
Kinabahan ang Ginang na Ito nang Malamang Galing Kulungan ang Kaibigan ng Anak, Masamang Tao nga ba Ito Gaya ng Iniisip Niya?
“Hoy, Vien, bakit mo naman hinahayaang makipagkaibigan sa batang iyon ang anak mo at pinapapasok mo pa sa bahay niyo? Hindi mo ba alam na galing kulungan ‘yon?” pagtataka ni Myla, isang umaga nang makita niyang lumabas ang batang iyon kasama ang anak sa bahay nito.
“Anong ibig mong sabihin? Trese anyos pa lang ang batang ‘yon, paanong galing siya sa kulungan?” patawa-tawang wika ni Vien habang umiiling-iling.
“Diyos ko, para namang kahapon ka lang nabuhay! Iyang batang ‘yan ‘yong sumikat noon sa social media dahil siya’y pinangak ng nanay niyang utak ng masamang gawin sa kulungan!” nguso pa nito dahilan para siya’y labis na magulat.
“Totoo ba ‘yang sinasabi mo?” paninigurado niya pa rito. “Oo! Sa loob ng kulungan ‘yan lumaki! Kaya nga pinaiwas ko sa batang ‘yon ang anak ko, eh! Baka mamaya, iyon pa ang magdala sa anak ko sa mabuktot na buhay!” sambit pa nito na labis niyang ikinabahala.
“Naku, salamat sa impormasyong sinabi mo. Buong akala ko kasi, mabait ang batang iyon. Hayaan mo, ilalayo ko rin ang anak ko roon,” kabado niyang sambit saka agad na tinawagan sa selpon ang kaniyang anak upang umuwi na ng bahay.
Todo bantay ang may bahay na si Vien sa nag-iisa niyang anak na babae habang nasa ibang bansa ang kaniyang asawa. Dahil nga siya lang ang tanging maaaring mag-alaga sa anak niya, kada kilos nito, nais niyang mabantayan at masiguradong hindi ito mapapahamak.
Sa katunayan, pati ginagawa nito sa paaralan ay nais niyang malaman lalo na’t kakapasok lamang nito sa unang baitang sa hayskul.
Pati nga mga kaibigan at kaklaseng nakakasama nito, nais niya ring makilala upang masiguradong hindi maiimpluwensyahan nang masama ang kaniyang minamahal na anak.
Ito ang dahilan upang ganoon na lang siya agad na mag-alala nang malamang galing palang kulungan ang bagong tagpong kaibigan ng kaniyang anak na buong akala niya, mula sa maayos na pamilya dahil sobrang bait at galang nito.
Wika niya pa, “Bakit ba agad akong nagtiwala sa batang iyon? Mukhang nagpapanggap lang iyon! Baka mamaya, may masama siyang balak at malagay sa alanganin ang anak ko!”
Pagkatapos niyang tawagan ang anak nang araw na iyon, agad itong bumalik sa kanilang bahay kasama pa rin ang naturang bata na agad niyang pinagalitan.
“Galing ka palang kulungan, hindi mo lang sinabi sa akin! Nagkukunwari ka pang mabait! Ayan ba ang turo sa’yo ng mga krim*nal sa kinalakihan mong kulungan?” sigaw niya rito dahilan para mabigla ang anak niya at maiyak ang batang iyon na agad tumakbo palayo.
Simula noon, hindi na niya muling pinalapit ang anak niya sa batang iyon. Pilit mang ipaliwanag nito na kahit mula sa kulungan ang naturang bata, maayos naman itong napalaki at mabuti talaga ang intensyon nito, hindi niya ito pinakinggan at mas lalong pinaghigpitan ang kaniyang anak.
Isang araw, isang oras na ang nakalipas simula nang takdang oras ng pag-uwi ng kaniyang anak ngunit hindi pa rin ito nakakauwi sa kanilang bahay dahilan para agad na siyang mabahala.
Tinawagan man niya ito nang paulit-ulit, pero hindi ito sumasagot. Hanggang sa nagpasiya na siyang sunduin ito sa paaralan at doon niya lang nalamang sinugod pala ito sa ospital.
Dali-dali siyang nagtungo sa ospital na iyon at doon niya nalamang muntik nang masagasaan ang kaniyang anak.
“Pasalamat po kayo sa kaibigan ng anak niyo dahil kung hindi sa batang iyon, siguro po malala ang sitwasyon ng anak niyo. Iyong kaibigan niya po ang napuruhan at ngayo’y nasa operating room,” sambit ng nars habang hinihinamas-himas niya ang kamay ng kaniyang anak.
Dito na siya labis na nagtaka kung sino ang kaibigang tinutukoy ng naturang nars kaya nang mahimasmasan siya, nang-usisa pa siya sa mga nars upang malaman kung sino ang nagligtas sa kaniyang anak at halos kainin siya ng konsensya nang malamang ito pala ay ang batang galing sa kulungan.
Tulala siyang naupo sa tabi ng kaniyang anak nang bigla itong gumising at agad na hanapin ang batang iyon.
“Nasa operating room pa siya, anak, magpahinga ka muna,” payo niya rito.
“Sabi ko sa’yo, mama, mabait talaga siya. Palagi niya akong binabantayan dahil alam niyang hindi ako marunong tumawid. Tapos ngayon, sinakripisyo niya pa ang sarili niya para sa akin,” iyak nito na talagang ikinabuntong-hininga niya.
Doon niya napagtantong kahit na galing kulungan ang bata, totoong maayos itong napalaki dahil sa kabaitang pinapakita nito.
Kaya naman, upang makabawi sa batang iyon, minabuti niyang kupkupin ito at alagaan kasabay ang kaniyang anak na talaga nga namang hindi niya pinagsisihan dahil bukod sa maasahan na ito sa gawaing bahay, napapanatag pa ang loob niya sa tuwing kasama ito ng kaniyang anak.
Madalas man siyang balaan ng mga kumare niyang tutol sa ginagawa niya, palagi niyang pagtatanggol dito, “Mabuting bata siya kahit na lumaki siya sa kulungan. Wala kayong karapatang husgahan ang isang batang nagsisimula pa lang mabuhay.”