang hipag na si Cecile habang hawak ang subpoenang ipinadala sa kaniya ng barangay.

“Ha? Naku, Ate Winona, wala akong kinalaman d’yan, ha? Mag-isa kang gumawa ng issue sa mga ’yan. Hindi ba at ikaw lang naman ang galit sa kanila?” paghuhugas-kamay naman ni Cecile kahit pa ang totoo ay kasama naman ito sa pagpapakalat ng tsismis tungkol sa ’di umano ay pagyayabang kuno ni Rodora.

“Anong ako lang?!” Tumaas na ang boses ni Aling Winona sa galit. “Hindi ba at kasama rin naman kayo?!”

“Oo, pero ideya mo ’yon. Palibhasa naiinggit ka sa kanila, e. Bahala ka na sa buhay mo,” sagot naman ni Cecile bago siya nito tinalikuran.

Sa inis ay hinabol ni Aling Winona si Cecile. Hinablot niya ang buhok nito at sinabunutan! Mabuti na lamang at naawat sila ng ilang nakakita, kundi ay baka kung ano pa ang mas malalang nagawa ni Aling Winona.

Samantala, nasaktan naman si Cecile sa ginawa sa kaniya ni Aling Winona kaya naman nagpunta siya sa barangay upang suportahan ang reklamo nina Rodora tungkol sa kaniyang tita. Tuloy ay nasabon si Aling Winona sa barangay. Napahiya siya roon at halos hindi na alam kung ano ang ikakatuwiran.

Mabilis na kumalat sa kanilang barangay ang balitang iyon tungkol kay Aling Winona. Dahil doon ay sirang-sira siya. Lumabas na siya ang inggitera at masama sa karamihan kaya naman halos hindi na siya makalabas ng bahay. Bukod pa roon, maging ang kaniyang mga anak ay nadadamay. Halos pinupulaan na rin ang mga ito na pawang mga tamad, dahil mga walang trabaho at puro barkada na lamang ang inaatupag.

Pahiya ang buong pamilya nina Aling Winona sa madla dahil sa kaniyang pagiging napakainggitera. Dahil doon, unti-unting napagtanto ni Aling Winona ang kaniyang mga kasalanan. Tila nakapagmuni-muni siya nang halos wala nang kumakausap sa kanila. Napag-isip-isip niyang tila nasa kaniya nga ang problema. Masiyado niya kasing tinitingnan kung ano ang mayroon sa iba na wala siya, ’tapos ay ikinukulong niya ang sarili sa inggit. Tuloy ay puro masasamang aksyon ang kaniyang nagagawa dahil doon.

Hindi na nagbati pa ang pamilya nina Aling Winona at Rodora, ngunit sa wakas ay natuldukan na rin ang alitan nila. Unti-unti ay nagbago na rin naman ang ugali ni Aling Winona at sa wakas ay pinagsisihan niya ang kaniyang mga nagawang kasalanan noon. Nangako siyang hindi na niya uulitin pa ’yon, anuman ang mangyari.

More Stories