Inday TrendingInday Trending
Naiinis sa Nanay ang mga Kasamahan dahil Lagi Niya Dinadala ang Makulit na Anak sa Opisina, Isang Mabigat na Dagok Pala ang Pinagdadaanan ng Mag-ina

Naiinis sa Nanay ang mga Kasamahan dahil Lagi Niya Dinadala ang Makulit na Anak sa Opisina, Isang Mabigat na Dagok Pala ang Pinagdadaanan ng Mag-ina

“Ano ba naman ‘yan Liza, ginawa mo nang Day Care Center itong opisina natin. Palagi nalang nandito ‘yang anak mo. Aba puro problema na nga tayo dito, kalikot-likot pa ng batang ‘yan!” reklamo ng kasamahan ni Liza sa kanya. Halos lahat ay nagagalit sa kanya dahil dito. Kaya naman wala siyang ibang ginagawa kundi ang humingi ng pasensya tungkol dito. Laking-pasalamat niya nalang dahil pumapayag ang manager nila kapag pinagpapaalam niya na dalhin ang apat na taong gulang na anak sa opisina. “Wala po kasing magbabantay sa kanya sa bahay.” “Sino ba kasi may-sabi sayong maging single mother ka? Tignan mo tuloy hirap na hirap ka!” “Inaalagaan naman minsan ng nanay ko si Dimple,” tukoy niya sa anak. Napapailing na lamang ang mga kasamahan niya, “Pwede naman kasing kumuha ng yaya, nagkukuripot pa.” Hindi na nagawang sumagot pa ni Liza. Kahit ano naman kasing paliwanag ang gawin niya sa mga ito ay hindi siya pinapakinggan ng mga ito. Ayaw niya ring malaman ng mga ito ang kanyang lihim. “Liza, may meeting tayo.” “Liz, ako na muna magbabantay sa kanya,” mabuti na lamang at may mabuting-loob siyang kasamahan na palaging nagboboluntaryong tumingin sa anak niya kapag ganitong may kailangan siyang gawin. Doon ay palaging nilalaro ni Jemma ang kanyang anak. Mahilig kasi ito sa bata kaya tuwang-tuwa rin ito sa anak niya. “Galit po sila sa mommy ko?” Kahit murang edad ay matalino ang anak ni Liza. Madaldal at alam rin ang mga dapat niyang gawin. “Hindi, Dimple. Nakikipag-usap lang sila kay Mommy mo,” binigyan niya ng tsokolate ang bata. Tuwang-tuwa naman nitong tinanggap iyon. Nagdasal pa ito bago kainin ang paboritong tsokolate, “Thank you Papa Jesus sa masarap na chocolate. Sana po ‘di sila galit kay mommy. At sana galing na po ako.” Napakunot ang noo niya sa sinabi ng bata, “Anong ibig mong sabihin?” Pinakita nito ang likuran. Gulat naman siya sa nakita. Puro pasa ang likod nito, “Anong sakit mo?” Tanong niya ngunit tila alam na niya ang sagot. “Lukemi daw po,” natawa ang bata. Hindi nito mabanggit ang sakit na Lukemia. “Di ko po tanda.” Naawa siya sa sinasapit nito. Matagal na pala itong may iniinda. “Tuwing sinasama po ako ni Mommy dito, diretso po kami sa ospital.” Doon luminaw sa kanya ang lahat. Siguro’y sa manager lang nila sinabi ni Liza ang totoong dahilan kaya pumapayag ito. Marahil, kaya niya nililhim ito sa iba ay ayaw niyang kaawaan nila ang matapang niyang anak. Simula noo’y nangako siyang hindi na siya mananahimik lang kapag inaapi ang mag-ina ng mga kasamahan nila. Totoo nga ang kasabihan na hindi muna tayo dapat manghusga ng kapwa, hangga’t hindi natin nalalaman ang tunay na kwento nila.

Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat.

sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.

Advertisement