Isang Matandang Palaboy ang Nagpasamang Bumili sa Mamahaling Tindahan, Nakakaantig Pala ng Puso ang Binili Niya

“Mahal, pwede ba kapag may tira naman sa ulam natin ay bigyan ko si tatay na palaboy sa may palengke? Nakita ko kasing malapit lang dito ‘yung ginawa niyang barong-barong! Nakaawa naman,” tanong ni Sally sa kaniyang mister.

“Si tatay na kuba kakapulot ng mga basura? Oo naman, kahit dito mo na siya pakainin sa karinderya natin ‘yun nga lang ay dapat kapag wala nang tao kasi medyo may amoy na ‘yun si tatay baka naman makaperwisyo sa mga kakain pa sa atin,” sagot naman ni Howard, mister ng babae.

“Oo, ‘yun nga si tatay! Salamat, love! Pangako, sa gabi ko lang siya yayain kapag magsasara na tayo para naman wala nang tao,” masayang sagot ng babae at dali-dali itong lumabas para puntahan ang barong-barong ng matandang palaboy na palagi nilang nakikita sa kanilang lugar.

“’Tay, tara, kain po kayo sa amin. Kami po ‘yung may-ari ng bagong bukas na karinderya roon,” ngiting wika ni Sally sa matanda.

“Naku, hija, nakakahiya at wala akong pambayad saka isa pa hindi ganoon kaganda ang amoy ko dahil isang beses lang ako sa isang linggo kung maligo,” mabilis na tanggi ng matanda.

“Naku naman, ‘tay, wala ‘yun! Matagal ka na po naming nakikitang nangungulekta ng mga kalakal sa palengke kaya naman sanay na po kami, isa pa hindi naman po kami maselan ng asawa ko. Tara na po,” masayang yaya pang muli ng babae.

“Huwag na talaga, nahihiya ako. Saka kumain na rin naman ako, hija, maraming salamat. Sa susunod na araw na lang siguro kapag medyo mabango na ako,” sabi pang muli ng matanda sa kaniya. Pipilitin pa sana ni Sally ito ngunit huminto na siya at naisip na baka mailang sa kaniya ang matanda.

“Siya, ‘tay, dadalhan ko na lang po kayo ng pagkain ha sana huwag niyo po iyon tanggihan,” huling pahayag ni Sally bago umalis. Katulad ng kaniyang pinangako ay dinalahan nga niya ang matanda ng pagkain at araw-araw niya itong ginagawa. Ayon sa kaniyang pagtatanong ay nagta-trabaho si Tatay Henio sa palengke bilang tagapulot ng basura at tagawalis, at nakiusap ang matanda na sahuran siya kahit na singkwenta pesos lamang daw sa isang araw at nang dahil na rin sa awa ay pumayag na ang tagapamahala roon. Bukod pa sa pagbebenta niya ng mga kalakal ay kayod-kalabaw pa rin ang matanda kahit nga kuba na ito at hirap na sa paglalakad.

Advertisement

“Hija, magandang umaga, pwede ba akong humingi ng pabor sa’yo?” ngiting bati sa kaniya ni Tatay Henio na bagong ligo at maayos ang itsura nito.

“O, ‘tay! Napakapogi niyo naman po ngayon, mukhang may lakad po yata kayo? Gusto niyo po munang mag-agahan?” kaagad na sagot ni Sally sa matanda at masiglang kumaway rito.

“Magpapasama sana ako sa’yo sa mall, may bibilhin lang ako,” nahihiyang sabi pa ng matanda. Kahit na hindi pa tapos magluto ay kaagad niyang sinamahan ito at hinawakan ang kamay ng matanda na parang sila ay mamamasyal. Tahimik lang si Tatay Henio kahit na halatang natatawa ito sa kakulitan ni Sally. Panay ang daldal at kwento ng babae sa kaniya ngunit hindi sumasagot ang lalaki hanggang sa napunta sila sa sapatusan.

“’Tay, big time ka pala! Nike ang bibilhin niyo? Wow! Nakakatuwan naman po kayo!” masayang wika ni Sally kay Tatay Henio ngunit hindi pa rin ito nagsasalita hanggang sa nagpakuha ito ng size 6 na siyang mas maliit sa sukat ng paa ng matanda.

