
Nagpadala ng Bulaklak ang Lalaking Ito sa Dating Asawa, Malaman kaya Ito ng Pangkasalukuyan Niyang Asawa?
“Pare, alam mo ba kung magkano ngayon ang isang bungkos ng rosas? Pupwede mo ba akong ihanap?” sambit ni Clifford sa kaibigan, isang gabi pagkatapos nilang pag-usapan ang pagsososyo nila sa isang negosyo.
“Naku, mahal ‘yon ngayon. Lalo na’t tag-ulan ngayon, mahirap magpatubo ng rosas. Para kanino mo ba ibibigay? Malayo pa ang anibersaryo niyo o kaarawan ng asawa mo, ha?” pagtataka nito dahilan para siya’y bahagyang mapakamot ng ulo.
“Ah, eh, para sana kay Geralyn. Gusto ko lang ipakita sa kaniya ‘yong bagong kwarto ng anak namin sa bagong bahay ko,” tugon niya na ikinailing nito.
“Mukhang malaking gusot ang papasukin mo, ha? Kapag nalaman ng pangkasalukuyan mong asawa na nagpadala ka ng bulaklak para sa dati mong asawa, giyera ‘yan, pare!” babala nito sa kaniya habang titig na titig sa kaniyang mga kinikilos.
“Gusto ko lang naman ibalita sa kaniya na maayos kong inaalagaan ang anak namin,” katwiran niya pa habang iniiwas ang kaniyang tingin.
“Iyon nga ba ang dahilan mo?” paninigurado pa nito kaya siya’y agad na napainom ng tubig. Doon na ito muling umiling at sinabing, “Basta kapag nagkabukingan, labas ako rito, ha?” na agad niyang sinang-ayunan.
Kahit na ang lalaking si Clifford ang dahilan ng hiwalayan nila ng una niyang asawa, hindi niya mawari kung bakit hanggang ngayon, kahit napakasalan na niya ang dalagang naging sanhi ng kanilang hiwalayan, hindi niya pa rin maalis sa isip ang mukha, kilos, at boses ng naturang ginang.
Sa katunayan, may mga pagkakataon na gigising siyang ito ang una niyang hinahanap dahil sa panaginip niya, ito pa rin ang kasama niya. May mga araw ding naririnig niya ang boses nito kapag kausap niya ang kaniyang bagong asawa. Ito ang dahilan para ganoon na lamang siya labis na mapaisip, “Bakit ba nangyayari sa akin ito? Bakit hindi ko siya makalimutan?”
Lalo pa siyang nangungulila rito sa tuwing kasama niya ang anak nilang ngayon ay dalaga na at kamukhang-kamukha nito. Tila bumabalik ang kanilang matamis na pagliligawan sa tuwing kausap niya ito na labis niyang ikinaiinis dahil ayaw niyang muling masira ang pamilyang binuo niya sa pangkasalukuyang asawa.
Ngunit dumating sa punto na hindi na niya talaga kayang tiising hindi makita ang ginang dahilan kaya humingi na siya ng tulong sa isa niyang kaibigan na kaibigan din nito.
Katulad ng usapan nila ng kaniyang kaibigan, nagpadala nga siya rito ng mga bulaklak sa trabaho kasama ng ilang larawan ng kanilang anak na nasa isang magandang silid na handog niya. Mayroon din siyang iniwang sulat dito na nagsasabing, “Miss ka na raw ng anak natin, kailan ka namin pwedeng makasama?”
Kabadong-kabado man, tila nawalan siya ng tinik sa lalamunan nang mabalitaan niyang nakangiti itong tinanggap ng kaniyang dating asawa.
“Ngayon, maghihintay na lang ako ng tugon niya. Sana naman, positibo iyon at hindi malaman ng asawa ko,” wika niya bago tuluyang umpisahan ang kaniyang trabaho.
Ilang oras pa ang lumipas, tuluyan nang dumating ang oras ng kaniyang pag-uwi ngunit hanggang ngayon, wala pa rin siyang tugong natatanggap mula rito.
Kaya naman, minabuti niya munang umuwi sa pagbabakasaling makatanggap siya ng tugon kinabukasan.
Pag-uwi niya, may isang pamilyar na sasakyan ang umalis sa tapat ng kanilang bahay na agad niyang ikinataranta.
Pagkapasok na pagkapasok niya sa kanilang bahay, bumungad sa kaniya ang lasog-lasog na bulaklak na pinadala niya, anak niyang umiiyak, at ang pangkasalukuyan niyang asawang umiiyak.
“Sinama ng dati mong asawa ang anak niyo. Pinagtataka ko lang, bakit ang lakas naman ng loob mong padalhan ‘yon ng bulaklak at yayaing makasama? Ano, gusto mo, magbalikan kayo?” bulyaw nito na ikinalambot ng tuhod niya.
“Gu-gusto ko lang naman na makasama siya ng anak namin,” pagtanggi niya.
“Iyon lang ba talaga? Akala mo ba hindi ko napapansin ang mga kilos mo? Akala mo ba hindi ko naririnig na tinatawag mo ako sa pangalan niya? Kung mahal mo pa siya, bakit pinakasalan mo pa ako?” sigaw pa nito habang humagulgol.
“Hindi ko rin alam!” sagot niya na ikinatigil nito saka agad na binuhat ang umiiyak nilang anak at agad na nag-empake ng mga gamit.
Halos pagsakluban siya ng langit at lupa ng mga oras na iyon. Pilit man niyang paliwanagan ang asawa, hindi na ito nakikinig sa kaniya hanggang sa tuluyan na siyang iniwan kasama ang kanilang anak.
Mayamaya, habang siya’y mag-isang umiiyak, dumating na ang kaniyang anak kasama ang dating asawa.
“Kung iniisip mong sasambutin kita sa ginawa mong katarantaduhan, nagkakamali ka. Kukunin ko na ngayon ang anak natin. Hindi magandang nasa puder mo siya tapos gan’yan ang ginagawa mo,” wika pa nito saka agad na tinulungan maghakot ang anak nilang dalaga.
Doon na lalong gumuho ang mundo niya. Hindi na niya alam kung saan siya pupunta o mag-uumpisa.
“Bakit ko ba binuhol-buhol ang buhay ko?” iyak niya habang pinagmamasdan umalis ang dati niyang mag-ina.
Nagpatuloy man siya sa buhay, hindi na siya masaya katulad nang dati na mayroon siyang inuuwiang pamilya.
Maging aral nawa ito para sa ating lahat na palagi nating iisipin ang kahihinatnan bago gumawa ng isang bagay na makakasira sa ating pamilya.