Inday TrendingInday Trending
Ang Tanging Pangarap ng Bata ay ang Makasakay ng Ferris Wheel, Tumanda na Siya at Hindi Pa Natutupad ng Ama ang Pangakong Isasakay Siya Dito

Ang Tanging Pangarap ng Bata ay ang Makasakay ng Ferris Wheel, Tumanda na Siya at Hindi Pa Natutupad ng Ama ang Pangakong Isasakay Siya Dito

Si Charlene ay walong-taong gulang na naninirahan kasama lamang ang kanyang ama. Mula sila sa malayong probinsya na nagdesisyong lumipat sa Maynila upang makahanap ng mas maayos na pamumuhay.

“Anak, gusto mo bang mamasyal?” tanong ni Mang Eddie sa kanya isang araw.

“Saan po tayo pupunta, tay?”

Siguro ay sahod na ni Tatay,sa isip-isip ng bata.

“Sa may amusement park, magbihis ka na.”

Bigla siyang naexcite sa sinabi nito. Agad siyang naligo at nagbihis. Jeep lamang ang sinakyan nila at ilang minuto lang ay bumaba na sila.

“Wow! Ang ganda naman po dito tay!” bulalas ni Charlene kahit nasa labas palang sila ng amusement park.

“Maganda talaga dito anak, maraming batang gustong magpunta dito.”

“Talaga po? Salamat ‘tay, dinala niyo ako dito!”

Ngumiti ang ama at hinawakan ang kanyang kamay patungo sa loob. Tuwang-tuwa siyang pinagmasdan ang mga tanawin. Lalo na ang mga rides na nakakatuwang sinasakyan ng mga tao. May mga nakakatakot sakyan, meron din namang mukhang nakakatuwang sakyan.

Pero kanina pa sila naglalakad. Pinapakiramdaman niya rin ang kanyang ama kung saan nga ba talaga sila sasakay o kung maglalaro sa mga games na may papremyong stuff toys. Marami siyang gustong gawin pero ang pinakapangarap niya ay ang makasakay ng Ferris Wheel. Sabi ng mga kaklase niya, para ka daw nasa langit kapag sumakay ka doon.

Ngunit ‘ni isa sa mga rides ay wala silang nasakyan o pinuntahan para maglaro. Kaya naman hindi niya na napigilan ang sariling tanungin ito, “Hindi po ba tayo sasakay, ‘tay?”

Tipid na ngumiti ang kanyang ama, “Wala pang sahod ang tatay, anak eh.”

Biglang bagsak ng kanyang balikat. Nawalan siya ng gana sa narinig, “Ganoon po ba?”

Tinapik nito ang balikat, “Sorry anak ah. Gusto lang talaga kitang dalhin dito para maranasan mo ang pinakamagandang pasyalan sa Maynila.”

Ngumiti siya pabalik sa ama, “Okay lang po ‘yun ‘tay.” Niyakap niya ito, “Thank you po kasi pinaranas niyo pa rin sa akin na makarating dito.”

Binuhat siya nito, “Salamat. Alam ko naman maiintindihan ako ng magandang anak ko. Huwag kang mag-alala, ‘pag nakaluwag-luwag tayo babalik tayo dito. Isasakay na kita sa lahat ng rides na gusto mo.”

Natuwa ang bata, “Salamat po ‘tay!”

Ngunit ilang taon ang lumipas, ang pangakong iyon ay tila naging imposible nang biglang inatake ang kanyang ama. Hindi naman malala iyon ngunit kinailangan ng gamutan. Mas lalo silang nalugmok sa kahirapan. Ngunit hindi pinanghinaan ng loob si Charlene. Sa murang edad ay agad siyang namulat sa katotohanan ng buhay. Nagdesisyon siyang magtrabaho nang lingid sa kaalaman ng kanyang ama.

Nakiusap siya kay Aling Belen, may-ari ng malaking sari-sari store sa lugar nila, na maging tagapagbantay ng tindahan pagkagaling niya ng eskwela. Sa pamamagitan niyon ay nakaipon siya ng pambili ng gamot ng ama. Nagtuloy-tuloy iyon hanggang sa makapagtapos siya ng high school. Doon ay naghanap siya nang mas maayos na trabaho. Unti-unti na ring gumaling ang ama at bumalik ang dating lakas.

“Tay, gusto niyo po bang mamasyal?”

“Saan tayo pupunta, anak?”

“Magbihis ka na po, ‘tay.”

Dinala niya ang ama sa amusement park na pinagdalhan nito sa kanya noon. Halos maluha-luha ang kanyang ama nang tignan niya, “Sorry anak hindi ko na natupad ang pangako ko sayo noon.”

Hinawakan niya ang kamay nito, “Huwag mo ng isipin ‘yun ‘tay. Napag-isip ko rin noon na hindi naman rides ang pinakamagandang parte ng pagpunta natin noon. Kundi yung masayang alaala.Dahil kahit ilang taon man ang lumipas, narito pa rin sa puso’t isip ko ang magandang memoryang pinaranas niyo sa akin noon. Kaya ngayon ‘tay, pumili ka ng sasakyan natin!”

Mangiyak-ngiyak si Mang Eddie. Hindi niya alam kung ano ang tamang nagawa sa buhay at nabigyan siya ng napakabuting anak na pinilit intindihin ang kahirapan ng kanilang buhay. Hindi ito ni minsan nagreklamo at sa halip inako pa nito ang responsibilidad na dapat siya ang gumagawa.

Natapos ang araw na punong-puno ng saya ang puso ng mag-ama. Wala kahit ano ang makakapagpahiwalay sa kanila. Kahit karamdaman, kahit kahirapan. Lalaban silang magkasama at magtatagumpay sa buhay ng magkasama.

Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat.

sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.

Advertisement