“A, pang regalo niyo po sa apo niyo? Ang sarap naman!” wika pang muli ni Sally rito. Ngunit hindi pa rin nagsasalita ang lalaki at ngiti lamang ang ibinigay sa kaniya. Bago pumila sa counter ay hinawakan ng matanda ang kaniyang kamay.

“Sally, magpapatulong sana ako sa’yo sa pagbibilang ng pera para mabayaran itong sapatos,” wika ni Tatay Henio sa kaniya saka sila umupo sa isang tabi at inilabas ng matanda ang pera niyang ipon. Puro ito singkwenta pesos na buo at nakarolyo.

“’Tay, galing ba ito sa sahod mo sa paglilinis sa palengke?” malungkot na tanong ng babae rito.

“Oo, medyo matagal rin bago ako nakaipon dahil iyon lang naman ang pinagkukunan ko ng pang araw-araw. Awa pa rin ng Diyos ay mabibili ko itong sapatos na ito,” naiiyak na sabi ng matanda. Hindi naman na nagsalita pa si Sally at pinilit niyang pigilan ang sarili sa pagluha saka niya tinulungan na makabuo ng halos anim na libong piso si Tatay Henio. Umuwi na sila at masayang-masaya ang matanda, yakap-yakap niya ang sapatos at nakatingin lamang si Sally rito. Nagpasama na rin ang matanda sa kaniya na ibigay raw ang regalo na ito kaya naman sinamahan niya lamang si Tatay Henio, kwento lamang siya ng kwento kahit nga hindi na niya alam kung nakikinig pa ba ang matanda.

Advertisement

Hanggang sa nakarating sila sa sementeryo na pinagtakahan ni Sally.

“’Tay, bakit tayo nandito?” tanong ni Sally sa matanda at tuloy pa rin ito sa paglalakad.

“Sally, salamat sa pagsama mo sa akin. Ito nga pala ang anak ko, ito si Carissa, ang nag-iisang anak ko,” pakilala ni Tatay Henio sa puntod ng kaniyang anak at inilagay ang sapatos.

“Anak, pasensya ka na kung ngayon lang nabili ni tatay ang pangarap mong sapatos. Sobrang hirap ng buhay pero ginawan ko talaga ito ng paraan para sa’yo, maligayang kaarawan, anak, mahal na mahal kita!” sabi pa ng matanda saka pumatak ang mga luha ito.

Mabilis lang din na naiyak si Sally at panay ang agos ng kaniyang luha. Saka niya nalaman na nawala pala sa aksidente ang mag-ina ni Tatay Henio nang masagasaan ito ng isang truck at hindi na nakaligtas pa. Maglalabing dalawang taong gulang na raw noon ang kaniyang anak at tanging hiling lamang nito ay makapagsuot daw ng ganoong sapatos.

“’Tay, bakit ka ganyan! Ang hirap ng buhay tapos hirap na hirap ka nang kumita ng pera pero binili mo pa rin talaga ‘yan. Alam naman na ng prinsesa niyo na mahirap ang buhay, grabe ka, ‘tay!” naiiyak na sabi ni Sally sa matanda.

“Kapag magulang ka na, kahit sa huling hininga mo gusto mong matupad ang isa sa mga kahilingan ng anak mo. Pera lang ‘yan at mahal nga ang sapatos na ito pero para sa mga magulang ang presyo na ito ay maliit pa kumpara sa pagmamahal namin. Hindi man siguro nagawa ng anak ko na makapagtapos ng pag-aaral ay naibigay ko naman kahit papano ang sapatos na ito. Pwede pa naman akong kumita, kaya ko pa,” positibong sagot pang muli ni Tatay Henio na siyang lalo pang nakapagpa-iyak kay Sally. Niyakap niya ito nang mahigpit.

Ngayon naiintindihan na niya ang pagpupursige nito at kahit na pwede na siyang mamalimos na lamang para mabuhay ay mas ginusto niyang magbanat ng buto. Simula noon ay mas ginalang niya ang matanda at mas minahal ang kaniyang mga magulang at ang kaniyang anak at araw-araw na dinarasal sa Panginoon na huwag munang bawiin ang kahit sino sa kanila.